Usigin at kasuhan ang mga korap sa gobyerno, ngayon na!

TANONG: Bakit nga ba di mabawasan ang korapsiyon sa gobyerno na talamak na talamak hanggang sa ngayon?

Sagot: Walang katapusan at sobra ang korapsiyon sa lahat ng sektor ng ating lipunan.

Uulitin ko dear readers, grabe at matindi ang nakawan up to now, sobra na ang pandarambong sa salapi ni Juan dela Cruz.

Panahon na po Mahal na Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na utusan at obligahin ang Department of Justice na usigin at kasuhan ang mga korap sa gobyerno at unahin ang Bureau of Internal Revenue (BIR), isunod ang Bureau of Immigration (BI), Bureau of Customs (BoC), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), Land Registration Authority (LRA), Department of Agriculture (DA) at iba pa.

Sa mga ahensiyang ito, sagad sa buto, sabi nga, ang suhulan, extortion, pandarambong sa pera   ng bayan, mga pailalim na kontrata na talo ang bayan, nepotismo, padrino, pamemeke, at iba pang kabulukan.

Maging sa pulisya at militar, maging ang mga korte at ang Kongreso at Senado ay sangkot din sa korapsiyon.

Marami nang kaso ang naisampa sa mga inaakusahang korap, pero nangyayari na marami ang naaabsuwelto dahil sa kulang sa ebidensiya, kapos o mangmang ang mga tagausig o kaya naman, sinadyang mahihina ang mga kasong isinampa na tiyak na ang bagsak ay dismissal.

***

Sa datos o rekord ng Ombudsman’s Finance and Management Information Office, noong 2011, kabuuang 3,852 kaso ay inihain laban sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan; 633 kaso rito ay nakasampa sa Luzon, 600 sa Visayas at 544 sa Mindanao.

Noon ding 2011, pinakamaraming kinasuhan ay mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP) at 562 kaso laban sa Department of Education; 490 sa Philippine Information Agency; 416 sa Bureau of Internal Revenue; 304 sa Armed Forces of the Philippines (AFP); 177 sa Bureau of Customs (BIR); 155 sa Department of Environment and Natural Resources (DENR); 148 Department of Social Welfare and Development (DSWD), at 98 DoJ.

Noong 2012, ayon sa Transparency International, ang Pilipinas ay ika-105 sa 176 bansa na  pinakakorap.

Karanggo natin ang Algeria, Armenia, Bolivia, Gambia, Kosovo, Mali, at Mexico; at 30 porsyento ng ating national budget ay naibubulsa ng mga mandarambong sa gobyerno.

Nagagawa ang korapsiyon sa pamamagitan ng ghost project, walang bidding o pakunwaring bidding, at pagbibigay ng kontrata kapalit ang suhol at pagpabor sa kontrata sa mga kasabwat na supllier o kontraktor; pamemeke; nepotismo at paboritismo, suhol; paggamit ng poder ng politika at koneksiyon sa mga maykapagyarihang tao na magpoproseso at maglalabas ng pondo sa mga proyekto.

***

Marami tayong batas para labanan ang korapsyon, tulad ng pagtatatag ng Office of the Ombudsman (Republic Act No. 6770); RA No. 7055; mabibigat na batas sa Revised Penal Code; RA No. 7080 o batas laban sa pandarambong (plunder) na magpaparusa sa gawaing kriminal laban sa mga taong gobyerno sa pagnanakaw ng halagang 50 milyong piso o higit pa.

Nariyan ang RA No. 8249 na magpapalakas ng kapangyarihan sa Sandiganbayan; nariyan pa ang Civil Service Commission (CSC) na inatasang magtatag ng mahusay na sistema upang  mapabuti ang serbisyo at katapatan ng mga taong gobyerno at binigyan ng kapangyarihan magtanggal, magsuspindi at magsampa ng mga kaso upang mapanagot at maparusahan ang mga tiwali sa serbisyo publiko.

Nariyan pa ang Commission on Audit (COA) na watchdog o tagabantay at tagasuri sa kung paano ginagastos ang salapi ng pamahalaan; at bukod pa nga sa Sandiganbayan na umuusig at nagpaparusa sa mga korap, naririyan pa ang mga korte, Court of Appeals at ang Supreme Court.

Bukod pa rito, may mga ahensiya at yunit ang PNP, DOJ at National Bureau of Investigation (NBI) at maraming anti-graft and corrupt office na nililikha ang administrasyon para mag-imbestiga at magrekomenda ng mga kasong isasampa laban sa mga mandurugas sa pera at tiwala ng bayan.

Nandiyan pa ang Kongreso at Senado na magsagawa ng mga imbestigasyon ukol sa katiwalian at kriminalidad na kailangan sa paggawa ng mga batas.

Masasabing hindi kulang kungdi, sobra pa nga ang mga batas laban sa korapsiyon at kabulukan sa serbisyong bayan.

Labis na ang mga batas natin laban sa mga tiwali at kriminal pero bakit sa halip na masugpo at mabawasan ang korapsiyon, lalo pang tumitindi at nagiging mas matapang ang mga korap sa Pilipinas.

Bakit nga ba Sir, PBBM?

***

Tama nga ba ang posisyon hanggang ngayon ng gobyerno na makipagkaibigan tayo sa China dahil hindi natin makakaya ang harapang makipagsagupa sa digmaan sa higanteng armas, military at ekonomya ng China?

Eh, maging ang US na may pinakamalakas na puwersang militar at sandatang nuclear ay atubili at andap na makipagkomprontasyon sa komunistang China, maitatanong: Bakit?

Aminin natin ang katotohanan, wala tayong kakayahang banggain ang lakas militar ng China at ang totoo ay di talaga natin kayang sagupain ang mga barko de giyera nila laban sa ating bangkang papel.

Iyan ang masaklap na katotohanan.

Tama nga ba dear readers ang postura hanggang ngayon ng kasalukuyang administrasyon na maging “maingat muna at mahinahon tayo” sa pakikitungo sa China, ito ay sa kabila ng lantarang “panlalamang” nito sa ating kabutihang loob?

Nagtatanong lang naman.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).