‘Team Guerrero’ ng BoC, hindi pwedeng maliitin!

KITANG-kita ang pagsisiksikan ng mga tao noong Pebrero 8, proclamation rally ng mga kandidato.

Isinabay ng mga kandidato ang proclamation rallies sa pagsisimula ng official campaign period para sa darating na May 9 elections.

Ayon sa calendar of activities ng Comelec, ang mga national candidate ay puwede ng mangampanya 90 days bago ang araw ng halalan.

Sa tingin natin, kailangan talagang maghigpit ang Comelec at mga lider ng mga kandidato para hindi maging ‘superspreaders’ ng COVID-19 ang mga pa-miting nila.

Siguruhing sundin ang mga health protocol dahil madaling makahawa ang COVID-l9.

Kahit pababa na ang bilang ng mga nagkakasakit sa bansa, hindi pa rin tayo pwedeng magpabaya.

Sa dami ng mga nag-iikot na kandidato at kanilang mga alipOres, hindi talaga maiiwasan ang pagsisiksikan.

Lalo’t namimigay pa ng mga t-shirt, jacket, sombrero at iba pang gamit.

Kung maaari lang sana ay iwasan natin ang malalaking pagtitipon dahil nandiyan pa rin ang virus.

Dapat maging ehemplo ang mga kandidato sa pagsusulong ng maingat na pagkampanya  upang maiwasan ang muling pagtaas ng kaso ng mga nahahawahan ng COVFID-19.

***

Mahigit  na apat na buwan na lang at uupo na  ang papalit kay Pangulong Duterte.

Sandaling panahon na lang ‘yan.

Kaya nga marami na ang kinakabahan sa Aduana dahil siguradong magkakaroon din ng bagong customs commissioner.

Pero hindi lang mga opisyal at kawani ng BoC ang sumasakit ang mga ulo ngayon.

Maging ang mga importer at broker ay kinakabahan din.

Panibago na naman kasing “pakikisama” ang naghihintay sa kanila, pag-upo ng bagong BoC  Chief.

Ang panalangin na lang ng mga importer at broker, sana fair and just ang mga papasok sa Aduana.

Ang mahalaga ay alam nilang sila’y nakakatulong sa tax collection campaign ng gobyerno.

Hindi sila kaaway ng mga opisyal at kawani ni BoC.

Sa katunayan, sila’y partners in nation-building.

Isa pa, huwag naman sana tanggalin ng bagong mauupong hepe ang magagaling na opisyal ng Aduana.

Marami naman kasi sa opisyal na ito ang bahagi ng tagumpay ng BoC sa liderato ni Commissioner Rey Guerrero.

Dahil sa dedikasyon at sipag nila, nakapagtala ang BoC ng mga tila-himalang performance mula pa noong 2020.

Makikita ito sa kanilang collection performance, anti-smuggling campaign at modernization ng BoC.

Iyan ang “Team Guerrero, hindi pwedeng “maliitin.”

***

Pagbubukas ng face-to-face o F2F classes ay maninibago talaga ang mga estudyante.

Dalawang taon ba naman silang walang pasok dahil sa pandemya.

Aminin man natin o hindi, wala silang ginawa sa loob ng dalawang taon kundi maglakwatsa.

May blended learning nga pero mga magulang naman ang gumagawa ng mga dapat nilang gawin.

Kaya pag-resume ng F2F classes ay sakit ng ulo ng mga titser kung paano imo-motivate ang mga bata para mag-aral.

Matagal na panahon kasi na walang ginagawa ang mga bata kundi maglaro.

Ang isa pang problema ay kung saan kukuha ng pamasahe, baon at pambili ng gamit sa eskuwela ang mga magulang?

Maraming magulang ang nawalan ng trabaho at hanapbuhay.

Iyan ang mabigat na problemang kahaharapin ng maraming magulang.

Baka maraming hindi makapasok na bata sa paaralan.

Huwag naman sana.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment