SA tingin ng marami, kabilang na ang mga ordinaryong mamamayan, ay talagang epektibo ang “stratehiya” na ginamit ng gobyerno laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Kaya nga kahit niluwagan na ang mga pandemic restriction noong Kapaskuhan, political campaign period at araw ng botohan ay hindi nagkaroon ng COVID-19 surge sa bansa.
Ang tagumpay ng vaccination program ng gobyerno, sa paningin natin, ang siyang naging susi para unti-unti tayong bumalik sa dating normal na pamumuhay.
Nandiyan din ang pagsusuot ng ‘facemask’ sa labas ng bahay, pagsunod sa social distancing policy ng gobyerno at regular na paghuhugas ng kamay.
Marami na ring paaralan ang pinayagang makabalik sa klase ang mga estudyante.
Pati nga mga pampasaherong sasakyan, kasama na ang mga bus, ay puwede na ring magsakay ng maraming pasahero katulad noong bago tayo tinamaan ng pandemya.
Ang problema na lang ay may mga lugar na nagrereklamo na ang mga pasahero dahil ayaw ng ibaba ng mga tricycle driver ang pamasahe kahit puwede na silang magsakay ng tatlo o apat na pasahero.
Kaya naman tinaasan noon ang pasahe sa mga tricycle dahil isa lang ang puwedeng isakay na pasahero para maiwasan ang hawaan noong kasagsagan ng pandemya.
Ngayong puwede na silang magsakay ng higit isang pasahero ay ayaw ng ibaba ang pasahe.
Nakakaawa naman ang mga pasahero. Sana magawan ito ng paraan ng mga local government units (LGUs) na siyang nagre-regulate sa mga tricycle.
***
Mukhang mapapaaga ang pagdating ng tag-ulan sa bansa.
Ito ay ayon mismo sa ating ‘weather bureau’ (PAGASA).
Kaya nga dapat linisin na ang mga daluyan ng tubig, kagaya ng mga ilog, sapa, estero at drainage canal na ginagawang tapunan ng basura ng mga tao.
Ang mga basurang ito ang sanhi ng mabilis na pagbaha sa mga mabababang lugar sa Metro Manila at karatig-pook tuwing may malakas na ulan.
Madaling umapaw ang mga daluyan ng tubig dahil barado ang mga ito sanhi ng mga basura na itinatapon ng iba nating kababayan.
Ginagawa nilang basurahan pati mga drainage canal.
Perhuwisyo ang baha. Maraming gamit, kasama na ang mga appliances, ang nasisira kapag pumapasok sa mga kabahayan ang napakarumi at mabahong tubig-baha.
Nandiyan pa ang mga sakit, na kagaya ng nakamamatay na leptospirosis, na nakukuha rin sa tubig-baha.
Dapat bantayan ng mga taga-barangay ang mga daluyan ng tubig para hindi gawing basurahan ang mga ito.
Ang problema lang, kapag tumalikod ang mga bantay ay saka pa-simpleng ibinabalibag ng mga residente ang mga basura, kasama na ang mga dumi ng tao na ibinalot sa diyaryo.
Hindi alam ng mga taong ito na babalik sa kanila ang mga basurang ito kapag umapaw ang ilog o estero na pinagtapunan nila ng kanilang mga dumi.
Hay buhay Pinoy talaga!
***
Tapos na ang eleksyon. Nagsalita na ang makapangyarihang taumbayan sa pamamagitan ng balota.
Tigilan na natin ang pamumulitika at magtulungan na lang tayo kasi ang dami nating problema, numero uno na ang kahirapan at kawalan ng magandang trabaho.
Hindi natin sinasabi na manahimik na lang tayo kahit may nakikita tayong maling ginagawa ang ilan nating lingkod-bayan.
Punahin natin ang mga ito, pero daanin sa legal at mapayapang pamamaraan.
Sa palagay natin ay matutuwa ang administrasyon kung tutulong tayong mapaganda at maituwid ang serbisyo publiko sa pamamagitan ng maayos na pagpuna sa gobyerno.
Ang bantayan natin ay ang mga `lingkod-bayan na abusado, tamad at laging wala sa opisina.
Matutulungan natin si President-elect Bongbong Marcos Jr. kung taumbayan ang magsisilbing “eyes and ears” niya 24/7.
Kailangan niya ang tulong natin para matupad niya ang kanyang mga pangako sa mamamayang Pinoy.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).