Simula na tayo sa PTFoMS

NAIS po nating pasalamatan ang Pangulong Bong Bong Marcos sa tiwalang ipinagkaloob po sa atin sa pagkakatalaga bilang bagong executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS). Pormal tayong naitalaga sa nasabing posisyon nitong Mayo 25, 2023.

Dapat din nating pasalamatan si DOJ Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, ang ating ‘Bossman’ at si Presidential Communications Office (PCO) Secretary Atty. Cheloy Garafil, sa ginawa nilang pag-endorso sa atin sa paniwalang kaya nating gampanan ang trabaho na protektahan ang ating mga kapatid sa midya.

Oops! Hindi ko rin puwedeng kalimutan ang aking mga “bosing” dito sa Journal Group, partikular na ang ating ‘Mommy’ Tess Lardizabal, sa kanyang napakalawak na pag-unawa at “pagmamahal” sa atin, sa buong panahon na ‘andun tayo sa “pinakasikat” na tabloid sa buong ‘Pinas! Harinawang huwag “matigok” ang ating kolum, hehehe.

Sa ating panig, titiyakin po natin ang matapat at maaasahang serbisyo. Hindi po natin sasayangin ang pagkakataon na ibinigay sa atin ng ating pamahalaan.

Siyempre nais din nating batiin si former PTFoMS Executive Director Usec. Joel Egco sa kaniyang naging pamumuno rito. Alam po natin na isang malaking hamon na masundan ang iniwan niyang ‘legacy’ sa PTFoMS.

Andyan din ang ating mga kasamang opisyal sa National Press Club (NPC) kung saan nagkaroon ng maliit na pangalan ang inyong lingkod bilang opisyal nito—direktor, bise-presidente, pangulo at kalihim.

Malaki pong hamon at nakikita po natin na hindi madali ang magiging trabaho natin sa PTFoMS. Sa simula ay inaasahan po nating magkaroon tayo ng ‘birth pains’ at haharapin po nating lahat ito.

Naririyan pa rin naman po ang mga problema sa hanay ng media na nagpapatuloy dahil aminin po natin o hindi, may mga bulok pa rin sa hanay natin. Kung may tiwaling pulis at militar, ay may tiwali din po sa media.

May mga media pa rin na nagpapagamit sa mga may impluwensiya at kapangyarihan kapalit ng pera. Gumagawa ng mga unethical practices na sa huli ay nagpapahamak hindi lamang sa kanila kundi sa imahe ng midya sa Pilipinas.

Sa huli, kung hindi sila makakasuhan ng libel ay ang ayaw po nating mangyari na napapabilang na naman sila sa bilang ng mga napapatay na mamamahayag sa bansa. Tapos, gobyerno na naman ang sisisihin sa kanilang sariling kasalanan.

Nariyan pa rin ang iba pang problema ng media gaya ng sahod, benepisyo, seguridad sa trabaho at iba pang pang-ekonomiyang isyu na nakakaapekto sa kanilang trabaho. Kaya ang iba napipilitang gumawa ng hindi maganda.

Kaya naman pumapangit ang imahe ng media kahit sa publiko. Nawawalan ng tiwala ang iba dahil sa ginagawa ng ilang mga bugok sa ating hanay.

Isa pa po ay alam nating hindi magkakasundo ang lahat ng organisasyon ng media sa Pilipinas. Isang malaking hamon po na mapaglingkuran ang lahat pero sadyang may pagkakaiba ng panininiwala ang iba.

Nariyan din ang problema sa pagitan ng mga media sa Kamaynilaan at media sa mga rehiyon at probinsya. Higit sa lahat, sadyang masahol na ang problema natin sa misinformation, disinformation, ang paggamit sa media bilang daluyan ng propaganda at ang ‘fake news.’

Ilan lamang po ito sa gabundok na problema na ating kakaharapin bilang bagong “timin” ng PTFoMS. Uulitin po natin na magiging mahirap po ito sa simula at walang madali sa paglilingkod sa bayan lalo na sa hanay ng media.

Pero alam natin na hindi tayo papabayaan ng mga totoong taong sumusuporta at naniniwala sa atin. Dahil sa ganitong trabaho alam po nating hindi lahat ay matutuwa sa kung nasaan tayo at sa kung ano ang gagawin natin.

Kasabay po ng paunang pagsasaayos namin ng PTFoMS ay ang patuloy na nating paglilingkod sa hanay ng media.

Isang napakalaking karangalan po na mapaglingkuran ang hanay ng media at makatulong na maitaas ang imahe ng ating propesyon at mapangalagaan ang ating mga karapatan.

Kaya po simula na po tayo sa ating trabaho at nawa po ay makasama ko kayong lahat sa simula hanggang sa dulo.

Dahil hindi po madali ang ating trabaho kung hindi tayo magkakasama. Hindi po kakayanin ng PTFoMS mag-isa na matugunan ang lahat ng problema kung wala po ang partisipasyon ng bawat isa sa atin.

Abangan!

Comments (0)
Add Comment