IBANG klase talaga si Manila mayor Isko Moreno na tumatakbo ngayon sa pagka-pangulo ng bansa.
Kahit na medyo nabanatan ng personal ni Pangulong Rody Duterte ay aminadong maraming nagawa ang huli para mapabuti ang estado ng Pilipinas.
Sa katunayan, inimbitahan pa niya si PRRD na sumama sa senatorial tiket ng kanyang Aksyon Demokratiko party.
Sinabi pa ni Yorme Isko na handa niyang i-set aside ang kanyang “self-imposed rule of accepting no guest candidates.”
‘”And I will be grateful, honored and humbled to have somebody like the president in our slate as an additional candidate for senator,” ayon pa kay Yorme.
“Napakaraming accomplishments ni Pangulong Duterte, kabilang na ang “build, build, build” program.
“Let’s give credit where credit is due. President Duterte has so many accomplishments,” dagdag pa ni Yorme Kois.
Naniniwala pa si Mayor Isko na magiging epektibong senador si Duterte.
Sa pag-iikot ni Yorme sa bansa ay kitang-kita niya ang paghihirap ng marami dahil sa pandemya.
Alam niya ang pangangailangan ng taumbayan, lalo na sa panahon ng pandemya.
At handang-handa niyang tugunan ang mga problema kapag siya’y naging pangulo ng bansa.
Kung ano ang mga ginawa niya sa Maynila para mapabuti ang kalagayan ng mga Manileño ay gagawin din niya ito sa buong bansa sakaling palarin siyang manalo sa darating na eleksyon.
***
Sa Huwebes, Disyembre l6, ay simula na ang simbang gabi ng mga Katoliko.
Noong mga nakaraang panahon ay sinasamantala ng mga miyembro ng Akyat-Bahay Gang ang ganitong panahon para magnakaw.
Alam nilang nasa simbahan ang maraming tao kaya libre silang umakyat sa mga bahay para mangulimbat.
Sa hirap ng buhay ngayon, nagiging abala na naman ang mga kawatan.
Sa tingin naman natin ay handa ang mga pulis para pigilan ang mga kawatan na mambiktima sa taumbayan.
Nandiyan din ang mga opisyal at tauhan ng mga barangay para magbantay sa komunidad.
Isa pa, marunong na rin ang taumbayan.
Bago iwanan ang bahay para magsimba ay sarado lahat ang mga lugar na puwedeng pasukan ng mga magnanakaw.
Ang iba naman ay nag-iiwan ng isang miyembro ng pamilya para magbantay sa bahay.
Pero paalala lang natin sa mga magsisimbang gabi, mag-ingat naman sa mga daraanan. Kung maaari lang ay huwag ng magdala ng mahahalagang bagay pagpunta ng simbahan upang hindi na maging target ng mga kawatan.
*****
Mabuti naman dinudumog na ang mga vaccination center sa maraming parte ng bansa.
Hindi na kailangang gawing mandatory ang pagbabakuna dahil takot ang tao sa COVID-l9.
Ang problema na lang ngayon ay nandiyan pa rin ang mga ‘choosy’ sa bakuna.
Lalo na ang may malubha o maraming sakit, kabilang na ang allergy at hika.
Ang gusto nila ay bakunang hindi matapang para walang maramdamang side effects.
Hindi rin natin sila masisisi.
Ayaw lang siyempre nilang malagay sa alanganin.
Sana pagbigyan na lang ng gobyerno ang kagustuhan ng mga taong may maraming sakit.
(Para sa inyong komento at suhestiyon. Tumawag o mag-text sa#(0969) 037 7083/
Email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang huong pangalan at tirahan.)