Sawang-sawa na po tayo.
Pirmis na lang kasi na nalulusutan ng droga itong Bureau of Customs (BoC).
Pero sabi ng mga kritiko, nalulusutan ba o sadyang pinalulusot?
Ayon kay PNP chief Gen. Archie Gamboa, ang sapantaha niya ay import ang tinatayang P5.1 bilyong shabu na nasamsam ng kanyang mga tauhan sa isang warehouse sa Marilao, Bulacan kamakailan.
Kung import ang isang kargamento at bumagsak sa isang warehouse, ibig sabihin ay dumaan ito sa Aduana.
Nakalagay ang mga shabu sa 63 lata ng biskwit para hindi mahalatang droga.
Ngayon ang ating tanong, katotong NPC Vice President at People’s Tonight columnist Paul Gutierrez, kaninong tungki ng ilong diyan sa BoC dumaan ang mga kargamentong ito at hindi n’ya yata napansin?
Hindi ba ito natunugan ng “bespren” mong si Komisyoner Jagger?
Teka, hindi ba’t may haytek na x-ray naman ang BoC para malaman na shabu at hindi biskwit ang epektos na laman ng lata.
Hindi pa naman nagdi-deny o nagkukumpirma si Komisyoner kung sa BoC nga nakalusot ang imported na shabu.
Natural, mananahimik muna siya hanggang hindi siya nagkakandahetot-hetot sa pagpapaliwanag sa naging pahayag ng PNP na “imported” ang droga.
Ayon kay Gen. Gamboa, malamang aniya ay lumusot o na-import ang shabu bago pa nagkaroon ng lockdown sanhi ng coronavirus.
Ibig sabihin uli, marami nang naikalat na droga bago pa natuklasan ng mga awtoridad ang warehouse nito.
Malalaman lang natin ang katotohanan dito kung muling magsasagawa ng malalim na imbestigasyon dito sa Senado si Senator Dick Gordon, hindi ba?
Pasok na Dick!
Bilib tayo kay Sen. Dick sa pagsasagawa ng imbestigasyon dahil talagang hindi makapiyok sa kanyang ang mga sinisiyasat na posibleng sangkot sa proliperasyon ng droga sa bansa.
Ang mga dating BoC Commissioner na sina Nick Faeldon at Isidro Lapeña ay nalusutan din ng droga.
Hindi lang bulto o kilo-kilo kundi tone-tonelada.
Kung hindi sila ang kakutsaba ng mga drug traffickers na kadalasan ay mga Chinese, sino kaya sa BoC?
***
Kasunod ng pagkakadiskubre ng droga sa Marilao, nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na papatayin niya ang mga drug trafficker.
Sabi ng Presidente, kapag nagpatuloy sa pagsira ang sindikato ng droga sa buhay ng kabataan ay papatayin niya ang mga ito.
Sa totoo lang, hindi mauubos ang drug lords kahit pa sila ay isa-isang pagpapapatayin.
Kung mapatay man kasi sila, may bago na namang uusbong para magpatakbo ng sindikato.
Maglalagay lang sila sa mga korap o protektor nila sa pulisya, customs at kung kaninong pulitiko para muling makapagpalusot ng droga.
Sa ating tingin, dapat siguro ay may masampolan sa mga hanay na ito si Pangulong Digong, lalo na riyan sa BoC.
Huwag na po sanang magbanta ang Pangulo sa mga korap sa BoC – pagpapapatayin na niya ang mga ito.
Baka kapag nangyari ito, matitigil na ang smuggling ng droga sa bansa. Ano sa palagay n’yo?