‘Stop, look and listen,’ at, ‘Look before you jump’

INIUTOS ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio nitong Hulyo 30, kay Deputy Commissioner for Intelligence (DCI) Juvymax Uy, ang agarang imbestigasyon sa bintang ng isang ‘anti-corruption watchdog’ na ‘nire-recycle’ (ibinabalik sa merkado) ng ilang opisyal ng Aduana ang mga nakumpiskang ‘vape products’ (e-cigarettes).

Kung matandaan, sa utos na rin ni PBBM na paigtingin pa ang kampanya ng Aduana sa lahat ng uri ng ismagling, umabot sa lampas P4 bilyon ang halaga ng mga vape products na nakumpiska ng grupo ni DCI Juvymax sa pagitan ng Pebrero at Marso ngayong taon (see link here).

Samantala, hindi na rin naman bago ang bintang ng ‘pilferage’ at ‘recycling’ ng mga nakumpiskang mga produkto ng mga operatiba at opisyal ng BOC dahil “paulit-ulit” na rin ang tamang hinalang ito ng mga miron kahit noon pa. Kumbaga, kasamang Jing Villamente ng The Daily Tribune, ‘recycled’ na rin ang akusasyong ito, hehehe!

***

Sa ating ginagawang pag-ikot sa mga grupo ng midya sa buong bansa bilang bahagi ng ating tungkulin sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), kasama sa ibinabahagi natin ang ‘MIL’ (media information and literacy) campaign ng gobyerno.

Dito, ipinapaalala natin sa ating mga kabaro ang kahalagahan ng responsableng pamamahayag kasama na ang pagiging mapanuri at mapagbantay sa mga propaganda, misinformation at fake news.

Kinikilala rin natin na bawat indibidwal ay may kanya-kanyang antas ng pag-unawa (level of understanding) at siyempre, talino.

Kaya nga sa ating sarili, ginawa na lang nating simple ang ating mga ‘slogan’ sa pagpapaliwanag hinggil sa MIL— ‘Stop, look and listen’ at, ‘Look before you jump!’

Sa praktikal, ano ba ang sinasabi natin? Na dapat bago magsulat o magbalita ay palawakin muna ang kaalaman sa ano mang isyu—bagay na hindi na mahirap ngayon dahil meron nang Internet. At palaging maging mapagbantay (vigilant) sa mga “palundag” at “paikot” ng sino man.

***

Sa ‘recycled’ na bintang ng ‘recycling’ sa BOC nang nasabing watchdog, natatawa na lang din tayo dahil ito ay “kategorya” nang, ‘Look who is talking.’ Bakit kanyo, dear readers?

Dangan kasi, ‘yung nag-aakusa, may sariling kaso ng ‘corruption’ na isinampa ng kanilang kapwa opisyal, dahilan kaya nga “nabiyak” ang grupong ito sa dalawang paksyon ngayon. Pamilyar tayo sa nangyari dahil kaibigan natin ‘yung nagreklamo laban dito sa “reklamador” ngayon laban sa BOC,hehehe!

Sa kalaunan naman ay nagkasundo sila dahil literal na “naawa” itong ating kaibigan sa isang akusado na siyang “pundadores” ng nasabing watchdog at ngayon ay nasa kanyang ‘twilight years.’ Siyempre ay ayaw naman nitong madungisan pa ang kanyang pangalan ngayong ‘lolo’ na siya. Abugado pa naman, lider ng anti-corruption watchdog, madi-disbar dahil sa korapsyo, araguy, hehehe!

***

Dahil naman sa hindi matapos-tapos na bintang ng ‘pilferage’ at ‘recycling’ ng mga kumpiskadong produkto ng mga ogags na tauhan at opisyal ng BOC, natandaan natin na sa termino ni Comm. Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero (2018-2022), pinalagyan ng mga CCTV cameras ang lahat ng mga ‘BOC-accredited condemnation facilities.’ Para sakaling may “mangupit,” eh, “kita ka sa kamera, boy!”

At siyempre, notoryus, ehek, kilala si Comm. Jagger sa “pagbaston” sa mga tiwaling opisyal at empleyado— suspendido ka na, mumurahin, ehek, boboldyakin ka pa mula ulo hanggang paa, araguy, hahaha! Ang tanong lang, ipinapatupad pa ba ito? ‘Yun lang, hehehe!

‘Not to be outdone,’ wika nga, alam din kaya ng nasabing watchdog na regular at ‘100-percent’ ang ginagawang inspeksyon at ‘audit’ ng BOC sa lahat ng mga ‘accredited condemnation facilities’ nito?

Aber, kung ‘nag-stop, look and listen’ at ‘look before you jump’ ang nasabing watchdog bago nagbintang, marahil nalaman nito na simula noong Agosto 2023, iniutos ni Deputy Commissioner Atty. Vener Baquiran, Assessment and Operations Coordinating Group (AOCG) ang inspeksyon ng lahat ng mga accredited facilities—aabot sa 38 pasilidad– sa buong ‘Pinas, as in, ‘in the whole Philippines!’

Bakit natin alam ito, kasamang Nestor Caguitla (happy birthday, hindi ka na nagpainom ah, hehehe).

Dangan kasi, sinusunod nga natin ‘yung ‘look before your jump,’ at siyempre, “nasusulat” naman ito, kapatid. ‘GMG’ mo lang, as in, ‘Google mo…’ hahaha!

At ito namang pinaghihinalaan na waste facility, itong RCU Waste Management Facility sa Valenzuela City, matagal na itong may permit mula sa BOC.

Ooops! Hindi tayo ‘spokesman’ nitong RCU dahil wala naman tayong pakialam sa negosyo nito, pero kung may ‘bad record’ naniniwala tayong matagal na itong “binura” ni DepCom. Vener sa listahan. Sigurado ‘yan!

Samantala, hintayin pa rin natin ang resulta ng imbestigasyon ni DCI Juvymax na isa sa mga respetadong ‘intelligence officers’ sa buong Sandatahang Lakas.

Dangan kasi, ‘yung talagang “magaling” lang na sundalo ang inilalagay bilang “bosing” d’yan sa Intelligence Service Group (ISG) ng Philippine Army!

Kung kaya niyang lambatin ang mga personalidad ng mga teroristang grupo nung nasa Phil. Army pa siya at kayang biguin ang mga smugglers, eh, ‘walk in the park’ lang sa kanya na tumbukin kung totoong may nangyayaring ‘recycling’ sa mga kumpiskadong produkto.

Ito naman, siyempre ay kung talagang may bahid ng katotohanan ang bintang.

Abangan!