Speaker Lord, kulelat na naman; anong bago ‘dun?

KUMUSTA na nga pala ang House of Representatives? Parang wala tayong masyadong naririnig mula sa ating mga ‘honorable congressmen’ sa loob ng mahaba-haba na ring panahon, patikular na sa lider nito na si Speaker Lord Alan Velasco ng Marinduque.

Parang walang ganap. Maliban na lamang sa kanilang ginawang “pagkupkop” sa isa sa mga opisyal ng Pharmaly Corporation dahil sa kontrobersyang hinarap ng kumpanya sa Senado.

Wala rin tayong naririnig mula mismo kay Speaker Lord. Halimbawa, ano ba ang updates sa Bayanihan 3? Ano na ang bago sa tinatalakay ngayon na 2022 national budget at ano ang ginagawa ng Kamara para matulungan ang sanlaksa nating kababayan na iginupo ng pandemyang COVID-19?

Napapansin ba ninyo, mga kabayan na si Speaker Lord Allan Velasco lang yata ang speaker na di nagsasalita, hehehe!

Ginagawa na nga lang daw minsan na tsismisan at bulong-bulungan si Speaker Lord sa apat na sulok ng Kamara dahil sa pagiging tahimik nito maski sa mga pambansang usapin at mga bagay na dapat na naririnig ang kanyang boses.

‘Yun bang… parang wala syang opinyon sa mga bagay na nagyayari sa ating bansa?

Hindi ba dapat bilang isa sa limang pinakamataas na lider ng bansa, kahit paano ay maging pro-active naman si Speaker Lord dahil kinakatawan ng mga kongresista ang bawat sulok ng ating bansa.

Hindi rin tuloy nakapagtataka na “kulelat” na naman si Speaker Lord sa survey na isinagawa para sa limang matataaas na opisyal ng bansa ng ‘Publicus Asia,’ simula Oktubre 11 hanggang Oktubre 18, 2021, na may 1,500 ‘respondents.’

Nanguna sa naturang survey si PDU30 na may 59.8 porsiyento na approval rating at 52.9 porsiyento na trust rating.

Sinundan si Mayor Rody ni VP Leni Robredo sa iskor na 31.3 porsiyento/22.1 porsiyento, ayon sa pagkakasunod; SP Tito Sotto na may 33.9 porsiyento/19.8 porsiyento; Chief Justice Alexander Gesmundo na may 24.2 porsiyento/14.6 porsiyento.

Last and yes, the least, naman si Speaker Lord sa iskor na 23.9 porsiyento/12.1 porsiyento.

Sa resultang ito, ang tanging masasabi natin kay Speaker Lord, eh, ano bang bago dito, hehehe!

Sa katunayan, consistent ang pagdausdos ng trust rating ni Velasco sa mga survey na isinagawa ng Publicus Asia mula ng umupo ito bilang Speaker of the House.

Pababa ng pababa ang kanyang rating sa bawat quarterly survey ng Publicus Asia na isinagawa noong Disyembre 2020, Marso 2021, Hulyo 2021 at dito nga sa huling survey nitong Oktubre.

Hindi tuloy maiwasan ng mga miron na  ikumpara ang performance ng Kamara sa liderato ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na muling tinatarget ang pagbababalik sa Senado sa 2022 election.

Sa panahon kasi ni Cayetano nakapagtala ang Kamara ng napakataas na rating bilang isang institusyon at maging si Cayetano na nakakuha ng umabot sa 80 porsiyento na performance rating at 76 porsiyento na trust rating sa Pulse Asia survey na isinagawa sa kanyang termino bilang lider ng Kamara.

At kung sinasabi ng mga kaalyado ni Speaker Lord na ‘collective effort’ nila ang magandang performance Kamara noong panahon ni Cayetano, ibig bang sabihin nito collective effort din nila ang pagbagsak at pagsadsad ng imahe ng Kamara at ni Speaker Lord? “Sinadya” ba, hehehe! Nagtatanong lang po.

Bumuhos din ang mga ‘first time’ na mga hakbang sa Kamara sa liderato ni Cayetano gaya ng pag-imbita sa iba’t ibang sektor na magbahagi ng kanilang pahayag sa pagtalakay ng national budget.

Pinauso din ng Kamara ang virtual meetings at hearings bunga ng pandemya.

Hinarap din ng Kamara ni Cayetano ang matinding hamon na dulot ng COVID-19  kaya isinabatas ang Bayanihan 1 and 2 para maabatan ang pangangailangan ng taumbayan.

Higit sa lahat, isinagawa rin ng Kamara sa ilalim ng Cayetano leadership ang kauna-uanahang sesyon nito na labas ng Kongreso nang gawin ang sesyon sa Batangas na dinaluhan ng halos lahat ng kongresistas upang madinig nila nang personal ang hinaing ng mga nabiktima ng pagputok ng Bulkang Taal.

Kaya nga talagang totoo ang kasabihan na kung ano man ang ibigay mong pagpapakilala sa iyong kapabilidad at kakayahan sa tao, yun din ang pagkilalang ibabalik sa iyo pagdating ng panahon.

At sa resulta ng mga ratings ni Speaker Lord, isa lang ang malakas na “mensahe” ng mga Pinoy: Magsalita, magtrabaho ka naman, Speaker! Gets mo ba?

Abangan!

Comments (0)
Add Comment