HINDI lang mga matitinik na “tax collector” at “smuggler hunter” ang mga taga-Bureau of Customs (BOC) na pinamumunuan ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz.
Kagaya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., Vice President Sara Z.Duterte at Senador Imee Marcos, sila ay mga “environmentalist” din.
Noong ngang nakaraang Nobyembre 26, 2022, ay nagsagawa ang mga opisyal at tauhan ni Commissioner Ruiz ng sabayang “tree-planting activity” sa 17 collection districts ng BoC.
Ang mga taga-Central Office, PoM, Port of Batangas, Ninoy Aquino International Airport at MICP ay isinagawa ang tree-planting activity sa isang barangay sa Batangas City.
Ang iba pang collection districts ay nagtanim ng tree seedlings sa kani-kanilang lugar.
May temang “Ikaw, Ako at ang BoC,” ang aktibidad ay bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Marcos sa mga opisina ng gobyerno na gawing parte ng kanilang programa ang pagtatanim ng punong kahoy.
Ang pagtatanim ng punong kahoy ay makatutulong ng malaki para mapatibay ang “flood resiliency capability” ng bansa.
Ayon sa mga eksperto, kaya madalas na magkaroon ng landslide at pagbabaha sa bansa ay dahil sa pagkawala ng mga punong kahoy sa marami nating kabundukan.
Kaya gusto ni Pangulong Marcos na tamnan muli ng punong kahoy ang mga nakalbong kabundukan.
Ayon sa report, nagtanim ang mga opisyal at tauhan ni Commissioner Ruiz ng mahigit na 4,500 seedlings ng narra, molave, mahogany at mangrove noong Sabado.
“You plant a tree (not only) for yourself and your children (but) because you want to ensure the survivality of your lineage,” sabi ni Commissioner Ruiz sa isang pahayag.
Tama ka diyan, Sir Yogi!
Malaki ang magagawa nito para sa mga susunod na henerasyon!
***
Kagaya ng ibang ports of entry sa buong bansa, lalong pinaigting ng Port of Clark sa Pampanga ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
Noong ngang italaga ni Pangulong Marcos si Sir Yogi Filemon Ruiz bilang hepe ng Bureau of Customs ay isa sa marching orders niya sa huli ay patigilin niya ang drug smuggling.
Sa ngayon ay nanggagaling sa labas ng bansa ang bulto ng supply ng illegal drugs sa Pilipinas pagkatapos na ma-dismantle ang mga laboratoryo ng shabu sa bansa.
Kung saan-saan na idinadaan ang mga ipinagbabawal na gamot. Mabuti na lang at nasasakote ng mga taga-BoC ang mga droga na itinatago sa mga kargamento.
Noong Lunes ay ibinigay ng Port of Clark sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga kumpiskadong droga na nagkakahalaga ng mahigit P12.5 milyon.
Ang mga kontrabando, na nakapaloob sa 12 shipments, ay nakumpiska ng mga tauhan ng BoC-Port of Clark mula Marso hanggang Nobyembre 2022.
Nadiskubre ng mga tauhan ni Port of Clark District Collector John Simon ang mga droga, na kinabibilangan ng ecstasy tablets at kush marijuana, sa tulong ng mga x-ray machine.
Pinasalamatan ni Collector Simon ang partner government agencies sa napakalaking tulong nila sa kampanya ng ahensya laban sa pagpasok ng illegal drugs sa bansa.
Naniniwala tayo na mahihirapang makalusot ang mga ipinagbabawal na gamot sa mga port of entry dahil nandiyan ang mga highly-trained BoC personnel, x-ray machine at K-9.
Hindi ba, Commissioner Yogi Filemon Ruiz?
***
Habang papalapit ang Pasko at Bagong Taon ay mukhang pataas ng pataas pa rin ang presyo ng maraming commodities, lalo na ang sibuyas, siling labuyo at iba pang gulay.
Mabuti pa ang asukal, bumababa na ang presyo nito sa ibat-ibang parte ng bansa.
Kagaya ng inaasahan ng marami, tumaas na rin ang presyo ng tinatawag na “noche buena items” tulad ng mga sangkap sa paggawa ng fruit salad ang “fruit cocktail.”
Ang magandang balita naman ay makabibili ang mga kababayan natin ng murang produkto sa mga Kadiwa store. Ang problema lang, iilan pa lang ang mga Kadiwa store sa bansa.
Inuuna naman kasi ng gobyerno na lagyan ng Kadiwa stores ang mga lugar na kung saan marami talagang mamamayan ang nangangailangan ng tulong ng gobyerno.
Tama lang naman ito dahil talaga namang sayad ang kabuhayan ng karamihan nating kababayan bunga pa rin ng epekto ng COVID-19 pandemic.
Salamat at gumagawa ng paraan ang gobyerno para maibsan ang kahirapan ng taumbayan.
(Para sa inyong komento atvsuhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)