Smuggling ng bigas, bantay sarado

MALAKING pera ni Juan dela Cruz ang nawawala dahil sa technical smuggling ng bigas.
Pero hindi lang undervaluation at misdeclaration ng shipments ang problema ng mga otoridad.

May mga tusong importer pa na pinalalabas na galing sa mga miembro ng ASEAN countries nanggagaling ang inangkat na bigas. Ang ASEAN ay ang Association of Southeast Asian Nations.

Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, mas mababa ang ipinapataw na tariff sa bigas na binibili mula sa ASEAN.

Kaya naman ang bigas na nanggagaling sa India at Pakistan ay pinalalabas na galing sa ASEAN.

Ang bigas na galing sa ASEAN member ay may tariff na 35 percent.

Samantalang ang bigas na binili sa non-ASEAN member, kagaya ng India at Pakistan, ay may tariff na 50 percent. Malaking panloloko ang ginagawa ang mga importador ng bigas.

Dapat may masampolan ang Bureau of Customs (BOC) para matakot ang mga gumagawa nito.

Hindi puwedeng multa lang ang ipataw sa mga manlolokong negosyanteng ito.

Dapat mabulok sila sa kulungan. Tama ba kami, Pangulong Duterte, Finance Sec. Carlos Dominguez at Agriculture Sec.William Dar?

***

Ang Bureau of Customs o BoC ay nakakumpiska ng hindi deklaradong “dried tea” at mga pekeng apparel at sapatos sa Port of Manila (PoM).

Galing Vietnam, ang kargamento ay nagkakahalaga ng P18.3 milyon.

Naka-consigned sa isang Crimsonguard Trading, dumating sa bansa noong September 12 at binuksan noong September 24.

Bago nito ay nakatanggap ng derogatory information ang port control office ng Intelligence Group na may lamang herbal powder at pekeng apparels ang shipment.

Nag-isyu na ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment si PoM District Collector Michael Angelo Vargas.

Sinabi ni Vargas na patuloy ang kampanya laban sa ismagling na isa sa mga pangunahing programa ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero.

***

Unang buong linggo ngayon ng Oktubre, ang pangalawa sa apat na “ber” months ng taon.

Meron na lang tatlong buwan o 62 working days ang mga taga-BoC para maabot ang assigned tax take nila sa taong ito.

Pero marami ang naniniwala na hindi lang maaabot kundi malalampasan pa ng BoC ang target collection nito.

Unti-unti na kasing sumisigla ang inportasyon ng iba’t ibang produkto at dumarating na rin ang iba pang mga Christmas goods na mabiling-mabili sa panahon ng holiday season.

Kayang-kaya ng mga taga-BoC na lampasan ang kanilang target collection kahit may Covid-19 pandemic.

Isa pa, kailangang magpakitang gilas ang mga bossing diyan sa Aduana

Mahirap na, baka tamaan kayo ng palakol ni Mayor Digong pagdating ng 2021.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan. )

Comments (0)
Add Comment