MARAMI ang natutuwa, lalo na ang waterfront stakeholders, dahil sa gumagandang performance ng Bureau of Customs ((BOC) sa larangan ng revenue collection.
Bunga ito ng mga pagbabagong ipinapatupad ng pamunuan ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio na tubong Ilocos Norte.
Mula nga Enero hanggang Mayo, 2024 ay laging nalalampasan ng ahensya ang kanyang monthly collection target.
Pero ngayon ay nababahala ang mga tauhan ni Commissioner Rubio dahil sa nangyayari sa West Philippine Sea (WPS).
Kung lalala ang kontrobersya sa pagitan ng Pilipinas at China sa WPS ay siguradong apektado ang ating importasyon.
Alam naman ng lahat na sa importasyon lang tayo umaasa para may pumasok na pera sa kaban ng BOC, na nasa ilalim ng Department of Finance.
Kung kakaunti ang ating importasyon ay kakaunti rin ang papatawan ng buwis, taripa at iba pang charges.
Kaya dapat magkaroon ng peaceful settlement ang away natin sa China, ang higanteng kapitbahay natin na mukhang nagiging agresibo.
Walang masama kung subukan pa nating ayusin ang gusot sa pamamagitan ng makatwiran at payapang dialogo.
Pero maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi tayo ang nagpapalala sa sitwasyon sa pinagtatalunang West Philippine Sea.
Sana makapag-isip-isip ang China. Sa mata ng international community ay Pilipinas ang nasa katwiran dahil atin ang lugar.
Sa totoo lang, nasa loob ng ating teritoryo ang mga barko ng China.
At tayo pa ang hina-harass sa loob ng ating sariling bakuran.
Ganuon pa man, walang masama kung subukan pa nating makipag-dayalogo sa mga Tsino kung ito ay magre-resulta sa “peaceful ending” ng problema.
Tama ba kami, Pangulong Bongbong Marcos at AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner?
***
Ang isa pang problemang dapat matuldukan na ay ang operasyon ng mga POGO sa bansa.
Kesa ituon natin ang ating atensyon sa mga mahahalagang bagay abala tayo sa mga imbestigasyon sa mga pinaggagawa ng mga POGO.
Dapat ang inaasikaso natin ay kung paano bababa ang presyo ng prime commodities, kagaya ng bigas, at kung paano magkaroon ng trabaho ang mga kababayan natin.
Sa imbestigasyon ng mga POGO ay malaki ang ginagastos natin.
Kaya tama siguro ang panukala ng iba na i-ban na lang ang operasyon ng mga POGO sa Pilipinas.
Talagang sakit lang ng ulo ang dulot ng POGO,
***
SIGURADONG pinaghahandaan na ng Malakanyang ang susunod na State-Of-the-Nation Address (SONA) in Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa isang buwan.
Taun-taon ay kailangang mag-report sa bayan ang Pangulo ng bansa.
Ito ang tinatawag na SONA na ginagawa ng Chief Executive sa joint session ng Congress – Senate at House of Representatives.
Kaya abala ngayon ang lahat ng government offices at agencies sa paggawa ng kani-kanilang accomplishment report.
Kailangang mai-submit ang mga ito sa Malakanyang para dito ibabase ng mga speech writers ang laman ng SONA ni Presidente Marcos.
Hindi puwedeng bola-bola lang mga report nila dahil kung mali ang report nila ay si Pangulong Marcos ang mapapahiya.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)