Tulungan ang papasok na administrasyon

NITONG nakaraang nasyonal at lokal na halalan ay muli nating pinatunayan sa mundo na marami sa atin ay mga “election-crazy” batay sa tindi ng away-away noong panahon ng kampanya.

Mga magkakamag-anak, magkakaibigan at magkakapitbahay na grabe ang naging patutsadahan dahil sa pulitika.

Ang iba nga ay patuloy pa rin ang bangayan kahit tapos na ang eleksyon.

Pero walang mangyayari sa ating lahat, lalo na sa mga mahihirap kung pababayaan nating magkawatakwatak tayo dahil lang sa maruming pulitika.

Tama ang panawagan ng ilang nanalo at natalong kandidato na kalimutan na muna ang pulitika at atupagin na ang pagtulong sa papasok na administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Hirap na ang taumbayan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng halos lahat ng bilihin, lalo na ang pagkain, langis at iba pang imported petroleum products.

Sa mga magsasaka, ang nagpapahirap sa kanila ngayon ay ang kataasan ng presyo ng abono, pestesidyo, gasolina at krudo.

Ito ang dahilan kung bakit maraming magsasaka at probinsiyano ang gusto nang maghanap ng ibang trabaho sa Kamaynilaan at karatig-pook.

Dapat magawan agad ito ng paraan ng papasok na administrasyon para hindi na lalong magsiksikan sa mga urban centers.

Kapag hindi napigil ang pagdagsa ng mga tao sa mga siyudad ay lalong mahihirapan ang mga otoridad na paangatin ang pamumuhay sa mga lugar na ito.

***

Unti-unti ng pinapangalanan ni President-elect Bongbong Marcos ang mga taong bubuo sa kanyang Gabinete.

Mahalaga ito para maiparating ng taumbayan ang kani-kanilang saloobin tungkol sa mga lider na tutulong kay Pangulong Marcos sa susunod na anim na taon.

Naniniwala tayo na makikinig si BBM, sa opinyon ng taumbayan.

Iparating natin sa gobyerno ang ating mga obserbasyon pero dapat respetuhin natin kung ano man ang mga desisyon ni Pangulong Marcos dahil siya ang ibinoto ng mayorya ng taumbayan para mamuno sa atin.

At naniniwala tayo na gusto ni Pangulong Marcos na bantayan natin ang gagawin ng kanyang mga opisyal.

Hindi kukunsintihin ni President-elect Marcos mula Ilocos Norte at Leyte ang korapsyon at katiwalian sa mga opisina ng gobyerno sa buong bansa.

Kaya nga siya kumandidato sa pagka-Pangulo para pabilisin ang socio-economic development ng bansa na pinahihirapan ngayon ng napakaraming problema.

Para magawa ito ni Pangulong Marcos, kailangan nating magkaisa at kalimutan muna natin ang politika.

Kapag nakakita tayo ng mga hindi kanais-nais sa gobyerno ay kaagad nating iparating ang mga ito sa Malakanyang.

Ang kailangan natin ay constructive at hindi destructive criticism.

***

Ang mahalaga ngayon ay bigyan natin ng pagkakataon ang papasok na gobyerno para tuparin ang mga ipinangako nila noong panahon ng kampanya.

Huwag nating husgahan kaagad ang administrasyong Bongbong Marcos.

Marami at mabibigat ang mga problemang haharapin ng mga bagong opisyal ng bansa.

Lalong-lalo na ang bagsak na ekonomiya na dulot ng dalawang taong coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Dahil sa pandemya, na nagpahirap din sa buong mundo, said na ang kaban ni Juan dela Cruz. Malaki na ang domestic at panlabas na utang ng bansa.

Trabahong-kalabaw ang kailangang gawin ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue para makakolekta ng sapat na buwis upang mapondohan ang mga proyekto ng gobyerno.

Hindi dapat patulog-tulog ang mga opisyal na mamumuno sa mga ahensyang ito ng gobyerno.

Tama ba kami, President-elect Bongbong Marcos?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment