Shabu, huli sa Clark; Happy Birthday, Patricia!

ISANG magandang araw sa lahat ng ating mga suki.
Sana’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan, Oman at iba pang panig ng daigdig.

Binabati muna natin si Patricia Coronel na nagdaos ng kanyang kaarawan noong nakaraang Enero 11. Nawa’y biyayaan ka pa ng masaganang buhay ng ating Panginoong Hesus.

Binabati rin natin sina:

Theresa Yasuki, Lady Pinky, Endo Yumi, Lorna Pangan, Tadokoro, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Roana San Jose, Mama Aki ng Ihawan, at ang laging nakasuporta sa mga Filipino sa Japan na si Hiroshi Katsumata.

Pagbati  rin kay Joann de Guzman at sa kanyang mga kasama diyaj sa Oman.

God Bless sa inyong lahat!

***

Mabuti na lang, laging alerto ang mga taga-Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark (POC) sa Pampanga.

Kung hindi ay baka marami ng illegal drugs, kasama na ang shabu, marijuana at Ecstasy, ang nakapasok sa bansa.

Mahirap nang lumusot ang mga kontrabando sa mata ng mga opisyal at tauhan ni District Collector Jairus Reyes.

Maliban sa X-ray scanning machines at K-9 sniffing dogs, highly-trained ang mga tauhan ni Collector Reyes para malaman ang mga kontrabando.

Noon ngang December 19 ay nakasakote ang mga tauhan ni Reyes ng shabu na nanggaling pa sa Estados Unidos.

Nagkakahalaga ng P2.652 milyon, ang shabu ay tumitimbang ng 390 grams.

Ayon sa report, ang shabu ay isinama sa Christmas gift na coffee bags at mga kendi.

Subalit, nang idaan ang shipment sa physical examination, nakita ng ang apat na vaccum-sealed transparent pouches.

Dito nakatago ang shabu na dumaan din sa ‘confirmatory lab test.’

Ang pagsusuri ay isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Region 3.

Kasama sa operasyon ang Philippine National Police, Aviation Security Command, PNP Drug Enforcement Group at National Bureau of Investigation. Saksi rin sa inspeksyon ang mga barangay official ng Dau, Mabalacat City.

Tama lang ang ginagawa ng mga tauhan ng BOC-POC na paigtingin ang kampanya kontra drug smuggling.

Isa sa marching orders ni Pangulong Marcos sa BOC na pinangungunahan ni Commissioner Bienvenido Y.Rubio ay ang pagpuksa sa ismagling.

Lalo na ang ismagling ng iligal na droga  at mga produktong agrikultura.

***

Kahit papalapit ang May 12 midterm elections, ay nakatutok sa trabaho ang Bureau of Customs.

Sa kanila, ibang responsibilidad ang superbisyon ng halalan. Hindi sila makikisawsaw sa eleksyon dahil prinsipal itong trabaho ng Commission on Elections (COMELEC).

Kailangan nakatuon sila sa revenue collection, trade facilitation, smuggling eradication at paglaban sa korapsyon.

Hindi biro ang P1.06 trilyon na collection target ng ahensya sa taong ito.

Hindi bale sana kung walang ‘challenges’ na kinakaharap ang buong mundo.

Maraming problema na makaka-apekto sa world trade.

Baka nga ‘mag-slowdown’ ang mga importador na talagang makaka-apekto sa Pilipinas,

Kung bababa ang importasyon, bababa rin ang makokolektang buwis at taripa.

Tama ba kami, Finance Secretary Ralph Recto at Commissiner Rubio?

***

Maraming umaasa na gaganda ang revenue collection performance ng Bureau of Customs (BOC) sa taong ito.

Sa tingin natin ay handa ang gobyerno ni Pangulong Marcos para malampasan ang mga problema na kakaharapin ng mundo.

Ang kailangan lang natin ay magtulungan at huwag magbatuhan ng putik.

Walang ibibigay na buti ang laging nagbabangayan, lalo pa nga at papalapit na halalan.

Kung may mali sa gobyerno, punahin natin pero hindi sa paraang makadadagdag pa sa ating mga problema.

Hindi ‘destructive,’ bagkus, ‘constructive criticism’ ang kailangan ng bansa.

(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa #+63 9178624484)