Sports pinupulitika na naman

MAY “problema” talaga sa ilan nating mga mambabatas at mga kababayan, dear readers.

Dangan kasi, binabasa ninyo ito, “nagkukumahog” pa rin ang gobyerno sa kasalukuyang ‘rescue, rehabilitation and relief efforts’ para sa mga nabiktima ng mga bagyong nagdaan, partikular, ang malaking pinsala ng mga bagyong ‘Quinta,’ ‘Rolly’ at ‘Ulysses.’

Pero sa mga taong ganito, ang gusto nilang atupagin ay pamumulitika pa rin, tsk!

Halimbawa na lang ang hirit na imbestigasyon ni Sen. Risa Hontiveros sa mga kaganapan na may kinalaman sa isinagawang ‘SEA Games’ sa Pinas noong nakaraang taon.

Talaga bang ‘out of touch with reality’ itong mga nagpoposturang oposisyon?

Hindi nga ba nagbunyi ang mga Pilipino dahil sa tagumpay ng pagdaraos ng SEA Games sa ating bansa at pagiging kampeon ng ating mga atleta sa naturang sports kompetisyon matapos ang labing-apat na taon?

Dahil sa pag-daraos ng SEA games naipagawa din ang Rizal Memorial Coliseum na ilang dekada ng napabayaan.

Hinangaan din ng madami pati na ng mga delegado mula sa ibang bansa mula South East Asia ang pagtatatag ng Clark City Athletics Stadium & Aquatics Center, pati na ang Athletes Village dahil sa world-class nitong kalidad.

Nito lamang Hunyo 2020, naisabatas din ang panukalang magtatayo ng ‘National Academy of Sports,’ isang ‘specialized High School’ para sa mga naglalayong maging mahusay na atleta sa susunod na mga taon. Siguradong magagamit ng mga estudyante ang mga pasilisad sa ‘New Clark City.’

Sa kabila naman ng lahat ng magagandang nangyari noong nakaraang taon sa larangan ng sports, hindi pa rin talaga matigil ang ibang mga grupo sa paghahanap ng maipupukol na masama sa mga taong nagta-trabaho para matulungan ang Pangulo sa kanyang mga gustong ipatupad para sa ating mga atleta at kabataang Pilipino.

Sabi nga ng iba “puwede” naman palang magdaos ng mga world-class ng event at magpatayo ng pasilidad na maaring ipagmalaki at magamit ng ating mga atleta. Kung kaya pala, bakit hindi ginawa ng mga nakaraang administrasyon?

***

Sa isang press conference, nabanggit ni dating Speaker Alan Peter Cayetano at naging pinuno ng SEA games Organizing Committee, na binalaan daw sila noon bago magsimula ang preparation para sa mga SEA Games, “Malala” ang pulitika sa PH sports at karamihan ay kinasuhan pagkatapos.

Sa halip na paghinaan ng loob, sinabi ni Cayetano kay Philippine Sports Commission (PSC) Butch Ramirez na mas mahalaga na mabigyan ng “one moment of pride” ang ating bansa at maitayo ang mga pasilidad kaysa matakot sa mga kasong maaring isampa ng mga kritiko.

Idiniin din ni Cayetano na bukas ang PHISGOC sa anumang imbestigasyon ngunit ayaw nila ng “witch hunt” na naglalayon lamang manira ng mga reputasyon ng mga opisyal ng PHISGOC, PSC at POC.

Tanong din ng mga miron, hindi kaya may pansariling agenda lamang ang mga miyembro ng POC na nagsampa ng kaso sa PHISGOC?

Nalalapit na kasi ang eleksyon sa POC, bago matapos ang Nobyembre.

Hmm. Ginagamit ba ang isyu ng PHISGOC at SEA Games para madiskaril ang kandidatura ng kasalukuyang POC president, Cong. Bambol Tolentino na kapatid ni Sen. Francis ‘Tol’ Tolentino.

Ang kanyang kalaban na si Jesus Clint Aranas ay isa sa nagdemanda sa PHISGOC tungkol sa hindi pagsusumite ng financial report.

Marahil ay hindi matanggap ni Mr. Aranas na ang tulad ni Cong. Cayetano at Cong. Bambol ang nakapag-ayos ng gusot na hindi nila nagawa?

Hindi ba’t ang mga naghuhusga ngayong sina Mr. Aranas at kanyang mga kasamahan sa POC ay walang ginawa para maiangat ang performance ng sports sa bansa?

Matapos ayusin ang problema ng sports, ngayon ay gusto na naman nilang bumalik sa kapangyarihan at ibalik ang lumang kalakaran at sistema at liderato na ayon sa mga miron ay “walang direksyon.”

Hindi tamang sirain ang magandang nakamit ng SEA Games at mga proyektong nasimulan para sa mga atleta at kabataang Pilipino dahil lang sa ‘political ambition.’

At siya nga pala, nasa ‘state of calamity’ ang bansa. Hindi ba mas mainam na ito ang unahin kesa pamumulitika (na naman) ng iilan?

Comments (0)
Add Comment