Tulungan natin ang administrasyon

HINDI biro ang mga naiwang problema ng administrasyong Duterte. Nandiyan ang malaking utang ng bansa.

Ang malawakang kawalan ng trabaho, walang tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Ang masakit pa nito, pati presyo ng karne ng baboy, manok, isda, tinapay, gulay at iba pang basic commodities ay patuloy ang pagtaas na ikinakabahala ng marami.

Inaasahan din ang pagtaas ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan, kasama ang mga tricycle.

Sa tingin ng marami, ito na siguro ang pinakamahirap na pagsisimula ng isang bagong administrasyon.

Pero dahil sa tiwala at paniniwala ng maraming nating kababayan, malalampasan natin ang mga problemang ito dahil may political will ang administrasyong Marcos.

Nakikita ito sa kalidad ng mga taong inilalagay ni Pangulong BBM na mamuno sa mga opisina at ahensiya ng gobyerno.

Sana lang, huwag mapalusutan ng ilang alipores niya si Pangulong Marcos.

Tulungan natin ang administrasyon para mapabuti ang kalagayan ng naghihirap na taumbayan, lalo na ang mga magsasaka, mangingisda at iba pang manggagawa.

***

Nagtapos na noong Huwebes, Hunyo 30, ang anim na taong rehimen ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, ang kauna-unahang Chief Executive ng bansa na taga-Mindanao.

Tulad nang inaasahan, ngayong isa ng “ordinaryong” mamamayan ng bansa, si Tatay Digong, muli itong maninirahan sa Davao City, kung saan siya naging alkalde ng mahabang panahon.

Pero bilang isang dating Pangulo, siguradong mananatiling nasa limelight ang “tough-talking” na abogado, lalo pa nga at anak niya ang Bise Presidente sa susunod na anim na taon.

Isa pa, para sa mga taga-diyaryo, telebisyon at radyo (lokal, nasyonal at internasyonal), “hot copy” pa rin si Pangulong Duterte kahit wala na siya sa Palasyo ng Malakanyang.

Kasama sa mga “tatabi” muna sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong  Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ay ang mga tinatawag na “co-terminus” na lingkod-bayan.

Ito ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na nagtapos din ang kanilang termino noong tanghaling tapat ng araw ng Huwebes, Hunyo 30.

***

Mabuti naman at ire-review ng gobyerno ang K-12 program nito.

Maraming estudyante, magulang at iba pang sektor ang naguguluhan sa nasabing programang.

Sa kanila, mas magandang ibalik ang dating sistema–May anim na taong elementarya at apat na taong sekundarya.

Isa pa, pag-aralang mabuti ang paggamit ng mother tongue sa unang tatlong taon ng elementarya.

Paano na lang kung ang isang bata na taga-Visayas o Bicol ay magta-transfer sa mga probinsiyang ang medium of instruction ay Tagalog, Ilocano o Pangasinense?

Naniniwala tayo na magpapatupad ng mga reporma si Vice President Sara Duterte-Carpio na magpataas ang quality ng mga basic education graduate natin.

Kagaya ng sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., si VP Inday, bilang secretary ng Department of Education (DepEd), ay kayang-kaya niyang ayusin ang mga problena sa kagawaran.

Isa siyang magaling na abogada at isang huwarag ina na may malasakit sa kapakanan ng mga kabataan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0917-8724484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).

Comments (0)
Add Comment