Spy planes ng US, ginagamit “air code” ng ‘Pinas’ (Part 2)

ISA pang trahedyang naganap sa larangan ng aviation ay noong 1988 sa kaso ng Iran Air Flight 655 na pinabagsak ng US dahil sa maling pagkakakilanlan at ito pala ay isang eroplanong sibilyan at pumatay sa 290 katao sa bahagi ng Strait of Hormuz.

Sa mga insidenteng nabanggit isa lang ang dahilan – maling pagkakakilanlan (misidentification) sa mga eroplano at ayaw natin itong mangyari sa ating mga sasakyang panghimpapawid.

Para kina Defense Secretary Delfin Lorenzana at National Security Adviser Hermogenes Esperon, ito ay babala upang higit na maging maingat tayo sa pakikitungo sa ‘Tadong Unidos.

Sa simula pa lang naman, ang alyansa ng Pilipinas at EU ay nabahiran na ng pandaraya at kasinungalingan– ang akala nating mapagkakatiwalaang kakampi laban sa mga Kastila ay sila pala ang pumalit na mananakop.

Sa ngayon, sa konteksto ng “New Cold War”, ang EU ay dapat nakahandang ipagtanggol ang Pilipinas.

Noong Mayo, si US Secretary Mike Pompeo ay nagsabi na kung may armadong pag-atake sa Pilipinas ay kikilos sila sa ngalan ng mutwal na obligasyon sa pagtatanggol.  Ngunit sinabi ito ni Pompeo sa hangaring makabuo ng alyansa laban sa Tsina sa hanay ng mga bansa sa rehiyon ng Southeast Asia.

Ang kampanya ni Pompeo na makabuo ng alyansa hawig sa NATO laban sa Tsina ay hindi pinansin ng mga bansa ng ASEAN.

Para sa kanila mas mahalaga ang produktibo at makabuluhang relasyon sa mga pangunahing bansa na nakabatay sa magkatulad na interes at pagsusulong ng kapayapaan.

***

Kilala ang mga Kano sa paglulunsad ng mga “false flag operations,” isang operasyon na naglalayong magpanggap sa tunay na may responsiblidad sa isang pangyayari at ito ay ibibintang sa ibang tao o bansa.

Sa pagkakaila ng tunay na pagkakakilanlan ng isang eroplano, ang US ay magpapakana ng isang sitwasyon at gagamitin ang “hex code” ng Pilipinas at titiktikan ang Tsina.

Isang “false flag op” na sa huli ay gagawa ng insidente upang kasuklaman ng lahat ang Tsina.

Ang pagbubunyag ng South China Sea Probing Initiative (SCSPI) na pangkontra sa AMTI (Asia Maritime Transparency Institute) na pinatatakbo ng bagong CIA – ang Center for Strategic and International Studies (CSIS), ay pagmumulat sa atin na nabubulag pa rin sa panloloko ng US sa ating relasyon sa kanila.

Kung kaya’t sinusuri muna ng mga opisyales natin sa DND at NSC ang mga ulat ng CSIS/AMTI na ang batayan ay ang pag-aaral ng SCSPI para sa ating seguridad.

Mabuti na lang at maagap ang ating mga opisyal sa DND at NSC sa pagsita sa paggamit ng US sa “identification code” ng Pilipinas.

Hanggang ngayon naman, sa ating pagkaalam, wala pa ring pormal na sagot ang US Embassy sa insidenteng ito.

Ngunit hindi sapat ang basta tayo “magtanong” sa mga Kano.

Ang dapat ay mariing pagkondena ng administrasyong Duterte sa kasinungalingan at kapangahasang ito ng US.

Tunay ngang nagiging pabigat na ang US sa ating pakikipag-alyansa sa kanila.

Comments (0)
Add Comment