KUNG naiba lang na kandidato si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, baka tumiklop na ito sa tindi ng isyung ibinato sa kanya ng mga ktunggali sa politika.
Alam ni Yorme Isko, uusigin uli siya sa excess campaign funds na nalikom na pondo noong 2016 senatorial race – na hindi siya pinalad manalo.
Itatanong uli ito sa kanya sa CNN Philippines presidential debate nitong Linggo, Peb. 27, 2022, at kumbaga sa giyera, ready to engage si Yorme.
Sa maraming isyu at batuhan ng sagot at tanong, marami ang nagsabi na pasado si Yorme Isko: maayos, malinaw, detalyado at kongkretong naitawid niya sa publiko ang magagandang programa ng gobyerno na gagawin kung siya ang swerteng ihahalal na pangulo sa Mayo 2022.
Sa tanong sa mga kandidato kung handang isauli ang sobrang pondong nalikom at hindi nagastos sa kampanya sa mga campaign donors, lahat ay nagsabi: “isasauli namin.”
Pero hindi si Isko Moreno at handa siya na ipaliwanag ito.
Ang tanong ay lumalabas na sinadyang targetin si Yorme Isko dahil sa Jessica Soho interview, inamin niya na itinabi niya ang P50-milyong hindi niya nagastos sa kampanya noong 2016.
Sagot ni Yorme Isko: ayaw niya na mabintangan siya at tawaging ipokrito ng tao.
Malinaw ang sabi niya: “Because I have to be fair with the Filipino people. Hindi ako nagsauli ng binigay sa aking tulong sa kampanya na sobra.”
Kasunod ay ipinaliwanag ni Yorme Isko: “… ngunit tinupad ko ang aking tungkulin bilang mamamayan na magbayad ng buwis.”
Dahil hindi nga niya isinauli ang P50.8-M na hindi nagastos sa kampanya, umamin si Yorme Isko na siya ay walang ” moral ascendancy, to answer the question, in favor ” sa tanong kung isasauli niya ang natanggap na donasyong campaign funds.
Sa harap ng publiko, ipinakita ni Yorme Isko ang resibo ng binayarang buwis sa BIR – na patunay na kung itinabi man niya ang natirang pondo, matapat niyang tinupad ang tungkulin niya bilang mamamayan, at ito ang magbayad ng tamang buwis sa gobyerno.
Kung sakali, inamin ni Yorme Isko, “hindi niya alam” ang gagawin kung sakali na may sumobra o may natirang donasyong salapi ngayong 2022 presidential elections.
***
Sa interbyu ni Soho, matapat na sinabi niya na wala siyang alam na nalabag na batas at katunayan nga, binayaran niya ng tamang buwis ang natirang P50.8-M.
Upang maging klaro ang isyung ito, kailangan na magkaroon ng batas na magiging gabay at tuntunin ang mga paraang legal sa mga sobra o hindi nagastos na pondong donasyon sa kampanya.
Ayon sa umiiral na current tax rules, sinasabi na pwedeng ingatan ang sobrang pondo, basta bayaran ito ng tamang buwis – na siyang ginawa ni Yorme Isko.
Kung may nalabag na batas, malinaw ang sagot ni Isko: handa siyang sagutin iyon.
Sa harapang iyon, pinaratangan si Yorme Isko ng kandidatong Dr. Jose Montemayor Jr. na tumanggap siya ng $15 milyon sa pilantropong si Bill Gates.
Labag yun sa batas at hindi totoo ang paratang ni Montemayor, sabi ni Yorme Isko at ganting tanong: “… saan mo nakuha yan?”
May natanggap nga na P16-milyon sa Gates Foundation pero iyon ay donasyon sa city government ng Maynila na parte sa Moreno’s Project Kubeta for Manila para mapabuti ang serbisyong kalinisan sa mahihirap na residente ng siyudad.
Nang marinig ito, nasisiyahang tinanggap ni Montemayor ang paliwanag ni Yorme.
Sa naipakitang gilas at tapang sa pagharap sa kontrobersiyal na isyu, sinabi ni Yorme Isko na mahalagang ang isang kandidato ay sumipot sa mga debateng tulad ng CNN Philippines presidential debates.
Ito ang mabisang paraan, sabi niya, upang malaman ng taumbayan ang laman ng puso at isip ng isang kandidato at makilatis ang kakayahan, talino at tapang na harapin ang mga isyu at problema ng bayan.
Sa debateng ito, ating masasabi, aangat at aangat ang mga numero ni Yorme Isko – at puwede ngang sabihin na handang-handa na siyang maging Pangulo ng Pilipinas sa Mayo 2022.
***
Nang sumama si Doc Willie Ong kay Yorme Isko ay nagalit ang DDS at BBM sa kanya.
Sabi ni Doc Willie, nabawasan ang tagasunod niya sa vlogs.
Ang daming nagalit, nawala ang 100 percent na supporter niya.
Aniya, “Halos lahat nagalit, ‘yung DDS [Duterte Diehard Supporters], ‘yung BBM [Bongbong Marcos], nagalit. Pero okay lang. Respeto ko sila sa gusto nila.”
Manalo o matalo, mahalaga, ginawa niya ang lahat upang makapaglingkod sa tao.
“Sarili ko ang ino-offer ko, gusto ko matulungan ang tao, at kahit mahina ako sa survey, takbo lang ako nang takbo, kinakausap ko ang mga tao, sinasabi ang magagawa ko kung ako ang mananalo,” sabi ni Doc Ong.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).