MATAPOS mistulang “tablahin” ni Mayor Kois Moreno ang panawagan ng kanyang “Ate” na si Manila mayor Honey Lacuna na huwag na lang siyang tumakbo (ulit) bilang mayor ng lungsod, naniniwala ang mga miron na ‘endo’ na, as in ‘end of contract’ na si Mayora Honey bilang “Ina” ng Maynila pagkatapos ng halalan sa susunod na taon.
Dangan nga kasi, ngayon pa lang ay nagpahayag na ng suporta kay Yorme Kois ang malalaking pangalan sa pulitika ng lungsod, katulad ng pamilya Atienza at pamilya Lopez na katulad ni Isko ay nagmamalasakit at nagmamahal din sa kapakanan at kung ano ang makabubuti sa Maynila.
Sinasabi ring “nagtatalunan” na parang mga bakang nakawala sa kural ang mga konsehal ng Maynila mula sa kampo ni Mayora Honey patungo sa kampo ni Isko, na kanilang ginawa sa sesyon ng konseho kamakailan na napanood pa nga natin sa YouTube.
At dahil ganito na nga ang sitwasyon, ang dapat sanang ginagawa ng kampo ni Mayora ay mag-isip ng mga bagong stratehiya kung paano niya mapananatili sa kanyang bakuran ang ordinaryong Manilenyo.
Yun nga lang, “ibang klase” daw ang ipinapakitang “pagpupursigi” ni Mayora Honey habang papalapit ang halalan! Kung nagpupursigi daw si Mayora Honey, eh, mukhang “pursigido” siyang… MATALO, ahahay!
Bakit kanyo?
Hindi pa rin kaya alam ng city hall na “nagpupuyos” sa sama ng loob ang mga barangay sa Maynila dahil mistulang ‘pinilayan’ daw sila ng pamahalaang lungsod sa pagtanggal sa kanila ng pamamahala ng mga parking area sa kani-kanilang nasasakupan.
Batay ito sa ipinalabas na memorandum na pirmado ni Gilber P. Sugay ng Manila Barangay Bureau na may petsang July 19, 2024, na nag-uutos sa lahat ng barangay officials na tumigil na sa pag-operate at paninigil ng parking fees.
Ang memo ay batay daw sa liham sa kanila ng OIC ng Manila Traffic and Parking Business, err, Bureau (MTPB), na si Narciso Diokno III, kung saan ibinatay ang kautusan sa isang ordinansa na ibinigay ang ‘exclusive power’ sa MTPB sa paninigil ng parking fees.
Maaring may puntong ligal ang MTPB pero makabubuti ba ito sa political survival ni Mayora Honey samantalang mga barangay ang “haliging sinasandalan” ng mga pulitiko at kandidato?
Tanong ng mga barangay, bakit biglang binawi sa kanila ang pamamahala sa parking sa kanilang mga lugar? Gusto tuloy nilang maniwala na ang hakbang na ito ni Diokno ay may “basbas” ni Mayora dahil saan nga ba huhugot ng “lakas ng loob” si Diokno kundi sa “ultimo boss” sa city hall, tama ba, dear readers?
Hmm. Pati ba naman napakasimpleng bagay na pagbibigay ng maliit na “pabor” sa mga barangay katulad ng parking authority, binahiran na rin ng pulitika ng mga bataan ni Mayora Honey?
Sinasabi kasi ng mga miron na kaya “nasibak” si Dennis Viaje bilang hepe ng MTPB at palitan ni Diokno ay dahil sa suspetsa na “bata” kasi si Viaje ni Isko!
At kaya (daw) tinanggal sa mga barangay ang kontrol sa parking ay dahil karamihan sa mga opisyal ay ‘tahimik’ na nakapanig kay Kois, kaya ‘pinag-initan’ sila ni Mayora. Eh, baka naman hindi talaga kailangan ni Mayora ang suporta ng mga barangay officials?
‘Politics is addition,’ wika nga, kaya hindi natin malaman kung anong ‘political philosophy’ mayroon si Mayora Honey. Gusto ba niya talagang… matalo, hihihi!
Kung patuloy na “aawayin” ni Mayora Honey kahit ang mga barangay na siyang magtatakda sa kinabukasan ng kanyang political career, hindi tayo magtataka kung sakaling magsagawa siya ng political rally at walang dumating o kaya… “langawin,” hehehe!
Ang payo natin kay Mayora, ipaubaya na sa barangay ang pamamahala sa parking, at pagtuunan ng seryosong pansin ng MTPB ang pag-aayos ng napaka-samang sistema at matinding trapik sa lungsod araw-araw.
PAHABOL: Binabasa ninyo ito ay “pumayag” na raw si Diokno na ibigay sa ilang mga barangay ang pangongolekta ng parking. Pero, sa isang kondisyon: kailangan silang “mag-remit” kada buwan ng P175,000 sa tanggapan ni Diokno. Kumbaga, mga barangay na ang mistulang traffic enforcers at parking attendants ng MTPB, ganun kaya ‘yun?
Hmm. ang gusto yata ni Diokno, “siya” na lang ang “mabuhay,” hehehe!
Abangan! ###