BAKIT mas maunlad ang ibang kapwa Asianong bansa kaysa Pilipinas, at ano ang masakit na sagot?
Mas tinatangkilik natin ang gawang ‘Stateside,’ at aminin natin at hindi, hanggang ngayon, kolonyal pa rin ang isip natin.
Mas gusto natin ang gawa sa ibang bansa, pero ang gawang sariling atin, saka na, kung wala nang mabibiling iba pa.
Noon pang matapos ang World War II, isinulong ni Presidente Carlos P. Garcia ang ‘Filipino First Policy’ — na binigyang prioridad ang negosyong Pinoy kaysa dayuhan, lalo na ang mga produktong gawa natin.
Sa bisa ng Resolution No. 202 ng ‘National Economic Council’ noong Agosto 28, 1958, lumikha ng mga batas, at nagbuhos ng tulong na salapi ang administrasyon ni Garcia para sa lokal na kapitalistang Pinoy.
Kinontra ng mga dayuhang investor at ng mga Chinese-Filipino ang polisiyang ito na sinuportahan ng oposisyon kaya sa eleksiyon ng 1961, tinalo siya at nahalal na pangulo si Diosdado Macapagal.
Sa panahon ni Presidente Ferdinand Marcos, pinatindi niya ang prioridad ng negosyo at pagtangkilik sa gawa, negosyo at produktong Pilipino at sinimulan niya ang pagtatayo ng imprastruktura na magpapabilis sa pag-unlad ng negosyong Pilipino.
Inadhika rin ang polisiyang Filipino Muna sa Konstitusyon ng 1987, na nagbibigay ng mas tatangkilik sa produkto at negosyong Filipino, bago ang dayuhan.
Kaya itinadhana ang probisyon na limitado lamang sa 100 porisyento ang pagmamay-ari at pamamahala sa negosyong may kinalaman sa media ng mga Pilipino.
Nakalulungkot na ang mga korporasyong Pilipino tulad ng Steel Mill, Fil-Oil Corporation, NLEX, SLEX ay ibinenta ng mga sumusunod ng mga nagdaang pangulo—Corazon Aquino hanggang Noynoy Aquino– matapos na mapatalsik si Marcos na nagbigay din ng prayoridad sa industriyang Pilipino bago ang dayuhan.
Sa kasalukuyan, itinataguyod ito ng administrasyon ni Presidente Rodrigo Roa Duterte pero ang malungkot, kahit na nais na itaguyod ang Filipino Muna, wala tayong sariling kompanyang Pilipino na masasabi.
Wala na tayong sariling produktong masasabi kaya napag-iwanan na tayo ng mga katabing bansa: halos lahat ng ating tinatangkilik ay gawang dayuhan.
Kung mayroon man, ito ay ang lokal na industriya ng Turismo na mabuting lubos nating tangkilikin at unahing puntahan, bago ang ibang bansa.
Nitong 2018, gumastos ng P3.2-Trilyon ang mahigit 5-milyong dayuhang dumating sa bansa, at kumita ang gobyerno ng P2.2-Trilyon sa mga buwis at iba pang bayarin.
Napigil ang malakas na ambag sa ekonomiya ng lokal na turismo dahil sa krisis ng COVID-19 pandemic, at sana nga, sa pagtutulungan ng lahat ng taong gobyerno at ng mamamayang Pilipino, makatulong nang malaki ang industriyang ito sa pagbangon ng ating lugmok na kabuhayan.
***
PANG-ILAN na bang commissioner ng Bureau of Customs (BoC) si Rey Leonardo Borja Guerrero?
Hindi na natin mabibilang ang makikisig na ginoong naupo sa BoC at lahat ay nangako na babaguhin ang baluktot na gawain sa Aduana.
Lahat sila ay naglunsad ng maraming ‘anti-smuggling campaign,’ nagpalabas ng sangkaterbang memorandum at naglagay at nagpalit ng mga tao at tauhang pinagkakatiwalaan para sugpuin ang talamak na ismagling, “lagayan,” “tarahan” at iba pang ilegal na koleksiyon na nagpabantog sa bulsa ng mga taong pinagkakatiwalaang gaganap ng tungkuling matapat sa bayan.
Marami sa kanila ay umalis sa Customs na nakangiti ang mga labi na nakatitiyak na sa kanilang nakamal na kayamanan — sa legal o ilegal na paraan man, ang pamilya nila ay mabubuhay nang parang nasa paraiso at hindi makararamdam ng hirap o pasakit man lang dahil sobra sa sapat ang nasa kanilang libreta de bangko at makapal ang bulsa.
Samantala, sa mga kampanya sa katiwalian, ang mga kasabwat sa pagnanakaw sa bayan, partikukar sa BoC ay nananatiling nariyan, maaaring naligalig sa mga reporma ng mga naipupuwestong bagong commissioner at mga katulong nito, pero sa katagalan, sa paggamit ng impluwensiya ng salapi, ng mga kuneksiyon sa Malakanyang, sa Senado at Kongreso, nakababalik sila na mas makamandag kaysa dati.
***
MARAMI nang nagtanong nito, kaya ba nating magkaroon ng malinis na pamamahala?
Maaari bang matuldukan ang kabulukan at katiwalian sa gobyerno at kahit sa mga trabaho at transaksiyon sa pribado?
Maraming kakampi ang kasamaan, at tanging ang matibay na paninindigan, matibay na pagtitiwala na ang baluktot na landas, gaano man kalalim ang pagkakatago nito, ito ay lulutang upang maituwid sa pagkakaliko.
Tayo ang makasasagot sa tanong na kaya ba nating matuldukan ang mga katiwalian.
Nasa taong bayan ang sagot nito.
***
Nagbabago na ba ang ating kalagayan — sa politika, ekonomya at nagbago na ba ang pagtingin sa Pilipinas sa mata ng mundo?
Kung ang Malakanyang ang tatanungin, oo malaki na ang pagbabago ng Pilipinas.
Kung ang hapag kainan ng milyon-milyong naghihirap na Pilipino, ang kalam ng sikmura, ang ilang milyong nawalan ng trabaho at ang maraming bagong katiwalian na nasasangkot ang mga “bataan” ng Pangulong Duterte, iisa ang sagot: Tulad pa rin ng dati ang Pinoy — hindi makaahon sa hirap lalo na ngayong nagulantang ang lahat sa dinulot ng nakamamatay na sakit na COVID-19.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).