MAHIGIT isang taon na lang sa puwesto si Pangulong Rody Duterte pero nandiyan pa rin ang mga problemang nagpapahirap sa tao at bayan.
Nandyan pa rin ang mga nagtutulak ng droga, mga tiwali sa gobyerno at iba pang kriminal sa bansa.
Nang maupo siya sa Malakanyang noong Hunyo 30, 2016 ay ipinangako niya na susugpuin at bibigyang solusyon ang mga problemang ito.
Hanggang sa matanto niyang hindi pala ganun kadali ang laban.
Malala na ang mga problemang ito.
In fairness kay Mayor Digong, hindi naman siya nagpabaya sa trabaho.
Hindi lang talaga ganun kadali tugunan ang mga problemang ito.
Kailangan kasing dumaan sa tamang proseso dahil tayo’y nasa ilalim ng demokrasya.
Hindi ba, Justice Sec. Menardo Guevarra?
***
Talaga namang saksakan ang tigas ng ulo ng ilan nating kababayan.
Maging sa tamang pagsusuot ng face mask at face shield ay makikitang binabalewala ito ng karamihan.
Makikita mo naman sa mga dumadalo ng kasalan, binyagan, inuman at iba pang okasyon ang tahasang paglabag sa physical distancing.
Lalo na sa bigayan ng ayuda.
Alam natin na marami ng nahihirapan dahil sa kawalan ng trabaho at pagkakakitaan.
Pero hindi ito dahilan para hindi tayo sumunod sa mga inilatag na health protocols ng gobyerno.
Isaisip natin na sa hindi pagsunod, inilalagay natin ang ating sarili at ibang tao sa panganib na mahawa ng nakamamatay na sakit.
Maging responsable naman sana tayo para mapigil na natin ang pagkalat ng Covid 19.
Sa kasalukuyan, makikita natin sa mga datos ang pagtaas at pagbaba ng kaso ng Covid 19 sa iba’t ibang rehiyon.
Hindi pwede ang ganito. Kailangan tuluyan nating mapababa ang kaso ng nagkakasakit sa buong bansa.
Hangga’t hindi natin ito nagagawa, mahihirapan tayong maibalik ang sigla ng ekonomiya. Simple lang ang solusyon, huwag maging matigas ang ating ulo.
***
Kagaya nang lagi naging sinasabi, mahirap matigil ang ismagling sa bansa.
Malaki kasi ang kinikita ng mga ismagler at marami ang nakikinabang dito.
Mabuti nga at laging nakabantay ang mga taga-BoC para pigilan ang ismagling.
Malaki ang ginagampanang papel ng X-Ray Inspection Project (XIP) sa anti-smuggling drive ng gobyerno.
Dito agad na natutukoy kung may diperensiya ang kargamento.
Isa pa, bukod sa dagdag na bayad ng buwis, napabibilis ng XIP ang paglabas ng mga kargamento sa Aduana.
Nito nga lang nakaraang buwan, 72,364 containers ang dumaan sa mga X-Ray machine.
Ito ay lampas sa 26,619 containers na naisalang sa X-Ray machines noong Mayo 2020.
Mula Enero hanggang Mayo 2021 ay umabot na ng 310,583 containers ang na X-Ray ng XIP.
513,600 containers naman ang dumaan sa mga scanning machine noong nakaraang taon na inaasahan ng mga taga-XIP na malalagpasan nila sa taong ito.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email: tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).