“I STAND corrected.”
Ito ang salitang sinabi ni Chief PNP Guillermo Eleazar kamakailan na “natanim” sa ating isip, patungkol sa mga nakita ring ‘adverse findings’ ng Commission on Audit (COA) sa Philippine National Police.
Hindi nag-atubili itong heneral ng mga Pilipino na iwasto ang kanyang pagkakamali matapos malaman na taliwas sa mga balita at impresyon ng madla, “hindi” naglalabas ng ‘press release’ ang COA sa kanilang mga audit sa mga ahensiya ng gobyerno at inilalagay lang ang mga ito sa kanilang ‘official website.’
Kumbaga, ano mang balita sa mga audit ng COA na inilalabas ng media ay ‘na-download’ nila mula sa website ng COA at hindi “sinadya” ng COA na “ibuyangyang” sa publiko para magpabida at makakuha ng ‘pogi points.’ Hindi rin naglalabas ng ‘press release’ ang COA para “siraan” ang ano mang ahensiya ng gobyerno katulad ng PNP at Department of Health.
Alam nating nasa ‘spotlight’ ngayon ang COA matapos “mabaterya” ni Pang. Digong sa kanyang ‘address to the nation’ noong Sabado, Agosto 14, 2021, hinggil naman sa ginawa nitong audit sa DOH.
Sa halip namang “magpaawa effect” si Gen. Guillor sa harap ng media—katulad ng ginagawa ni DOH secretary Francisco Duque at iba pang mga opisyal ng gobyerno na ang mga ahensiya ay “nasilip” din ng COA, “pagpapakumbaba” ang ipinakita ni Gen. Eleazar.
Patunay lang na hindi lang niya sinasabi, bagkus, ginagawa rin niya ang kanyang pahayag na “ang mali ay mali!”
“Nagkamali” siya sa kanyang pahayag laban sa COA, hindi siya nag-atubili na itama ito sa harap din ng publiko.
Kung sa bagay, hindi lang ito ang unang beses na inamin ni Gen. Guillor na may pagkakamali siya na agaran din niyang itinama. Sa ganang atin? ‘Yan ang tunay na lakaki!
Sa hanay ng ating mga opisyal ngayon, mayroon bang ganyan? Kung meron man, sigurado, “mabibilang” sila sa “daliri.”
Mabuhay ka, Gen. Guillor!