Walang tigil na hawahan!

 “GULONG-gulo” na ang ating mga kababayan hindi lang sa kalunsuran kundi maging sa kanayunan.

Malaki pa rin kasi ang problema sa kinatatakutang COVID-l9 pandemic na nagpabagsak sa ating ekonomiya.

Inaasahan ng mamamayan na dapat sana ay maapula na ang pagkalat ng COVID-19 dahil sa ipinatupad na ECQ at MECQ sa maraming lugar sa bansa.

Pero imbes na bumaba ang kaso, kahit marami na rin ang mga nabakunahan, lalo pa itong tumaas.

Sa katunayan noong nakaraang Biyernes ay naitala ang mahigit 22,000 na bagong kaso ng hawahan.

Pinakamataas mula nang magsimula ang pandemya noong nakaraang taon.

Ayon naman sa mga eksperto, baka daw sa kalagitnaan ng Setyembre bumaba na ang kaso ng COVID-19 sa bansa. Sana nga!

Hilo at pagod na ang mga tao sa patuloy na pag-lockdown sa ibat-ibang lugar.

Gutom at wala nang makain ang karamihan sa atin.

Hanggang kailan tayo magtitiis?

Maging ang mga ospital ay umaapaw na sa dami ng pasyente.

Bakit hindi natin gawin ang ginawa ng ibang bansa?

Tingnan natin ang India at Indonesia, patuloy na ang pagbaba ng hawahan.

Kailangang dagdagan at pabilisin ang pagbabakuna.

Lagi kong sinasabi sa pitak na ito na kailangang paigtingin pa ang pagbabakuna sa ‘NCR Plus Area’ dahil nandito ang sentro ng komersiyo at halos dito nanggagaling ang mga nanghahawa na umuuwi ng lalawigan.

Ang masakit, sa huling anunsiyo ni Vaccine Czar Carlito Galvez, mula daw ngayong Setyembre ay babawasan na ang supply ng bakuna sa Metro Manila at dadalhin na sa mga probinsiya.

Aray, ano mangyayari sa nga naiwang hindi pa nabakunahan sa Metro Manila at karatig na lalawigan?

Hindi ba malamang na sila ang manghawa sa mga naturukan na ng bakuna?

Pami-pamilya na ngayon ang hawahan.

Mag-isip-isip naman kayo!

Hangga’t hindi inaayos at pinag-iisipan ng husto ng pamahalaan, lalo na ng IATF ang kanilang nga dapat gawin, paikot-ikot lang ang problema natin kaugnay ng salot na COVID-19.

Walang tigil na hawahan!

***

Sampung buwan na lang si Pangulong Rody Duterte sa Malakanyang.

Kaya masasabi na nating mananatili ng hepe ng Bureau of Customs si dating AFP Chief of Staff Gen. Rey Leonardo Guerrero.

Kahit marami ang nagtangkang sirain si Guerrero sa mata ni PRRD, nanatili ang tiwala ng pangulo sa kanyang kakayahan.

Hindi pinansin ni Guerrero ang mga pinaggagawa ng mga gustong pumalit sa kanya.

Sa halip ay lalo niyang pinagbutihan ang ginagawa niya sa Aduana.

Kaya kahit may pandemya ay tuloy-tuloy ang magandang performance ng mga taga-BoC.

Sa katunayan sa nakalipas na pitong buwan ay lagpas sa target ang kolesiyon ng ahensiya.

At dahil nakikita ng kanyang mga tauhan ang kasipagan ni Comm. Jagger, inspirado din silang magtrabaho.

Mabuhay kayong lahat diyan sa Aduana!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email: tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment