Taas-suweldo ng mga narses, kailan ibibigay?

AMININ man o hindi ng Bureau of Customs (BoC), tuloy-tuloy pa rin ang ismagling, at lalo pa yatang sumisigla at lumalakas.

Kasabihan nga, ang ismagling ay ang matsing sa batok ng sinomang nauupo sa Customs, at itong matsing na ito ay tuso, matalino na kayang-kayang pagalawin at idireksiyon ang galaw at kilos ng mga opisyal at kawani rito.

Sa kabila ng pagsisikap ni Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero, nananatiling buhay na buhay ang “negosyong ilegal na kargamento o kontrabando.”

Sapat na ang magmasid na lamang sa paligid: bawal ang importasyon ng ukay-ukay o segunda manong damit, pero ano ang ating nakikita?

Ito ay lantarang ibinebenta sa mga mall, palengke at mismong sa mga bangketa.

Nagkalat ang mga imported na pekeng branded bags, shoes, at mga pekeng cellphones, computer at iba pang electronic gadgets na yari sa China.

Ang tanong, bakit pinalulusot ang mga nagpapalusot?

Sagot, may pampadulas at pantakip sa mga mata para hindi makita ang mga ilegal na kargamento, piryud!

Ano kaya ang masasabi dito ng Intelligence Group ng Customs?

***

Overworked, underpaid: ‘Yan ang kalagayan ng ating Filipino doctors at nurses.

Talo pa nila ang kalabaw kung magtrabaho sa mga private at public health facilities, tapos mababasa mo, ‘yung mga taga-PhilHealth, mga nasa SSS, GSIS officials, pakuya-kuyakoy lang, papirma-pirma lang, gawa lang nang gawa ng mga policy na kinopya lang kung saan-saan, nagbubulsa ng pinakamababa ay tatlong  milyong piso kada taon!

Modern heroes kung tawagin natin sila—mga doktor, narses at iba pang health workers – pero paano natin itrato ang ating ‘unsung heroes?’

Ayon sa Medical Information Research Information Center Global (MRICG), bawat taon,  nakalilikha tayo ng 38,000 narses at 4,500 doktor; sa ngayon, mayroon ang bansa ng mahigit sa 130,000 manggagamot, at mahigit sa 500,000 registered nurses (RN), pero ang malungkot, marami sa kanila, lalo na sa mga narses, wala sa mga ospital at klinika.

Dahilan ay ang maliit na pasahod, lalo na kung ikokonsidera ang mahirap at matiyagang pag-aaral nila, at ang matiyagang pagpasa sa eksamen para mabigyan ng lisensiya.

***

Nitong nakaraang National Heroes Day, pinuri natin ang lahat ng health frontliners na marami-rami na rin sa mga doktor at narses ang namatay sa pag-aalaga sa mga pasyenteng COVID-19.

Sabi ng Department of Labor and Employment (DOLE), nasa ₱8,000 – ₱13,500 kada buwan ang sahod ng mga nars  sa mga pribado at ospital ng gobyerno.

Pero may iba na sumasahod ng mas mababa pa rito at nagtitiyaga lamang, kaysa walang mapasukang trabaho.

Madalas, hindi sila nasasahuran sa trabahong lampas sa 8-hour shift at ang iba, deretso na 16 oras na trabaho, kung may mga kapwa nars na lumiban sa trabaho.

Masakit pa, madalas na sinisisi, pinagagagalitan at minumura pa ang mga nars kungdi agad maasikaso ang mga pasyente, kasi, kulang na sa mga gamit, bugbog-sarado sa dami ng ginagawa at dahil sa sobrang pagod.

Kulang na kulang ang nars kumpara sa dami ng pasyente – na ang tamang dami ay sa ratio na isang nars sa 12 pasyente (1:12), pero sa ibang pribadong ospital, 2:50 hanggang 2:64 ang ratio, ayon sa Department of Health.

***

Daan-daan bilyong piso ang COVID-19 fund, pero si Health Sec. Francisco Duque, mas inuuna ang pagbili ng mga PPEs, testing kits at tulong sa mga testing centers at iba pang gamit pero patumpik-tumpik sa pagkuha ng nars at at doktor; aanhin niya ang mga ito kung walang gagalaw at magtatrabahong health frontliners?

Bakit nga naman magtitiyaga ang mga narses natin sa ating mga ospital kung may mas magandang oportunidad sa ibang bansa?

Maganda na ang kondisyon sa trabaho, malaki pa ang suweldo, at kahit sino ay mahahatak sa ambisyong umalis sa Pilipinas at sa US, Canada, Australia, sa mga bansa sa Middle East at iba pang bansa magtrabaho.

Malaki ang demand sa ating narses dahil sa di-matatawaran ang galing nila at husay at karanasan, bukod sa masisipag na, bihasa pa sa English na kailangan sa trabaho sa ibang bansa.

Ang nakaiinis pa, sa kabila na may utos ang Supreme Court  sa gobyerno na itaas sa minimum na sahod saP30,531  (salary grade 15) kada buwan ang sahod ng mga narses sa publikong ospital, hindi pa rin ito naipatutupad.

Kung kailan ito gagawin ng DOH, walang makapagsasabi.

Hanggang ngayon, bingi o talagang walang pakialam si Duque sa kaawa-awang kalagayan ng mga narses natin.

Panahon pa ni dating Presidente Cory Aquino ay dumadaing na ang mga narses natin, pero  ang pangarap na pagtataas ng sahod ay mananatili yatang pangarap na lamang.

Kung kailan magsisilayas na ang mga ito saka gagalaw ang gobyerno natin?

Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

Comments (0)
Add Comment