Si Isko ang “alternatibo,” ang dapat ibotong pangulo

ILANG tulog na lang, sabi nga, at boboto na tayo kung sino ba ang dapat na ihalal na pangulo sa Mayo 9, 2022, at sa ating pagboto, kailangan tayong maging matalino sa pagpili.

Kung tama ang pipiliin nating pangulo – ‘yung mahusay na crisis manager dahil ngayon, nahaharap tayo sa maraming problema: bagsak na kabuhayan gawa ng pandemya, maraming walang trabaho at kung mayroon man, hindi sapat at laging kulang dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, malaking gastos at bayarin sa kuryente, krudo, tubig at iba pang serbisyo, banta pa ng pandemyang COVID-19, at ang giyera at iringan ng mga bansa – na aminin at hindi, madadamay ang ating buhay at kabuhayan.

At mataimtim nating isipin ang warning ni presidential candidate Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na kung magkakamali sa pagpili, kung pula o dilaw ang manalo sa Mayo, posibleng mangyari ang kinatatakutan ng marami.

Pula ay tumutukoy sa opisyal na kulay ni dating Sen. Bongbong Marcos at Dilaw o Pinklawan ay siyang kulay ng sinasabing pekeng VP na si Leni Robredo.

Nababasa natin ang mga babala: kung dayain uli si Bongbong – na bintang sa kampo ni VP Leni – maglulunsad ng isang ‘rebolusyon’ ang mga loyalista ni Marcos.

Kung manalo si Bongbong, hindi titigil ang Pinklawan na agawin ang kapangyarihan at maglulunsad uli sila ng katulad na ‘EDSA Revolution.’

Totoo ito dahil matiim lagi si Robredo sa pagsasabi ng “Lalaban tayo, lalaban tayo para hindi na makabalik pa ang mga Marcos!”

Hindi bayan, hindi mamamayang Pilipino ang ipinaglalaban ni VP Leni, kungdi ang maghiganti sa anak ng diktador at kapamilya nito, at muling ibalik sa kapangyarihan ang mga kakamping oligarkong Dilawan.

At ano ang dahilan ng nais na pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan, ah, hindi na natin kailangang sabihin pa dahil alam na ito ng taumbayan.

***

Panganib, bagong krisis ang dala ng panalo nina Marcos at Robredo, at dito, kailangan ang isang alternative, isang mas tamang mapipili at ipapalit.

 

Kaya tama lang na isipin ang sinabi ni Isko na ngayong nasa krisis ang bansa, hindi away politika at gantihan ang solusyon.

Ito ang panahon ng pagkakaisa, “it’s time to heal, time to move forward,” sabi ni Yorme Isko dahil kung magpapatuloy ang away politika, kaguluhan, kahirapan, at lalong paglala ng krisis sa buhay at kabuhayan ang mararanasan ng matagal nang naghihirap na pamilyang Pilipino.

Hindi maikakaila, si Robredo ay extension ng Dilawang Aquino; si Leni ay lutang na kakambal ng benggansa ng pangkat na laging nagsisigaw ng “Never again” na tinutukoy ang pagbabalik  ng mga Marcos, at ang pagpapanatili ng kapangyarihan ng mga kakampi ng Aquino – na alam natin, walang naidulot na ginhawa at katubusan sa dinaranas na lugmok na buhay ng Pilipino.

May katotohanan ang babala ni Yorme Isko na kapag nanalo ang sinoman kina Marcos at Robredo, ” ikukudeta ng isa, aawayin ng isa, aawayin, hindi na matitigil ang kaguluhan.”

***

Sa loob ng mahigit na 30 taon, walang katahimikan sa bansa; walang nakitang pag-unlad at kung mayroon man, babahagya nang nararamdaman ng mamamayan.

Katahimikan, kapayapaan ng isipan, pag-unlad ng bayan ang kailangan, at iniaalok ni Yorme Isko ang sarili na alternatibo, mahusay na kapalit na pagpipilian sa dalawang kandidato na ang isa ay manalo ay magiging mitsa ng lalo pang kaguluhan sa Pilipinas.

Sa nalalapit na eleksiyon, pansinin ang lalong painit nang painit na away ng Pula at Pink na Dilaw.

Personalan na, bardagulan na, kulang na lang ay mauwi sa patayan ang patuloy na paglaki ng apoy ng away politika ng Pink na Dilaw at ng Pula.

Kaya nga, nasabi ni Yorme Isko, hindi matitigil ang giyera politika kung isa sa Pula o sa Dilaw na Pink ang mananalo sa eleksiyon.

“Magbabawian pa din, maghihigantihan pa din. Para bang sila tumatakbo kasi gusto lang nila tumakbo para talunin ‘yung isa, ‘yung isang political clan laban sa kabilang political clan,” malinaw na pananaw ni Yorme Isko sa sitwasyon ng halalan natin sa Mayo 2022.

***

May isang magandang solusyon sa krisis ng pagpili sa susunod na pangulo, sabi ng kampo ng Aksyon Demokratiko.

Mahusay na crisis manager ang kailangan ng bansa; isang lider na mabilis kumilos sa panahon ng panganib, sa panahon ng dagliang kilos laban sa mga problema ng bansa.

Alternatibo si Yorme Isko: isang lider na pinatunayan na ang liderato sa Maynila at ang kakayahang nakita ng bayan sa panahon ng krisis ay patunay, si Isko nga ang tamang piliin.

Kung nais natin ng payapa, maayos, mahusay na pamamahala sa susunod na anim na taon, iisa lang ang kandidatong magbibigay ng mga ito sa mamamayang Pilipino.

Si Isko Moreno Domagoso!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment