Tulungan natin si Comm. Yogi Ruiz!

KUNG mag-isa lamang siya, hindi makakaya ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Yogi Filemon Ruiz na mapatay ang “halimaw” na sindikato ng ismagling.

Hindi siya tulad ng superhero sa komiks na hinahangaan natin.

Kung gayon nga sana ang paglaban sa halimaw na ito sa Customs, baka nga matagal na itong nagupo, pero hindi ito kuwentong komiks!

Ang reyalidad: nananatiling malakas ang ismagling sa bansa sa kabila ng maraming mahihigpit na batas na nagpaparusa sa mga ismagler, hindi siya tinayuan man lamang ng isang balahibo upang matakot at itigil na ang kanilang iligal na gawain.

Tunay ang naisin ni Ruiz at ng mga kapwa niya opisyal na masugpo ang ismagling na siyang dahilan ng malaking kawalan sa kabangbayan.

Multi-bilyong piso ang nawawala sa krimeng ito na kung makokolekta, hindi na kailangan pa ang umutang at magpalimos ang bansa natin sa pagbili ng mga modernong gamit at pampalakas ng ating puwersa militar, ngayon na tayo ay nahaharap sa tunay na kalaban: Ang hindi mapigil na pagtatangka ng China na agawin sa atin ang mga pulo ng dagat sa West Philippine Sea (WPS) at iba pang mayayamang mina sa ating karagatan.

Magagawa sana nating mapaunlad ang kabuhayan natin, mas mapatataas ang kalidad ng edukasyon, mas maraming hanapbuhay ang malilikha at malaking ambag ang bilyon-bilyong na sana ay malilikom kung wala ang ismagling.

***

Paano matutulungan si Ruiz at ang mga kasama nila sa pagsasaayos at pagtutuwid ng mga bako-bakong daan sa Aduana?

Marami nang pagkilos, mga bagong tagubilin, mga bagong reporma at mga bagong paraan na ginagamitan pa ng teknolohiya at siyensiya para malabanan ang ismagling at iba pang katiwalian sa BoC.

Pero nagtagumpay ba?

Hindi naman mahirap labanan ang ismagling kung tutuusin.

Katapatan sa tungkulin, mahusay na pagsunod sa batas, tibay ng dibdib laban sa tukso ng madaling pagkakamal ng salapi sa “baluktot na paraan.”

Mayroon ba tayo ng mga ganitong opisyal at kawani ng BoC?

Ang sagot: napakarami nila, pawang matatapat, pawang matitino at nais na tunay na makapagserbisyo nang matapat sa bansa.

Ano ang dahilan at hindi tayo nagtatagumpay laban sa katiwalian?

Pagkakaisa ang kulang, pagwawalang-bahala ang naririyan, at ang pagsasabing, nandiyan na yan at hindi na maaari pang mawala.

Mali: magagawa ito, kung si Comm. Ruiz at nang maraming matitino at matatapat na mga opisyal at mga kawani sa Aduanna kung ating tutulungan.

Ito ang kulang, at dapat na mangyari.

Sa kung paanong paraan, sumunod tayo lagi sa batas at itinatakda ng mga regulasyon, at ‘wag kumunsinti ng mga mali.

Matuto tayong sumama sa pagbabago at huwag humadlang sa pagbabago.

Ito na ang simula at makakayang mapatay ang halimaw na ismagling.

May kasabihan tayong Pinoy: Binabato ang punong mangga kasi marami itong masasarap at matatamis na bunga.

Isa pa: Hindi maluwang ang daan patungo sa kabutihan; masikip ito kaya kakaunti ang gusto dito na dumaan.

Angkop at tugma para kay Comm. Yogi ang dalawang kasabihang ito.

Noong nagsimula siya na manungkulan at repormahin ang BoC, ano ang sinasabi ng iba: Ah, hindi makakaya ni Ruiz, dahil ang dami nang gumawa ng nais niyang reporma, wala namang pagbabago.

Tama: kung ang isang pinuno ay walang buto, o sa deretsang salita ay parang ahas tulog — walang kamandag ang mga pangil, hindi mangyayari ang sinasabi natin.

Pero teka, sa salitang kanto, may “yagbols” si Comm. Ruiz.

Sa English: ‘He has political will.’

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment