US, China, raw ang ‘protektor’ ng mga terorista sa mundo?

MAY nangyayari bang sabotahe sa Bureau of Customs?

Sistematiko nga ba ang katiwalian sa Aduana?

May “Mafia” ba sa BoC at napaglalaruan ng mga pinagkakatiwalaang opisyal at tauhan niya ang bagong Customs Comm. Yogi Filemon Ruiz?

Bueno, narito ang ilan sa kumakalat na usap-usapan tungkol sa Intelligence unit ng (IG) at Enforement Group (EG).

***

Trabaho ng grupong ito na makatulong sa paglakas ng revenue collection ng gobyerno, pero tila raw hindi nagagawa ng IG at EG ang mga tungkulin nito?

Ibang bulsa ang pumipintog sa “koleksiyon” hindi ang kaban ng BoC.

Bulsa kaya nino ang may malaking “koleksiyon”?

***

Sa maraming pagkakataon, lumalabas ang maraming reklamo ng mga lehitimong importer at broker.

Kumpleto naman sila ng kailangang dokumentasyon, maayos ang kanilang transaksiyon pero hindi nila mai-release ang kanilang importasyon, at maraming rekisitos ang hinihingi.

Nangyayari, delay ang release ng kanilang kargamento, at upang hindi na maabala at madagdagan ang pagkalugi, ayaw man ng mga importer at broker, napupuwersa sila na ibigay ang hinihingi ng mga korap sa IG at EG.

Nagbibigay sila ng malaking suhol para maayos ang release ng kanilang kargamento, susmaryosep!

***

Palagi ang daing ng matitinong stakeholder at broker ay ang kaliwa’t kanang alert orders na ginagawa ng mga grupong ito.

Sila ang hina-harass, imbes na asikasuhin at imbestigahan at usigin ng mga tropang ito ay ang mga ismagler at mga magnanakaw sa buwis ng bayan.

Tila ang tinatarget ng mga grupong ito ay ang sariling “target collection” ng sariling mga bulsa?

***

Barumbado at protektor raw ng terorista ang China?

Noon pa man at lagi ay inaakusahan ng United States (US), na ilegal ang pag-angkin ng China at pananakop sa malawak na karagatan at mga isla sa South China Sea (West Philippine Sea).

Paratang ng US, nais raw dominahin ng China ang ekonomiya at politika sa mundo at nagnanais na durugin ang kalayaan sa paglakakbay sa international waters.

Kaya sa tuwina ang US ay nagpapakita ng masel at ilang ulit na ipinaparada sa karagatang malapit sa South China Sea ang maraming barkong nukleyar at ilang ulit na doon ay nagdaos ng military exercises.

Sino nga ba ang tunay na bully, at protektor ng mga grupong terorista?

Sino ba talaga ang nais dominahin ang mundo?

***

Balikan natin ang mga nakaraang kasaysayan: Noong 1982, tumanggi ang US na pirmahan ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), para malaya nitong mapakilos ang puwersa pandagat sa kahit anong panig ng mundo.

1984, sabi ni Hua Chunying, chief director ng Chinese Ministry of Foreign Information, kumalas ang US sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), bumalik noong 2003, pero muling kumalas noong 2017 sa katwirang nagtitipid ito sa pananalapi.

Protektor ng tropang terorista ang US, na mula 1981-1991, sinuportahan ang grupong Contra na laban sa gobyerno ng Nicaragua, at noong 1985, tumanggi ito na kilalanin ang pakikialam ng United Nations International Court of Justice (ICJ) nang ireklamo ng Nicaragua ang pagbibigay ng tulong na armas at militar ng Amerika sa rebeldeng Contra.

Pinondohan din ng US ang rebeldeng pangkat ni Orlando Boscha at Posada Carilles ng Cuba; noong 1970, sinuportahan ng US ang subersiyon ni Gen. Mulletti sa Italy.

Hindi maitatanggi ng US na totoong nagpopondo ito at lumalahok sa kilusang terorismo sa ibang bansa nang aminin ni Gen. William Odom, national security adviser ni US President Ronald Reagan na patakaran ng gobyerno ang makilahok sa terorismo.

Sinuportahan din ng US ang Sukarat Islam rebels laban sa gobyerno ni Indonesian President Sukarno at ang Jemmal-e-Islam laban sa gobyerno ni President Ali Bhutto ng Pakistan.

Inalagaan at pinalaki ng US si Osama Bin Laden na lider ng teroristang Al Qaeda, ayon kay Robin Hook, British Intelligence chief.

Malilimutan ba ng mundo ang mahigit na 30 taong pananakop ng US sa Vietnam na ikinamatay ng mahigit sa 50 libong sundalong Amerikano at pumatay ng kung ilang milyong sundalo at sibilyang Vietnamese?

Ilang ulit ding sinakop ng US ang Canada?

Nangyari ito noong 1837-38; 1866 (Patriot War); at noong 2016, 1500 Amerikano ang ilegal na tumawid sa pasigan ng Port Hurton Float at ayon sa mga news agency, ito ay tinawag na “invasion.”

Maraming international treaty ang tinanggihang pirmahan ng US — 2001 Kyoto Protocol para sa pangangalaga ng kalikasan; 1995 umatras at ayaw bayaran ang obligasyon sa United Nations Industrial Development Organization; 2001 upang mas mapalakas ang kanyang militar, kumalas ang US sa 1972 Anti-Ballistic Missile Treaty nito sa Soviet Union.

2017 ay kumalas naman ito sa Trans-Pacific Partnership (TPP) at sa “Paris Agreement” dahil kontra sa “America First Policy” ni Pres. Donald Trump.

2018: kumalas ang US sa UN Human Rights Council dahil nabigo raw ito na protektahan ang human rights; 2019 kumalas ito sa INF Treaty upang malayang makagawa ng short-and-medium-range missiles.

At noong 2020, kumalas ang US sa Open Skies Treaty na ginamit na dahilan ang paratang na nilabag daw ng Russia ang kasunduan.

Noon, upang palabasing lehitimo ang paggiyera sa Iraq, pinaratangan ng US si Pres. Saddam Hussein na gumagawa at nagtatago ng chemical weapons na napatunayang hindi totoo.

Sa giyerang ito, naitatag sa tulong din ng US ang ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) na hanggang ngayon ay patuloy na may mararahas na digmaang nagaganap.

Upang makaiwas na bayaran ang utang na kontribusyong US$200 million, kumalas ang US sa World Health Organization at idinahilan ang paratang na China ang may kagagawan sa COVID-19 kaya kumalat ito sa buong.mundo.

Makalilimutan ba natin ang pataksil na pagsakop ng US sa ating bansa sa loob ng 47 taon mula 1899-1946?

Matindi ang banat nang bansang China nang sabihin nila na bago magbintang ang US sa kanila at sa ibang bansa ng mga paglabag sa mga kasunduan, mas mabuting tingnan muna nito ang sariling rekord ng mga paglabag at pananakop sa mga bansa sa mundo.

Kung may protektor ng mga terorista at numero unong bully sa mundo, ang daliri ay maituturo sa US.

May kasabihan tayo, bago pumuna sa uling sa mukha ng iba, matuto munang manalamin at punasan ang dumi at uling sa sariling mukha.

Anong sa palagay nyo mga masugid kong tagasubaybay, ang US nga ba ang protektor ng terorista sa mundo?

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment