Tagumpay ni PBBM, tagumpay ng lahat ng pamilyang Pilipino

NABASA ko, sabi ni James ‘Jim’ Rickards: “The international monetary system is headed for a collapse,” at ito raw, “will cause a 90 percent drop in the dollar.”

Prediksyon niya, mapapalitan ang US dollar bilang international currency, ng Yuan ng China at ng Russian Ruble.

Sabi pa ni Rickards — na ayon sa iba ay doomsayer — pero kilalang financial expert at abogado, magkakaroon ng bank run, ibig sabihin, maraming tao ang sabay-sabay, sunod-sunod na kukunin, iwi-withdraw ang pera nila sa bangko.

Mauuso raw ang pag-iimprenta ng US greenbacks na tulad ng inimprentang pisong papel noong Japanese occupation sa ating bansa noong 1942-1945.

At ang greenbacks (US Dollar) ay mapapalitan ng “Digital Dollar” dahil sa Section 4 ng Executive Order ni President Joe Biden No. 140676.

Papalitan daw ng nahahawakang papel na US dollar ng Digital Dollar na ito tatawaging “Biden Bucks” ay programmable at susuportahan ng US Federal Reserves.

They will REPLACE the cash (“flat”) dollar we have now. And will soon be the sole, MANDATORY currency of the United States.

Sabi pa ni Rickards, isang bagong uri ng spyware ang Biden Bucks, at kung may policy ang gobyerno na ipatutupad at kokontrahin ito, the (US) government will be able to force you to comply with its agenda. Because if you don’t, they could turn off your money. This won’t be like freezing a bank account, it will be so much easier.

Mga expert sa banking, online currencies, any comments please?

***

Lumalago na, tuloy-tuloy na ang pag-unlad ng ating bansa sa mga susunod na buwan at mga taon.

Ito ang inaasahan kong magiging laman ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Hulyo na tungkol sa bright future ng ating ekonomiya, gawa ng maraming magagandang programa na inuumpisahan niya, tulad ng “Build Build More” at ang pagkukumpleto ng mahahabang infra projects at policy ni dating Presidente Rodrigo Duterte.

Nakababawi na tayo sa mahigit na tatlong taon na perwisyong dala ng COVID-19, at sa pagbubukas ng maraming kompanya at ng micro, small-scale industry, bumaba na sa 5 porsiyento ang unemployment.

At ito ang maganda, umakyat sa 7.6 percent ang ating ekonomiya sa loob ng apat na buwan at ito, sa Asia ang pinakamalaking antas ng pagyabong ng kabuhayan ng isang bansa.

Sa maraming miting ni PBBM sa ating economic managers at sa mga binisitang bansa para hikayatin ang mga investor na gawing bagong paraisong negosyo ang Pilipinas, nakikita na tama ang direksyon ng paglalayag natin sa mundo ng kalakalan.

Kailangan ng bansa ang magagaling na partner, ito nga Direct Foreign Investment — na kinatakutan ng mga oliogarchs, kasi magkakaroon na sila ng matinding kakumpetensiya.

Masama raw ito, pero tingnan ang karanasang China na noon ay isinara sa mundo sa polisiya nitong “iron curtain”, pero nakita nila, kailangan ang bisig ng ibang bansa at nang buksan sa US, Japan, South Korea, at iba pang bansa sa Europe ang ekonomiya nila, ngayon ito ay economic super power na.

Tingnan ang Vietnam na dinurog ng US invasion sa loob ng mahigit na 30 taon nang buksan ang ekonomiya sa ibang bansa, aminin natin, mas angat na sila sa Pilipinas.

Gayundin ang Taiwan, South Korea at Indonesia.

Kailangan ang magaling na estratehiya upang “maibenta” sa mundo ang talino, expertise, galing ng mga Pilipino na ibang bansa ang nakikinabang.

Maalaala, gumawa ng magandang taktika ang Japan noong 1950s, 1960s dahil iniidolo natin ang mga produktong gawang US, naisip na isang lugar sa kanila ang pangalang “USA.”

Kaya nang ibenta ang lokal nilang produkto, tinatakan ng “Made in USA” at ang resulta, pumatok at tingnan kung ano ang Japan ngayon.

Tama ang sabi ni PBBM na palitan ang maraming policy at procedure sa public-private partnerships.

“And not only public-private partnerships but even government-to-government partnerships. The changes we have made are to encourage those partnerships because we believe those partnerships are necessary,” sabi ni Pres.Marcos.

Tama ang pagtatayo ng cold storage plant sa mga lalawigan para mapreserba na sariwa ang inaani at ang sobra ay maimbak sa panahon ng kakapusan.

Tamang ayusin ang problema sa agrikultura sa paggamit ng modernong makinarya, maayos na irrigation at magaang na halos walang interes na pautang sa mga magsasaka.

At paramihin ang iskolar sa agriculture at fisheries at sektor ng pagpaparami ng manok, pato, baka, kalabaw, kambing at iba pang livestocks.

Tama ang pagkalat ng Kadiwa rolling stores sa mga lugar na mataas ang presyo ng bilihin at tama ang ginawa ni PBBM na patindihin ang kampanya laban sa mga tusong traders at ismaglers.

Tama ang pagtututok ni PBBM sa pagpapalago ng medium small micro entrepreneurs (MSMEs) na siyang totoong nagdadala ng bigat ng paglago sa ating ekonomya na milyon-milyon ang binibigyan ng hanapbuhay, pagkakakitaan at gaan sa buhay ng pamilyang Pilipino.

‘Yung mga kritiko, ay, hanga ako sa kanya, kasi kung laging papansinin ang mga tahol nang tahol at sigaw ng sigaw, walang mangyayari.

Sabi nga ng isang paham: Kung sa paglalakad ay babatuhin, papansinin ang mga asong gala at asong tahol, hindi makararating sa pupuntahan.

Hayaan na lang niya sa ibang opisyal ng gobyerno ang magpaliwanag, kaya nga may Cabinet secretarty siya na gaganap sa ibang trabaho.

Kung may pagkain sa bawat mesa, kung may pambayad sa lahat ng bayarin at panggastos ang isang pamilya, balewala ang kritikong ngakngak nang ngakngak.

Ituloy lang po ng ating Pangulo at ng kanyang mga katulong sa gobyerno, kahit paano, ang tambak na problema ng bansa na nalikha at tumambak at iniwan ng mga nakaraang administrasyon ay inaasahang mapapagaang ang bigat at unti-unting masosolusyunan.

Balita natin, susunod na tututukan ni PBBM ay ang enerhiya, internet connectivity, renewable power resources, water services, transportation and communication.

Buong suporta natin ay sa inyo po, PBBM, kasi ang tagumpay nyo ay tagumpay ng bawat isang Pilipino.

Kung sa isang bangka, sa pagtimon ng Kapitan ay dapat katuwang ang lahat ng tripulante at mga sakay: wag ugain at sa halip, tumulong ang may kakayahang tumulong sa Kapitan upang ligtas na maidaong ang sasakyang dagat sa pampang na ang lahat ay ligtas at buhay.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment