LINTIK talaga, ewan ko ba, may pa-mani-manifesto pa sa panahon ni Commissioner Jaime Morente na sila raw sa Bureau of Immigration (BI) ay magpapakatino at di na masasangkot sa anomalya at korapsiyon, wala rin, nganga pa rin tayo dahil kahit ngayon, ang dami pa ring kalokohan sa ahensiyang ito.
Nagpasikat noon si ex-Sen. Manny Paquiao na uusigin niya ang mga korap sa BI na ayon sa Inquirer.net, mahigit sa 400 BI employees ang inusig, sinuspindi at kinasuhan sa paratang na nagbulsa ng P40 bilyon sa maeskandalong ‘pastillas.’
Pasiklab lang pala iyon sa nakaraang presidential elections at hindi kinagat ang pakulo mo, Idol Manny.
Ang nakakainis, “no criminal conviction” sa mga inimbestigahan at sinuspinding BI employees.
At nang makabalik sa trabaho, balik uli sa kalokohan kasi, yung manifesto na sinumpaang magtatrabaho nang maayos, e press release lamang, ganoon po ba, Sir Commissioner Norman Garcera Tansingco?
Sayang po ang appointment sa inyo ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kung magpapatuloy ang kalokohan sa BI, Sir Tansingco na kilala pa naman bilang “magaling” na abogado, CPA at 10 taon na naging chief of Staff ni dating Immigration Commissioner Marcelino Libanan.
Sa Ombudsman, anyare na sa kasong plunder na isinampa ninyo noon vs. BI Deputy Commissioners Al Argonsino, Michael Robles, at kay Wenceslao ‘Wency’ Sombero Jr. na inakusahang nangotong ng P50-M kapalit ng pagpapalaya sa 1,316 Chinese national na nabistong nakapasok nang iligal sa bansa?
Natabunan na ba ng alikabok o kinalimutan na, kasi may “napag-usapan” na?
Balitaan naman nyo ang inyong lingkod, mga bossing.
Kasi pag ganyan lagi tayo na imbestiga, file ng kaso at walang nangyari o may balitang may “lutuan,” nasisira ang kredibilidad ng Ombudsman sa mata ng taumbayan.
Tulad ngayon, balik kalokohan na naman sa BI na okay ang nais nila na mawala ang human trafficking pero susme naman, inaabuso ng ilang immigration officer ang poder nila na kahit lehitimo ang pag-alis ng ating kababayan, di makaalis, naiiwan sa biyahe ng eroplano.
Pati ba naman graduation year book, marriage at birth certificate, diploma e hinahanap pa, Sir Commissioner Tansingco?
Tapos, balik uli sa pag-eeskort ng mga dayuhan sa pagsakay sa eroplano, e ano ang iisiping dahilan ng courtesy na ito ng immigration officers, e di paldong pera ang kapalit?
May nabibisto pang pangungupit ng pera at alahas sa bagahe ng mga paalis at parating na biyahero.
Noong manumpa sa tungkulin si Sir Commissioner Tansingco, ano ang pangako niya, siyempre, lilinisin niya ang BI sa mga tiwali at korap na opisyal at tauhan.
Sir Commissioner, magsa-sampung buwan na po kayo, wala pong nakikitang pagbabago sa ahensiya ninyo, ang daming reklamo, sakaling hindi pa ninyo alam!
May kakutsabang travel agencies ang mga tao ninyo na napapaalis ang mga contract worker kuno nang wala nang mabusising tanong lalo na sa mga immigration office sa ibang international airport sa bansa.
Kasi umiiwas na sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa ibang international airport tulad sa Clark, Mactan-Cebu Puerto Princesa, Laguindingan (Cagayan de Oro) at Bacolod-Silay Airport sila kumikilos, anang mga bubuwit.
Nangyayari ito dahil sa maayos na operasyon ng isang “Silidonyo Katindig,” ayon sa ating balita.
Si alias “Silidonyo Katindig” daw ang “bosing” sa operasyong ito, sabi ng ating sources kaya mabilis na nakapapasok ang mga illegal aliens, lalo na ang mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ano na po, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), akala po natin, ipahihinto na itong POGO?
Ang matindi, itong si alias “Silidonyo Katindig” ay may “malawak” na network umano sa media kaya naitatago sa publiko ang kanyang brilliant scheme? Kaya ba walang “ingay?”
Aber, sayang ang intelligence fund ng BI kung walang alam sa operasyon ni alias “Silidonyo Katindig” o kaya, baka may backer siya na malakas sa itaas.
Saang “itaas?” Eh, ang sabi nga ni Yorme Isko Moreno, ‘yung ‘itaas” ay hawak ni “Edi Ako,” “Ni Bossing Mo.”
Kaya kung ako kay PBBB, pakikilusin ko ang Philippine National Police (PNP) intelligence officers, National Bureau of Investigation (NBI) intel officers, BI agents o ang mismo opisina ni Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla at nang mabisto, mahubaran ng maskara itong si alias “Silidonyo.”
Mahirap na, kasi bumabalik daw uli ang pastillas scam sa mga Chinese POGO workers, at may mga “Escort Services” na diretso sa eroplano palabas ng bansa ay nauuso na ulit kaya, “paano” masusugpo ang human trafficking, Sec. Remulla Sir? Abangan!
(Para sa inyong mga suhestiyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).