SIMULA noong pumutok ang balita na ang isang virus na nakamamatay ay nagsimula diumano sa Tsina at agad na kumalat sa iba’t ibang parte ng mundo, kumustahin natin ang Tsina ngayon.
Sa dinami-dami ng mga paninira sa Tsina mula sa COVID19 hanggang sa paggawa ng bakuna, ang Tsina na inaalipusta noon, ito ngayon ang nag-iisang bansa na naiwang nakatayo sa gitna ng pandemya.
Ayon sa isang eksperto sa pananalapi at kalakalan na si Gerald Celente, ang ika-21 siglo o 21st century ay ang siglo ng Tsina.
Pinadapa ng pandemya ang mga bansa kasama na ang Estados Unidos na hanggang sa ngayon ay tila hirap pa rin na makaahon, dagdagan pa ng mga suliranin sa katatapos na eleksyon pang-panguluhan.
Paano ito nagawa ng Tsina?
Ayon kay Celente ang ika-21 siglo ay para sa Tsina dahil napanatili nito ang matibay na ekonomiya kahit pa naging matumal ang pagluluwas (export) ng mga produkto.
Pinatatag ng Tsina ang kaniyang panloob na ekonomiya at naka pokus sa pagpapalago ng mga negosyo habang ang US ay nagawa pang dagdagan ang budget ang kanyang armas para sa kanilang “defense.”
Tapos na ang siglo ng US mula ng ito ay kinuha nya sa Gran Britanya pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig (WW2) at namayani ang makapangyarihang dolyar.
Wala na ito lahat.
Ang kasaysayan na ngayon ang nagsasabi na ito ang panahon ng Tsina – ang Yuan na ang papalit sa dolyar.
Ibinenta ng mga bansa ang kanilang mga malalaking kumpanya ng paggawa (manufacturing) sa Tsina at nag-pokus ang ekonomiya ng mga ito sa pagbibigay ng serbisyo (service provider).
Ito ang nagpaunlad sa ekonomiya ng Tsina, ang sinasabing maruming mundo ng paggawa, ang mga natapos na produkto ibebenta pabalik sa mga bansang ito na may tubo sapagkat mura ang labor sa Tsina.
Akala ni dating US President Donald Trump, “mapipilay” niya ang ekonomiya ng Tsina dahil sa nilunsad niyang “trade war.”
Maraming bansa ang hindi sumang-ayon sa istratehiya ni Trump dahil mabuting kapartner ang Tsina sa kalakalan. Isama pa ang malakihang proyekto ng One Belt One Road para sa buong mundo.
Sumemplang na ang “trade war” ni Trump, nag boomerang pa ito sa mukha niya.
Pati sa larangan ng teknolohiya hanggang sa kalawakan, nangunguna na ang Tsina.
Ang tanong nga kay Celente sa isang interview, dumaan na ang currency war, trade war at papalapit na ba ang hot war?
Ang tugon ni Celente kapag nangyari ang digmaan sa pagitan ng US at Tsina – katapusan na ng mundo!
Hindi matalino ang maglunsad ng giyera lalo na sa panahon ngayon.
Ang mga ‘rah-rah Amboys’ na nagtutulak sa hidwaan ng Tsina at US sa isyu ng South China Sea ay dapat lang tumahimik.
Mas prayoridad ng Tsina at ng ating bansa ang ekonomiya kaysa maghasik ng kaguluhan. Marami ang umaasa na maging mas matalino sana si Joe Biden (bagong lider ng US) kaysa kay Trump sa pakikitungo sa Tsina at magpokus sa pakikipag tulungan at pakikiisa sa mga bansa. May malaking pag-asa ang sumisilay para sa sangkatauhan ngayong dumating na ang siglo para sa Tsina.
(Samahan si Ka Mentong Laurel at mga panauhin sa “Power Thinks” tuwing Miyerkules @6pm Live Global Talk News Radio (GTNR) sa Facebook at sa Talk News TV sa You Tube; at tuwing Linggo 8 to 10am sa RP1 738khz AM sa radyo.)