O, ANO NA, mga trolls ni Mayora Honey Lacuna, nakakahiya, nakakaiyak ang pagiging kulelat ng inyong manok!
Sayang ang libo-libong pisong PR money sa inyo — na kinukubra nyo sa kabangyaman ng Manila CityHall.
Eh, ako nga, “naiiyak,” mantakin ninyo naman, si Mayora Lacuna ang nasa timon, kumbaga ay bida sana (?) sa darating na eleksiyon sa Mayo 12, kasi incumbent siya at may ‘built-in advantage’ na siya laban sa nagbabalik na si “Yorme” Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.
Pero, nanang ko po, nakadidismaya ang resulta ng lahat ng nakaraang survey noong 2024, at itong latest survey ng PhilData Trends, sino ang makakaisip na “kulelat” si Mayora Honey?
Nangingibabaw at matayog ang suporta ng mga tinanong na Manila voters kay Yorme, na kumuha ng 72.1 porsiyento sa survey ng PhilData nitong Enero 2 hanggang Enero 7, 2025.
E, si Mayora Lacuna? “Kumabig” lang siya ng 12.3 porsiyento at mas angat pa si Verzosa na nakakayod ng 13.5 porsiyento habang 1.4 porsiyento lang ang “nakahig” ng ng aktor na si Raymond Bagatsing.
Sabi pa ng PhilData, ang nasungkit ni Yorme Isko ay matingkad na patotoo na sobra siyang mahal at hinahanap ng mga Manilenyo.
Eto pa, sa OCTA Research survey (July 8-10, 2024) 86 porsiyento ng mga botanteng Manilenyo ang “naiinip” nang maging mayor uli si Isko.
Muli, si Mayora? “Nakakaiyak” na 8 porsiyento lang ang nakuha!
Iyakan na talaga ito, at kumbaga sa karera, sagasa at luray ang kredibilidad ng unang Lady Mayor ng Maynila.
Sa survey rin ng OCTA, nakita na malaki ang ilalamang ni Yorme Isko sa Manila First District– nagrehistro siya ng 79 porsiyento at 77 porsiyento naman sa Ikalawang Distrito.
May nagsabi na mahihirapan si Yorme sa Ikalimang Distrito na “balwarte” umano ng mga Lacuna pero teka, malaki rin, milya-milya, ang kalamangan ni Isko sa nakuhang 67 porsiyento.
Sumegunda pa nga si Verzosa sa nasungkit na 15 porsiyento at nalublob sa pusali ng kahihiyan si Lacuna na kumuha lang ng 9 porsiyento.
Malinaw ang pulso ng taumbayang Manilenyo: Ayaw na nila kay Mayora Honey, at gustong-gusto nila na bumalik si Yorme Isko sa Maynila!
Sa kanyang pagkapanalo, asahan na rin ang ‘santambak na “dumi” na lilinisin ni Yorme sa mga lansangan at loob mismo ng City Hall na hindi malayong nangyari dahil may ‘go signal’ ni Lacuna.
Nakita rin sa dalawang survey na matalino ang mamamayang botante at tama ang kasabihan, ‘you may fool the people sometimes but not all the time.’
Opo, hindi tumatalab sa mga botante ang kahit anong pakulo at paninira ng mga trolls at ng kampo ni Lacuna.
At “bumabalandra” pa sa kanya ang lahat ng black propaganda laban kay Isko dahil kitang-kita naman, nararamdaman pa at pinakikinabangan pa ng mga Manilenyo ang mga nagawa para sa kanila ni Isko.
Puwede nang maipayo sa tropa ni Mayora Honey na mabuting ngayon pa lang ay mag-empake na sila dahil nga hindi na maaawat pa ang alsa-balutang eksena matapos ang hatol ng Manilenyo sa Mayo 12 midterm elections.
Sigurado na, itatatak na, isusulat na sa balota sa Mayo 12 ang pangalan ni Isko Moreno bilang mayor ulit ng Maynila!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).