Tangkang pagpuslit ng asukal, hindi lumusot sa MICP-CIIS

KAHIT na alam nilang may total “war against smuggling,” lalo na sa mga iligal na droga at produktong agrikultura, may mga ismagler pa ring matitigas ang ulo.

Siguro ang akala nila ay kayang-kaya nilang paikutan ang mga taong naatasang habulin ang mga ismagler na nagpapahirap sa gobyerno at mamamayan.

Kaya naman, ang kanilang maling akala ay nagresulta sa pagkaka-timbog ng mga puslit nilang asukal na mula sa bansang Thailand na nagkakahalaga ng mahigit P228 milyon.

Nakalagay sa 76 na container vans, ang shipment ng refined sugar ay walang kaukulang import clearance mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA).

Dumating sa Manila International Container Port (MICP) ang shipment noong Setyembre 24 at ininspeksiyon nina Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz noong Oktubre 17.

Ito ay pagkatapos na hilingin ng MICP-Customs Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS) na isyuhan ng alert order ang nasabing kargamento.

Simabi ni MICP-CIIS chief Alvin Enciso na tinangkang palitan ang pangalan ng consignee pagkatapos na hilingin sa District Collector’s Office na isyuhan ng alert order ang shipment.

Sa halip na baguhin ang pangalan ng consignee ay inirekomenda ang pag-isyu ng warrants of seizure and detention (WSD) laban sa refined sugar shipment mula Thailand.

Ayon kay CIIS Director Jeoffrey Tacio, “there were already initial information about the shipment’s status.”

Ayon nanman kay BOC chief Yogi Filemon Ruiz, kilalang “drug buster” sa Visayas bago napunta sa Aduana, na “there is a lot of hocus pocus that these smugglers try to get away with their crimes.”

Dagdag niya: “We are here to stop any action that would jeopardize our market prices, the local production, and the impact of these on our workers and consumers.”

Matatandaan na una nang inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Commissioner Ruiz na pangunahan ang pag-inspeksiyon sa mga bodega sa buong bansa.

Ang gusto ni Pangulong Marcos ay siguraduhing walang mga puslit na asukal sa mga bodegang ito.

Ayaw ng Chief Executive, na may mga “hoarded sugar” sa mga bodega.

Ayon naman sa mga beteranong waterfront observer, suportado nila ang ginagawa nina Commissioner Ruiz para tuldukan na ang mga katarantaduhan sa aduana.

***

Mukhang wala ng katapusan ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, lalo na ang krudo, gasolina at kerosene, habang papalapit ang 2023.

Ang talagang nakakabuwisit sa nangyayari ngayon sa bansa ay  bumababa nga ang presyo ng mga produktong petrolyo, pero maliit na halaga lang. Samanatalang kung tumaas naman  ay sobra-sobra.

Sa wari nga ng marami, kasama na ang mga ordinaryong mamamayan,  parang niloloko lang ang mga motorista at konsumer sa taas-baba ng presyo ng gasolina, krudo at  kerosene .

Talagang sasakit ang ulo ng mga taga-gobyerno sa dami ng mga mabibigat na problemang kinakaharap natin pagkatapos ng dalawang taong lockdown dahil sa pandemya.

Maliban sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ang pagkain, nandiyan pa rin ang COVID-19, dengue, leptospirosis at iba pang sakit na usong-uso sa panahon ng  tag-ulan.

Sana hindi na magkaroon ng COVID-19 surge sa Pilipinas kagaya ng nangyayari sa ibang bansa.

Kapag nangyari ito ay baka kung saan na tayo pulutin. Saan tayo kukuha ng perang pambili ng bakuna, pang-ayuda sa mga taumbayan at pambili ng gamot?

***

Sa isang Sabado, Oktubre 29, ay magsisimula na ang pagdalaw sa mga pribado at pampublikong sementeryo sa buong Pilipinas.

Ang maagang pagdalaw sa mga patay ay naglalayong maiwasan ang siksikan sa mga sementeryo sa Araw ng mga Santo at Araw ng mga Patay sa Nobyembre 1 at 2.

Mahalagang sumunod tayo sa mga health at safety protocol para mapigilan natin ang pagdami ng kaso ng COVID-19 pagkatapos ng selebrasyon ng Undas.

Kung maari lang ay huwag tayong magtagal sa mga sementeryo. Ang mahalaga ay mabisita natin ang mga namayapa nating kamag-anak, kaibigan at kakilala.

Pero mas maganda siguro kung ipagdasal na lang natin sa simbahan o sa ating mga bahay ang kaluluwa ng mga patay dahil nandiyan pa nga ang COVID-19.

Tama ba, Pangulong Bongbong Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Z. Duterte?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email:

tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment