Usigin, kasuhan ang mga korap sa gobyerno

BAKIT nga ba di mabawasan ang korapsyon sa gobyerno na talamak na talamak sa lahat ng sektor ng ating lipunan?

Ngayon na ang tamang panahon na utusan ni Pangulong Ferdinand ‘BBM’ Marcos Jr. ang Department of Justice na usigin at kasuhan ang mga korap sa gobyerno at unahin ang PhilHealth, isunod ang Customs, Bureau of Immigration, Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Registration Authority (LRA), Land Transportation Office (LTO), Department of Agriculture (DA) at iba pa.

Sa mga ahensiyang ito, sagad sa buto, sabi nga, ang suhulan, extortion, pandarambong sa salapi ng bayan,ng salapi, mga pailalim na kontrata na talo ang bayan, nepotismo, padrino, pamemeke, at iba pang kabulukan.

Maging sa pulisya at militar, maging ang mga korte at ang Kongreso at Senado ay sangkot din sa korapsiyon.

Marami nang kaso ang naisampa sa mga inaakusahang korap, pero nangyayari na marami ang naaabsuwelto dahil sa kulang sa ebidensiya, kapos o mangmang ang mga tagausig o kaya naman, sinadyang mahihina ang mga kasong isinampa na tiyak na ang bagsak ay dismissal.

***

Tingnan ang rekord ng Ombudsman’s Finance and Management Information Office: 2011, kabuuang 3,852 kaso ay inihain laban sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan; 633 kaso rito ay nakasampa sa Luzon, 600 sa Visayas at 544 sa Mindanao.

Noon ding 2011, pinakamaraming kinasuhan ay mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP) at 562 kaso laban sa Department of Education; 490 sa Philippine Information Agency; 416 sa Bureau of Internal Revenue; 304 sa Armed Forces of the Philippines (AFP); 177 sa Bureau of Customs (BIR); 155 sa Department of Environment and Natural Resources (DENR); 148 Department of Social Welfare and Development (DSWD), at 98 DoJ.

Noong 2012, ayon sa Transparency International, ang Pilipinas ay ika-105 sa 176 bansa na  pinakakorap.

Karanggo natin ang Algeria, Armenia, Bolivia, Gambia, Kosovo, Mali, at Mexico; at 30 porsyento ng ating national budget ay naibubulsa ng mga mandarambong sa gobyerno.

Nagagawa ang korapsyon sa pamamagitan ng ghost project, walang bidding o pakunwaring bidding, at pagbibigay ng kontrata kapalit ang suhol at pagpabor sa kontrata sa mga kasabwat na supllier o kontraktor; pamemeke; nepotismo at paboritismo, suhol; paggamit ng poder ng politika at koneksiyon sa mga maykapagyarihang tao na magpoproseso at maglalabas ng pondo sa mga proyekto.

***

Marami tayong batas para labanan ang korapsyon, tulad ng pagtatatag ng Office of the Ombudsman (Republic Act No. 6770); RA No. 7055; mabibigat na batas sa Revised Penal Code; RA No. 7080 o batas laban sa pandarambong (plunder) na magpaparusa sa gawaing kriminal laban sa mga taong gobyerno sa pagnanakaw ng halagang 50 milyong piso o higit pa.

Nariyan ang RA No. 8249 na magpapalakas ng kapangyarihan sa Sandiganbayan; nariyan pa ang Civil Service Commission (CSC) na inatasang magtatag ng mahusay na sistema upang  mapabuti ang serbisyo at katapatan ng mga taong gobyerno at binigyan ng kapangyarihan magtanggal, magsuspindi at magsampa ng mga kaso upang mapanagot at maparusahan ang mga tiwali sa serbisyo publiko.

Nariyan pa ang Commission on Audit (COA) na watchdog o tagabantay at tagasuri sa kung paano ginagastos ang salapi ng pamahalaan; at bukod pa nga sa Sandiganbayan na umuusig at nagpaparusa sa mga korap, naririyan pa ang mga korte, Court of Appeals at ang Supreme Court.

Bukod pa rito, may mga ahensiya at yunit ang PNP, DOJ at National Bureau of Investigation (NBI) at maraming anti-graft and corrupt office na nililikha ang administrasyon para mag-imbestiga at magrekomenda ng mga kasong isasampa laban sa mga mandurugas sa pera at tiwala ng bayan.

Nandiyan pa ang Kongreso at Senado na magsagawa ng mga imbestigasyon ukol sa katiwalian at kriminalidad na kailangan sa paggawa ng mga batas.

Masasabing hindi kulang kungdi, sobra pa nga ang mga batas laban sa korapsiyon at kabulukan sa serbisyong bayan.

Labis na ang mga batas natin laban sa mga tiwali at kriminal pero bakit sa halip na masugpo at mabawasan ang korapsiyon, lalo pang tumitindi at nagiging mas matapang ang mga korap sa Pilipinas?

***

Nasa kultura ba natin ang pagbibigay regalo o ng salapi o ang panunuhol at pangingikil at mahina ang moral ng mga tagapagpatupad ng batas at may diperensiya ang mga batas at institusyon at ahensiya sa pagpapatupad ng batas laban sa nakasanayang korapsiyon?

Kulang ba sa pangil at kapangyarihan ang mga ahensiya natin na inatasan na labanan ang graft at korupsiyon?

Marupok ba ang moral ng mga opisyal ng mga ahensiya laban sa alok na suhol, banta ng mga nasasakdal o kulang sila sa katapatan at integridad at propesyonalismo kaya talamak pa rin ang korapsiyon sa ating bansa?

O kulang o mahina ang parusa sa mga korap at mabagal ang pagbibigay-hustisya sa mga kasong katiwalian?

***

Hindi lamang natin dapat iasa sa gobyerno at sa mga ahensiya ang paglaban sa korapsiyon; tungkulin at trabaho ng mamamayan na makiisa laban sa korapsiyon.

Kailangan pang amyendahan at palakasin ang Anti-Money Laundering Act para mausig ang mga tiwali.

Kailangang baguhin natin ang pananaw sa bigat ng ipapataw na parusa sa mapatutunayang nagkasala ng korapsiyon.

Mas maraming Pilipino ang nais na patawan ng parusang kamatayan sa mga kurakot na opisyal ng pamahalaan.

At palakasin ang pagbibigay ng tulong at proteksiyon sa mga whistleblower o naglalantad ng korupsiyon na bukod sa mabigyan sila ng bahagi ng salaping kinukurakot ng mga opisyal bilang pabuya, mabigyan sila ng bagong identity, at bagong buhay.

***

Kulang na kulang tayo sa sa pagmamahal sa ating bansa kaya hindi tayo magkaroon ng pambansang disiplina.

Tulad na lamang ng batas laban sa di-maayos na pagtatapon ng basura na sanhi ng pagbaha at mga kalamidad.

Sa bahay ay umpisahan nating ipatupad ang segregation.

Sa bawat bahay ay gawing mandato na ihiwalay na ang mga nabubulok, di-nabubulok at nakalalasong basura.

Kung hindi mapaghiwalay ang mga basura ay multahan ang mga lalabag sa batas, tingnan kungdi maging malinis ang ating paligid.

Kasi nga, ang mga politiko natin ay tunay na naniniwalang “may pera nga sa basura” at ito naman ay totoo kaya sila ay nagsisiyaman katulad ng mga kontraktor nila, habang nilalason nila ang ating kapaligiran.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment