Sino ang ‘stupid,’ Gen. Parlade?

SA GALIT ni Sen. Franklin Drilon kay LT. GEN. Antonio Parlade, siya at 14 pang senador ay nagrekomenda kay Pang. Rodrigo Roa Duterte na palitan na ang heneral bilang spokesperson ng NTF-ELCAC.

Kasi, tinawag daw sila ni Parlade na mga “stupid!”

Nakakagalit nga naman, eh siya na dating executive secretary, dating labor and justice secretary at senador pa sa loob ng 24 taon, tatawagin lang na “Stupid?”

Nabasa ko, sinabi ni Parlade na kung tototohanin nga ang banta ni Drilon at ng iba pang senador na i-defund ang NTF-ELCAC, ‘yun ay “Stupid.”

Sa maliit kong pagkaintindi, hindi ang mga senador ang tinawag ni Parlade na “Stupid.”

Ang planong pag-aalis ng pondo ng NTF-ELCAC, iyon sa opinyon ni Parlade ay gawaing “Stupid,” o ayon nga kay Atty. Larry Gadon, “kabobohan.”

Pag hindi mo naunawaan ang sentido komon ng sinabi ni Parlade, baka nga totoo na ang gayong pag-iisip ay “Stupid.”

***

Anyare, VP Leni Robredo?

Bakit sa kabila ng PR stunts, community pantry, mga ayuda at matatalim na batikos laban sa gobyerno, kundi kayo kulelat, hirap na hirap kayong maka-number 3 man lang sa top presidentiables.

Anyare, spokesperson Atty. Barry Gutierrez at pati ang ‘1Sambayan’ ay malamig na iendorso ang manok mo sa 2022 presidential race?

Nagpapalitan lang sa top spot sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at ang “natalong” si Sen. BongBong Marcos, kasunod sina Sen. Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno.

Kahit ang pabida at makantyaw na sina senador Ping Lacson, Grace Poe, Dick Gordon, dating VP Jojo Binay at maging si dating SJ Antonio Carpio e hirap na hirap maka-score sa top 3.

May mali yata sa estratehiya nila: habang dine-demonize nila lalo, pang sumisirit pataas ang trust rating ni Pres. Duterte!

Kaya nga lumalakas ang panawagan, na sa 2022, e tumakbong vice president si Tatay Digong at sinoman kina Sara o Bongbong ang maging katiket sa panguluhan, sure ball na ang panalo nila.

Isip-isip kayo ng bagong taktika 1Sambayan at VP Leni, kasi kung hindi magbabago ang trend, baka maulit ang senaryong ‘shoot kayo sa inodoro.’

Huwag naman sanang mangyari (ulit).

***

Ang inyong lingkod, personally, di lang masama ang loob ko, galit talaga ako, sa unti-unting ‘invasion’ ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Yung paninisi ng mga kritiko ni Presidente Duterte sa pagiging kimi sa malaking problemang ito – na namana ni Tatay Digong sa administrasyong Arroyo at Aquino – ay very unfair.

Dahil sa palpak na negosasyon nina dating Foreign Affairs Sec. Alberto del Rosario at dating Sen. Sonny Trillanes sa stand-off sa Scarborough Shoal, ang naging resulta ay ang pagka-agaw ng China sa ating teritoryo.

Nanalo nga tayo sa arbitration sa The Hague Netherlands, pero wala namang puwersa ang United Nations na mapalayas ang China sa mga bahura at batong inookupahan nila ngayon sa West Philippine Sea na tinatawag naman nila na South China Sea.

Tama na ipaglaban natin ang ating teritoryo, naririto tayo ngayon sa pagtitimbang kung ano ang tama o angkop na gawin.

Sabi ng Pangulo, magiging madugo tiyak kung ipipilit nating palayasin at bawiin ang mga teritoryong nasa kamay na ng China.

Gusto nating lumaban, pero wala tayong magagawa.

Militarily, talo tayo: sa bombang nuklear na mayroon ang China; tayo e pinaglumaang barko, jet at pinaglumaang armas pandigma na ibinenta ng US, kapalit ng Visiting Forces Agreement.

Ngayon lamang naglakas loob na sabihin ng US na handa siyang giyerahin ang China kapag giniyera tayo.

Pero noong mahina pa ang China, hindi tayo nagpalakas ng militar at ang US naman ay nanahimik dahil noon ay hindi pa ito banta sa mundo.

Kasalanan ng US at ng mga kaalyado nito kaya naging gising na dragon ang China nang itambak nila ang investment doon dahil sa malaking manpower at murang pasahod.

Tulad ng karaniwang “Intsik Beho” na tawag natin sa Chinong namimili ng lumang diyaryo at bote garapa, naging bilyonaryo ang mga Henry Sy, Gokongwei, Lucio Tan, Lucio Co at iba pang Chinong Pilipino.

Ganyan ngayon ang China na kailangang pigilan ng US na madomina ang larangan ng ekonomya, salapi at puwersang militar sa mundo.

Kung boxing ito, mananalo ba si Pacquiao kay Mike Tyson, never!

Economically, “kuting” ang Pilipinas laban sa dragong China.

Kantiyaw, protesta at tapang na salitang handa nating ibuwis ang buhay natin sa pagtatanggol sa ating soberenya ang tanging magagawa natin.

Pero sa reyalidad, alam natin ang magiging resulta kung magkakadigma: tayo ay mauubos at mapupulbos!

Sakaling mangyari nga ito, tuparin kaya ng US ang pangakong tulong o maulit ang nangyari noong World War II – na tumakas sa Pilipinas si Gen. Douglas MacArthur nang makitang nananalo ang imperyalistang Hapones sa pagsakop sa ating bansa.

Diyo ko Lord, wag naman po sana!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment