Walang tigil ang operasyon ng BoC kontra droga at ismagling

MABUTI na lang at palaging alerto ang mga “eagle-eyed na opisyal at tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.

Hindi makalusot-lusot sa pangunahing international airport ng bansa ang mga “air parcel” na naglalaman ng mga ipinagbabawal na gamot, lalo na ang shabu at ecstasy.

Noon lang nakaraang linggo ay nakasakote na naman ang mga tauhan ni District Collector Carmelita “Mimel” C. Manahan-Talusan ng apat na pakete na may lamang droga.

Ang air parcels ay may lamang 2,040 pirasong ecstasy tablets at 317 cartridges at 14 candies “with cannabis oil.” Lahat ito ay nagkakahalaga ng mahigit P3 milyon.

Ang mga pakete ay nakita sa Central Mail Exchange Center (CEMEC) sa Pasay City.

Ang mga pildoras na ecstasy ay galing France at consigned sa Pasay City, samantalang ang cartridges mula Estados Unidos ay naka-consigned sa Manila at Paranaque City.

Ang mga kontrabando ay nasa custody na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang law enforcement arm ng Dangerous Drugs Board.

Ayon sa rekord, sa taong ito ay nagkaroon na ng 36 drug busts ang BoC-NAIA kasama ang kanilang partner government agencies.

Ang mga nasakoteng ipinagbabawal na gamot sa BoC-NAIA, na kinabibilangan ng shabu at ecstasy tablets, ay nagkakahalaga ng mahigit P443.26 milyon.

Sa utos ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz ay lalong pinaigting ng mga taga-BoC ang kampanya laban sa ismagling alinsunod sa marching order ni President Marcos.

Kabilinbilinan ni Pangulong Marcos kay Commissioner Ruiz na labanan ang korapsyon, ismagling at iba bang katarantaduhan sa tinatawag na “graft-prone waterfront.”

Lalo na ang iligal na pagpasok sa bansa ng mga ipinagbabawal na droga at produktong agrikultura.

***

Babala sa mga may-ari ng mga bodega na ginagamit na imbakan ng mga puslit at pekeng produkto.

Sa tingin ng marami ay bilang na ang mga araw ninyo dahil hindi titigil ang gobyerno, sa pamamagitan ng Bureau of Customs (BoC), hangga’t ‘di kayo nahuhuli.

Noon lang Disyembre 15 ay nadiskubre ng mga operatiba ng Aduana sa isang inspeksyon ang isang bodega sa Imus, Cavite, na naglalaman ng mga pekeng apparel, appliances at general merchandise.

Ang mga miyembro ng “inspection team” ay armado ng isang “Letter of Authority” na inisyu ni BoC chief Yogi Filemon Ruiz. Ang team members ay galing ng CIIS-MICP at ESS-QRT.

Target ng inspeksyon ay ang Hong Yun Real Estate Group, Inc. sa M. Salud Rd., Alapan II-A, Imus.

Nakita sa warehouse ang bulto-bultong ready-to-wear garments na may tatak na Dickies, Mossimo, Benmch, Levi’s. Puma, Fila, Mickey Mouse at Hello Kitty.

May mga appliances at general merchandise din sa loob ng bodega.

Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng magandang koordinasyon ng BoC sa pulis at barangay officials.

Sinabi naman ni Intelligence Group Depcom Juvymax Uy, isang retiradong major general, na siniguro nilang ang LOA ay pinag-usapang mabuti kasama ang mga warehouse representative at security guard on duty.

***

Ilang araw na lang at matatapos na ang 2022.

Sa tingin ng marami, kasama na ang mga beteranong waterfront observer, ay isang “banner year” ang 2022 kung ang pag-uusapan ay ang revenue collection performance ng Bureau of Customs (BoC).

Nobyembre pa lang kasi ay na-itala na ng ahensya ang kanilang pinakamataas ng cash collection sa isang taon.

Siguradong lalampas ng mahigit P800 bilyon ang total na 2022 collection ngayong 2022.

At ito ay nagawa ng BOC sa panahon ni BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz, isang kilalang “drug buster” bago napunta sa BOC bilang top honcho ng ahensya.

Congrats, mga bossing diyan sa Aduana.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawagvo mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment