PANAUHING pandangal kamakailan si Pangulong Bongbong Marcos sa ika-50 taon anibersaryo ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) nitong Abril 15, kung saan tiniyak niya ang pagbibigay seguridad ng pamahalaan sa mga mamamahayag sa bansa.
Natuwa tayo sa tinuran ng mahal na pangulo sa bahagi ng kanyang talumpati, na laging nakahanda ang pamahalaan, sa pamamagitan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), na itaguyod ang press freedom at pagbibigay hustisya sa mga kagawad ng media na napaslang sa pagganap sa kanilang tungkulin.
Talagang nakakataba ng puso ang pahayag na ito ni PBBM, dahil malinaw na nagtitiwala at naniniwala siya sa kakahayan ng PTFoMS sa pagtataguyod ng karapatan at seguridad ng nga kapatid natin sa hanapbuhay.
“Rest assured that this government, through the Presidential Task Force on Media Security, is always on top of ensuring a safe environment for media practitioners in the country,” bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos.
Oops! Sa kasalukuyan, ang inyong lingkod ang executive director ng PTFoMS, kung saan ang chairperson ay si Department of Justice Secretary (DOJ) Jesus Crispin “Boying” Remulla, aka, ‘Bossman,’ habang co-chairperson naman si Press Secretary Cheloy Velicaria-Garafil. At siyempre, hindi rin tayo pinapabayaan sa paggabay ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Tinitiyak ng inyong lingkod na hindi nagkamali si PBBM sa ibinigay na tiwala sa atin, dahil seryoso natin ginagampanan ang ating tungkulin para sa kapakanan ng hanay ng media.
At ang tiwalang ito ang magsisilbing inspirasyon upang mas pag-ibayuhin ang ating ang ating trabaho.
Katunayan, kamakaialn lamang, buong pusong nagpasalamat ang pamunuan ng Central Luzon Media Association (CLMA) sa pangunguna ng kanilang pangulo na si kasamang Gani Oro at ang Pampanga chapter ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), dahil sa maagap na pag-aksyon ng inyomg PTFoMS sa kaso ng broadcaster na si Rowena Quejada..
Biktima si Quejada ng panggigipit ng mga miyembro ng demolition team sa Angeles City kamakailan kung saan ninakawan siya at tinutukan pa ng baril.
Dahil sa maagap na aksyon ng PTFoMS, katuwang ang PNP at piskalya ng Angeles City, mabilis na natukoy ang suspek at agad nasampahan ng ‘sandamakmak na mga kasong kriminal.
Noong Marso 15 naman ay naaresto na ang dalawang suspek, sa bisa ng warrant of arrest, sa pagpaslang sa broadcaster na si Juan “DJ Johnny” Jumalon ng Misamis Occidental.
Binaril at napatay si Jumalon sa loob mismo ng kanyang tahanan noong Nobyembre 5, 2023. Hindi natin nilubayan ang kaso sa tulong ng masipag na ground commander at Misamis Occidental Police Provincial Director Col. Dwight Monato.
Puspusan ang ginawa natin pagtutok sa kaso dahil mismong si Pangulong Marcos ang nag-utos na huwag lubayan ang kaso hanggang hindi nakakamit ng pamilya Jumalon ang hustisya.
Marami pa tayong mga kaso ng media na tinututukan, hindi lamang ang mga pagpaslang, maging ang iba pang kaso ng karahasan, at panggigipit. At lahat nang ito ay masusi nating binabantayan.
Hindi natin sasayangin ang tiwala na ibinigay sa atin ng ating mahal na pangulo, bagkus ay lalu pa natin pag-iibayunhin ang mandato na iniatang sa atin, katuwang siyempre ang patuloy na suporta sa atin nina Bossman Boying, Sec. Cheloy at ES Bersamin.
At sa ating mga kapatid sa media, umasa kayo na laging nakaagapay ang inyong PTFoMS upang itaguyod ang inyong karapatan at proteksyon.
Muli, maraming salamat PBBM!