Tutulan ang mentalidad ‘Cold War’

ANG Pangulo ng US na si Donald Trump ang nagpaigting sa kaisipan ng mundo na mayroong “Cold War” simula noong 2016 ng siya ay nagsimulang manungkulan.

Sumunod ang pagtaas ng antas ng “Trade War” laban sa Tsina.

At ang huli ay pagtawag sa COVID-19 na “China Virus.”

Pero sa nalalapit na pagtatapos ng kanyang termino ay natalo siya sa “Trade War” na ito at walang patutunguhang pakikipaglaban sa pandemya.

Sa kalaunan, ang Tsina ang nagwagi sa mga nabanggit na “cold war strategy” ni Trump.

Bakit natin ito nasabi?

Una, ang pag-angkat ng US sa Tsina ay tumaas at nagkaroon ang US ng trade deficit na pinakamataas sa loob ng 12 taon, kung kaya’t kinilala ng IMF at CIA ang ekonomiya ng Tsina na mas malaki ng 1/6 sa US ($24.2 trillion vs. $20.8T ng US).

Ilang ulit ng sinabi ng Tsina na hindi sila naghahanap ng away sa kahit kanino lalo na sa US pero hindi rin sila aatras kung sila ay pagbabantaan.

Sinabi muli ito ni Pangulong Xi Jinping noong nakaraang Oktubre 23, 2020, sa paggunita ng pagkapanalo ng mga Tsino at mga taga North Korea sa pagtulak sa mga Kano pababa ng 38th Parallel noong ‘Korean War.’

Muling nagpahayag ng matinding babala laban sa US ang Tsina sa anibersaryong ito na may 70 taon na ngayon ang nakalipas.

Katulad ni Chairman Mao noong 1951, si Pangulong Xi ay nagbabala sa EU na huwag tatawid sa 38th Parallel dahil hindi sila aatras kung sila ay pagbabantaan ng karahasan.

Si Pangulong Xi ay nagpahayag na hindi mangingibabaw ang Tsina sa pagkontrol sa mundo o ‘hegemony’ dahil sa ngayon walang lugar sa mundo ang pagkakaroon lamang ng isang bansang may kontrol sa lahat ng bansa gaya ng ginawa ng mga Kano sa loob ng limampung taon.

***

Naalala ko ang sinabi ng isang kilalang ekonomista sa US na si Jeffrey Sachs sa isang webinar – “No Cold War”– Tayo ngayon ay nasa huling yugto ng panahon na kung saan ang mundo ay nasa ilalim ng pamumuno ng ekonomiya ng US… ngunit sa bagong panahon, ang larangan ng “geopolitical” ay naghuhubog ng isang mundo na walang isang lider ng isang bansa na dominante at “magdidikta.”

Ang matinding hamon ngayon sa atin ay ang “multilateral approach”.

Kaya ba ng mga Pilipino na unawain at pahalagahan ang mga pagbabagong nagaganap sa ating mundo?

Dapat nating pagsikapan na maintindihan ng mga ‘kanto boys’ na nag-iinuman na akala nila ay marami na silang alam kungdi ang pagiging anti-China.

Sa totoo lang, ang Tsina ang numero uno nating kapartner sa kalakalan at sa pagkakaroon ng magandang relasyon at kooperasyon sa Tsina ay uunlad ang ating ekonomiya.

Ang payo ko sa mga laban sa Tsina ay iwaksi na ang kaisipang “cold war” at ang “pagsakay” dito sapagka’t ang kinabukasan ng ating mga anak ay nakasalalay ngayon sa mainit na relasyon natin sa Tsina.

(Join: Power Thinks with Ka Mentong Laurel Every Wednesday and Saturday 6pm Live on Global Talk News Radio (GTNR) on Facebook and Talk News TV on YouTube)

Comments (0)
Add Comment