‘Reward System’ sa ‘Drug War’ ni PRRD, bistado ni De Lima

ISANG magandang araw sa ating mga mambabasa at nga kababayan natin sa Japan.

Nagbibigay pugay si Teresa Yasuki kina Pastor Pong Clemente at Pastora Ella Clemente, sa succesful ‘Bible Encounter Event’ na ginanap sa Bacolod City at Balanban, Cebu.

Nagpapasalamat din sina Pastor Clemente sa mainit na pagtanggap sa kanila ng mga taga-Bacolod at Cebu.

Binabati naman ni La Dy Pinky ang JN- HOPE & FAITH Fashion shop ng Davao City.

Binabati rin natin ang mga taga-Japan na sina: Mama Aki ng Ihawan, Hiroshi Katsumata, Shigeki Tani, Winger dela Cruz at Lovely Ishii. At siyempre, ang kaibigan nating si Sol Espiritu ng Cavite.

Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoong Diyos.

***

Humarap si dating Senadora Leila De Lima sa House Quad Committee upang ilahad ang kanyang nalalaman sa mga extrajudicial killings (EJKs) noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ibinahagi rin niya sa publiko ang pag-uusig na kanyang naranasan mula kay Duterte.

Kinumpirma ni De Lima ang testimonya ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma hinggil sa ‘reward system’ sa panahon ng Duterte Drug War at kung paano ito inilunsad ng nakaraang administrasyon.

Ito ay nagbigay ng bagong liwanag sa pagkakaroon ng tinaguriang “Davao Model” at reward system na diumano’y umiiral noong kasagsagan ng kampanya kontra droga ni Pang. Duterte.

Ang “Davao Model” ay nakabatay umano sa isang sistema ng gantimpala, na naghihikayat sa mga pulis na magsagawa ng agresibong operasyon laban sa droga kapalit ng bayad.

Sa ilalim nito, nagbibigay ng gantimpala batay sa bilang ng mga drug suspect na naaresto o napatay sa mga operasyon.

Ang sistemang ito ay nagmula sa Davao City at binuo ni Duterte noong siya ay alkalde pa lamang.

Si Duterte, sa pamamagitan ng mga tiwaling pulis, ay nag-organisa umano ng isang espesyal na task force na kilala bilang Davao Death Squad upang magsagawa ng mga pamamaslang.

May sistema ang mga impormante at mga hitman upang ipatupad ang mga operasyon.

Ang mga impormante ang mangagalap ng impormasyon ukol sa mga hinihinalang personalidad ng droga habang ang mga hitman ang magpapatupad ng pamamaslang.

Ang mga high-profile na pamamaslang ay binibigyan ng gantimpala na P500,000.00 hanggang P1,000,000.00.

Para naman sa mga karaniwang drug suspect ay binibigyan ng premyong mula P20,000.00 hanggang P50,000.00.

Ibinunyag din ni De Lima na noong siya pa ang pinuno ng Commission on Human Rights, nakatanggap siya ng iba’t ibang testimonya mula sa mga saksi ukol sa reward system. Pinatutunayan ng testimonya ni De Lima ang pagkakaroon ng reward system, at ang mga ebidensya laban kay Duterte ay patuloy na lumalakas.

Si De Lima, na kritiko ni Duterte at ng kanyang kampanya kontra droga, ay inakusahan ng pagkakasangkot sa kalakaran ng droga noong siya ay kalihim ng Department of Justice mula 2010 hanggang 2015.

Ang mga akusasyon ay nauwi sa kanyang pagkakakulong mula 2017, matapos magpatotoo ang ilang mga saksi—karamihan ay mga nahatulang drug traffickers—na umano’y nakinabang siya sa kalakaran ng droga sa loob ng New Bilibid Prison.

Subalit, sa katotohanan, aniya, ginamit ni Duterte ang kanyang kapangyarihan bilang pangulo upang ipiit nang labag sa batas ang isa sa kanyang pinakamatapang na kritiko.

Malawak ang kaalaman ni De Lima ukol sa madugong kampanya kontra droga ni Duterte at dahil dito, naramdaman ng dating pangulo ang banta, na naging sanhi ng pagkakakulong ng dating senadora.

Gayunpaman, ang maipapakita lamang ni Duterte ngayon ay ang nawala niyang tapang.

Ang kaya lamang niyang gawin ay mag-ingay at magsinungaling sa publiko na handa niyang harapin ang imbestigasyon ng Quad Comm.

Muli siyang hindi sumipot, na nagpapatunay sa sentimyento ng publiko na si Duterte ay isang duwag.

Ang kanyang reward system ang nagdulot ng walang saysay na pagpatay sa libu-libong indibidwal noong panahon ng kanyang pamumuno, at ang tanging makabubuti sa publiko ay ang pagdalo niya sa mga pagdinig ng Quad Comm upang sagutin ang mga isyung kinakaharap niya.

(Para sa inyong pagbati at komento, mag-text sa +63 9178624484/ email: philipreyes08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).