Tama na, sobra ka na, China!

NAPAKAYAMAN  mo na, China at superpower na kundi man sa buong mundo, masasabing sa Asya at ilang bansa sa Europa, wala nang makatatalo sa iyong lakas militar.

Dapat masaya ka na, kasi dati lugmok ka dahil sa maraming taon ng pananakop sa iyo ng US, Russia, Japan, France, Italy at Germany, pero ngayon, nakabangon ka na.

Hindi mo kaaway ang Pilipinas, sa totoo, matapat na kaibigan ang mga Pilipino — simula pa noong hindi ito “natutuklasan” ng Espanya, nandito na ang iyong mga “anak ng Chino” at noon at hanggang ngayon, hindi lang sila kinupkop ng katutubo ng mga islang ito.

Puro o dugong Chinese nga ang Taipan ng Pilipinas: hawak na nila ang kabuhayan at buhay araw-araw ng mga Pilipino sa pamamayani ng kanilang mga hawak na higanteng industriya at negosyo, at iba pang larangan.

Kumpleto na ngang masasabi ang “Chinafication” ng Pilipinas, kaya ano pa ba ang nanaisin mo, China?

“Wag naman kami ang iyong i-bully!

Wala kaming ginawang masama sa iyo, China.

Hindi kami kasama sa mga bansang nam-bully at sumakop sa iyo noon at ang Pilipinas ay isa sa nagbunyi nang maipanalo mo, China ang iyong kalayaan at ang pagkatatag ng People’s Republic of China.

Halos lahat ng produkto mo, malayang nakapapasok at tinatangkilik namin — at ‘wag itanggi na malaki ang naiaambag namin sa iyong kabangyaman sa mga inaangkat naming bunga ng iyong malalaking industriya.

Pati ang entertainment industry mo, tinatangkilik namin at naipakita namin ang aming matapat na pagkakaibigan.

Kaya bakit ang kakaunting amin — ang West Philippine Sea (WPS) — ay pilit mo pang inaangkin at marami na nga ang nasa kamay mo na.

Nakapagpatayo ka nga ng mga military at naval bases sa mga isla at bahura na sakop ng aming exclusive economic zone — na wag mong itanggi, nakapag-imbak ka na, China ng mga armas nuclear, missiles, mga barko de giyera  at malay namin, sa ilalim ng aming dagat at mga isla, gumagala na ang iyong mga submarino.

Sabi mo, kaibigan mo kami, China, pero hindi iyon ang nakikita namin — sa mahigit na 400 pangyayari, kitang-kita ang iyong panlalamang, ang iyong paghahari-harian at lantarang pagyapak sa amin.

Dragon ka nga at butiki lamang kami sa iyong mata pero ang tingin namin sa iyo, China, mabuti ka. Hindi ka namin inapi kahit minsan man.

‘Wag kami dahil hindi ka namin kaaway.

Ang galing mong magpalusot at sobrang magaling kang magpropaganda at gumawa ng maniobrang diplomasya na dyan ka nga ngayon experto.

Kahit ano pa ang sabihin mo, pambu-bully ang ginawa mo na paglente ng military grade laser sa aming barko sa Ayungin Shoal.

Nakakabulag iyon, at naglagay sa peligro ng mga tripulante ng Philippine Coast Guard.

Nagagalit ka, kasi nakikipag-alyado kami sa mahigpit mong kaaway — ang US at ang Japan.

E, paano nga, lantaran na ang unti-unti mong pananakop sa amin, e ano ang gagawin namin kungdi ang humingi ng tulong.

Ayaw naming madamay sa away nyo ng US at Japan at iba pang bansa sa Europa, pero imbes na magpakita ka ng kabaitan, ano ang ginagawa mo, China?

Ang amin ay iyong inaagaw; ang aming mga isla sa WPS, tinaniman mo na ng armas de giyera mo, at isang pindot mo lang, durog na kami.

Iyan naman ang reyalidad a masakit na katotohanan sa aming kalagayang mahina sa lahat ng bagay; kumbaga sa pamilya, bahay kubo lang kami at itak at sumpak ang armas.

Ikaw, numero dos kang military power sa mundo , e ano nga ang laban namin, China.

Bakit nagkaganyan ka, e hindi ka naman ganyan noong panahon ni Chairman Mao Ze Dong at Deng Xiaoping.

Ah, naalaala ko ‘yung speech ni Deng Xiaoping sa United Nations, April 10, 1974:

“If one day China should change her color and turn into superpower if she too should play the tyrant in the world, and everywhere subject others to her bullying, aggression and exploitation, the people of the world should identify her as a social imperialism, expose it, oppose it and work together with the Chinese people to overthrow it.”

Ganito ka na ngayon sa tingin ng mundo, China: ikaw ay bully, aggressor, exploiter.

Ganyan ka sa amin na kaibigan ang turing sa iyo, China.

Kaya nga, kung maisip namin na humingi ng tulong sa ibang bansa sa Asia — na magtulungan kami para, sabi ni Deng Xiaoping ay “overthrow” ka, hindi mo masisisi kung magnais ang ASEAN nations na magkaisa  laban sa iyo.

Tatapusin na rin ng ibang bansa sa Asia ang kanilang pananahimik — at maaari, at sana ay mangyari, magkaisa na tumindig para sabihin sa iyo, China, tama na, sobra ka na.

Amin ang WPS.

Wag mong kamkamin ang hindi sa iyo, China.

Ayaw ni Deng Xiaoping ang inaasta mo.

Igalang mo ang batas ng 2016 United Nations Convention on the Law of the Sea arbitration.

Tanggapin mo na ang desisyon ng International Court of Arbitration at dinggin mo ang payo ng ama ng inyong industrialization na si Deng Xiaoping.

China, kung kaibigan mo nga kami, titigil ka na sa pangangamkam mo sa mga isla nmin.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment