Ruiz pa rin sa Customs; May ‘balasahan na nga ba?

MAGNGANGALIT ang mga ngipin at titigas ang mga panga sa galit ng mga nais mapatalsik agad si Acting Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa Bureau of Customs (BoC).

Paano nga kasi, hindi mangyayari ang nais nila sapagkat buong-buo pa rin ang pagtitiwala ni Pangulong Ferdinand ‘BBM’ Marcos Jr. kay Ruiz sa kabila ng paulit-ulit na akusasyon ng talamak na ismagling at katiwalian sa Aduana.

Ibig sabihin, hindi tumatalab at hindi naniniwala si BBM sa katotohanan ng walang batayang mga paratang.

Ayon daw mismo sa Pangulo, may mga pinag-usapan na sila ni Ruiz upang maipagpatuloy nito ang mga reporma sa BoC.

“… Our meeting was aimed at making the agency perform better and look good before the public, on how to implement the programs we want implemented.

“And I leave it all up to him,” sabi pa raw ni Marcos, na maipatupad ang mga proyekto at programa para mapatino ang pagpapatakbo sa Customs.

Sa tanong kung ano-ano ang mga tagubilin niya kay Ruiz, mahinahon umanong tumanggi ang Pangulo na sinabi na ayaw niyang masira ang magagandang plano nila para mapaganda ang takbo sa BoC.

“Of course, I won’t go into details. Otherwise, you’ll be making our jobs harder,” ayon pa umano sa Pangulo na idinugtong: Hindi titigil ang kanyang administrasyon sa kampanya nito laban sa katiwalian at ismagling.

***

Meron na nga bang go signal si Pangulong Marcos na magpatupad na ng balasahan at lipatan ng assignments ng mga kolektor at iba pang opisyal ng Bureau of Customs para umano mas lalo pang mapahusay ang serbisyo sa publiko, at lalo pang mapataas ang koleksiyon ng kagawaran?

Kung sakali, kaninong “ulo ang gugulong” sa gagawing balasahan at sibakan?

Umugong kasi ang balita kamakailan na pinulong ni Comm. Yogi ang lahat ng kolektor at ipinaliwanag ulit ang reporma na nais niyang ipatupad kaya kumalat ang tsismis tungkol sa balasahan at sibakan.

Sa miting ay sinabi umano ni Ruiz na masama ang tingin ng publiko sa BoC na sinabi: “The bureau has been suffering from negative perception and therefore, each and every one of us must provide the desire and the determination to earn the trust of the Filipino people.”

Nagpahayag naman, ‘di umano, ng suporta at pakikiisa ang lahat ng district at subport collector sa balak na balasahan at nagsabi rin umano ang mga ito ng kahandaan na bakantehin ang posisyon kung iuutos ni Ruiz.

Pero nilinaw ng ating source na lahat daw ay nakadepende pa rin sa kakayahan ng maitatalaga sa bagong tungkulin.

“… If my expectations failed, then sorry. We have to set you aside,” sabi pa raw ni Ruiz.

Walang matatanggal sa BOC

Tungkol ulit sa tsismis na may tatanggalin o may kolektor na made-demote, nilinaw ni Comm. Ruiz, “… no collector would be fired or demoted.”

May proteksiyon ng batas, lalo na ng Civil Service Commission, “ang lahat ng kawani ng gobyerno at kung sila ay tatanggalin sa serbisyo, sila ay daraan sa legal na proseso at paglilitis.”

Dapat ay kasuhan muna ang isang tatanggalin at may pagkakataon naman ang sisibakin na maipagtanggol ang sarili.

“You cannot just fire somebody from the civil service. May due process para magawa ito,” ani umano ni Ruiz.

Umano ay pinayuhan ni Comm. Yogi ang mga kolektor na ‘wag sundin ang kani-kanilang ‘padrino’ at manindigan sa tamang gawain at suwayin ang utos na tiwali at laban sa interes ng gobyerno.

***

Ilang tagasuporta ni Comm. Ruiz na ayaw magpabanggit ng pangalan ang binatikos ang mga kritiko nito sa patuloy na pagkakalat ng “talamak na kasinungalingan at paglilinlang” upang siraan ang pagkatao ni komisyoner at wasakin ang magagandang reporma at maaayos na operasyon sa BoC.

“Tumulong po kayo sa mga reporma na isinasagawa sa BoC,… hindi nakatutulong sa kampanya laban sa mga tiwali ang laging paghahanap ng ipipintas at pagsasabi ng mga mali.”

“Tulong at hindi akusasyon lamang ang kailangan natin upang mapatino ang pamamahala sa Customs,” paliwanag ng mga tagasuporta.

Anila: Ang mga paratang na talamak pa rin ang ismagling ng karneng baboy, manok at baka, at produktong bukid tulad ng bigas, sibuyas, bawang at iba pa ay “paulit-ulit at dati nang mga akusasyon…”

“Talagang may mga organisadong pangkat na nais nila ay mawala sa puwesto si Ruiz kaya ginagawa ng mga ito ang lahat ng paninira, pag-iimbento ng iba-ibang uri ng akusasyon upang siraan ang pagkatao ni komisyoner sa publiko, lalo na sa paningin ni BBM,” dagdag pa ng mga tagasuporta ni Yogi.

Naapektuhan kasi ang maraming ilIgal na gawain ng mga kontra sa reporma sa BoC kaya hindi sila tumitigil sa pagsira kay Comm. Ruiz sa kanyang ginagawang pagbabago at pagpapatino sa pamamalakad sa ahensya, paliwanag pa ng mga tagasuporta ni Yogi.

***

Dapat ay pag-isipan na ang regulasyon at pagkontrol sa mga ipinatayo at itinatayo pang mga casino sa bansa — tulad ng Casino Control Act ng Singapore.

Sana ay magtayo rin sa bansang ito ng Casino Regulatory Authority (CRA) na siyang may tanging kapangyarihang magbigay ng lisensya at magbantay sa pagpapatayo at pagpapatakbo ng Casino.

Dapat ay laging ingatan na huwag magamit ang casino sa “paglalabada” (money laundering) ng mga nakaw na yaman, salaping kinita sa ismagling, kidnapping, ilegal na droga at kayamanang mula sa pandarambong.

Banal na tungkulin ng gobyerno na protektahan ang mga mamamayan laban sa masasamang epekto ng pagsusugal, at ang salaping kikitain dito ay makabubuting ipagpatayo ng mga pabrika, mga paaralan at mga ospital, kalsada at iba pang imprastruktura — para tunay na maging maunlad ang bansa.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment