SOJ Remulla, “biktima” ng ‘hatchet job?’

PATULOY pa rin pinag-uusapan ang pag-aresto sa panganay na anak ni Justice Secretary Boying Remulla noong Oktubre 11, 2022, sa kanyang tahanan sa Las Piñas City, matapos tumanggap ng isang ‘parcel’ mula sa Amerika na naglalaman ng higit 800 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng higit P1.3 milyon, ayon sa PDEA.

Ayon pa kay PDEA spokesperson, Derrick Carreon, inaresto si Juanito Jose Remulla dahil sa inilunsad nilang ‘controlled delivery operation’ (CDO).

Ang ipinagtataka lang ng mga miron, “bakit” umabot pa ng lampas isang linggo ang ginawa nilang CDO? Setyembre 27 pa kasi umano, dumating na sa ‘Pinas ang nasabing ‘parcel’ mula California, USA at kung susundan ang mga nakaraang aksyon ng PDEA at ng inter-agency task force ng BOC at PDEA d’yan sa NAIA na nasubaybayan natin, “kinukumpiska” na nila ang dumating na droga kung higit isang linggo na itong walang ‘claimant.’

Ang batayan natin dito ay ang mga nakaraang ‘PR’ ng BOC sa ganitong mga kaso.

Batay sa kasunduan ng mga kasaping bansa sa UN (UN Office on Drugs and Crimes), sadyang hinihikayat ang CDO sa mga law enforcement agencies ng bawat bansa upang labanan ang mga organized transnational crimes tulad ng human at drug trafficking.

‘Yun nga lang, dapat may “permiso” ito ng bawat estado, sa isyung ito, ng gobyerno ng Amerika at Pilipinas. Tanong: May ‘prior intel’ ba ang PDEA mula sa DEA para sa partikular na kargamentong ito?

Kung meron, bakit inabot pa ng halos dalawang linggo bago nila ikinasa ang kanilang CDO—at sa panahong wala sa Pinas si Sec. Boying dahil sa kanyang ‘official mission’ sa Geneva?

Sa totoo lang, hindi dapat mapunta at magtapos lang sa pagka-aresto ng anak ni Sec. Boying ang kuwento at imbestigasyon sa insidenteng ito. “Malalim” ito, dear readers, peks man!

Sa RA 9165, kasama ang CDO sa mga ‘investigative techniques’ ng PDEA at gobyerno para labanan ang iligal na droga Article 1, Section G).

Bagaman, lumalabas na limitado ang sakop nito dahil hindi nilinaw na ang prinsipal na layunin ng CDO ay supilin ang mga organized crime groups/international drug syndicates.

Sa ating bersyon, ang pakay lang ng CDO ay mangalap ng ebidensiya (gather evidence) laban sa sino man na hinihinalang sangkot sa iligal na droga.

Hindi tuloy nakapagtataka na patuloy at patuloy pa rin ang pagpasok ng mga iligal na droga sa sa Pinas dahil pagkatapos ng CDO, ‘case close’ na agad ang kaso sa pagkahuli ng “suspect.”

At ang mga “kasabwat” sa transaksyon sa abroad, ‘sitting pretty’ lang, hehehe!

***

Naging ‘eye opener’ din ang nangyari sa anak ni Sec. Remulla, tama ba, dear readers?

Aber, mantakin mo naman, kung mayroon ka palang “kaaway” na maimpluwensiya, eh, puwede pa lang gamitin ang mga house-to-house delivery ng kung ano-anong bagay para ka “taniman” ng droga!

Ang importante lang, “alam” ito ng PDEA, hehehe, ayy, huhuhu!

Naniniwala tayong panahon na para irepaso ang mga pamamaraan at sistema ng PDEA, tama ba, Dangerous Drugs Board commissioner Gilbert Cruz?

Oops! May bago na palang PDEA director general sa katauhan ni ex-PNP SAF commander, Moro Virgilio Lazo. Pinalitan niya si Wilkins Villanueva nito lang Oktubre 19.

Harinawang maitaas pa ni Gen. Lazo ang kredibilidad ng PDEA sa ilalim ng kanyang administrasyon. Harinawa!

And yes, DG Lazo, pagrepaso sa proseso at sistema ng PDEA ang unang dapat mong asikasuhin.

Paki-aresto na rin ang mga sumabit na mga dating opisyal ng PDEA at PNP sa iligal na droga katulad nina deputy director Ismael Fajardo at P/Col. Eduardo Acierto.

Aber, ‘antagal ng ‘missing in action’ ng dalawang ito, hayz!

Comments (0)
Add Comment