KUNG kailangang “makipaggiyera” ang Bureau of Customs (BoC) laban sa mga ismagler at mga kasabwat nila sa masamang gawain sa loob ng Aduana, sinabi ni Commissioner Yogi Felimon Ruiz na handang-handa siya, at hindi siya papayag na mamayani ang katiwalian habang siya ang namumuno sa kawanihan.
Kasunod ng babalang ito, hinikayat ni komisyoner ang lahat ng opisyal at kawani sa BoC na ‘wag nang patukso sa alok ng malalaking halaga ng salapi at sa halip ay makipagtulungan upang mapalakas ang kampanya laban sa ismagling at iba pang katiwalian sa Aduana.
Sa mga hindi makikinig sa kanyang warning at paalaala, mariing sinabi ni Ruiz na “ibubuhos ko ang lahat ng aking magagawa upang ang mga lilihis sa tamang daan upang sila ay usigin at maparusahan nang naaayon sa ating batas.”
Kaugnay nito, inutusan ni Ruiz ang pamunuan ng Enforcement Group (EG) at Intelligence Group (IG) na mahigpit na bantayan 24/7 ang lahat ng kilos ng mga ismagler at mga kasabwat ng mga ito.
Tinagubilinan na rin ni Ruiz ang mga opisyales ng EG at IG na mahigpit na i-monitor, at ipatupad ang 24/7 surveillance sa lahat ng imported na produkto katulad ng mga mumurahin at kontaminadong pagkain at agri products, at iba pang kagamitang pambahay, mga laruan, mga pekeng branded item na inaasahang pilit na ipapasok sa bansa sa ilegal na paraan sa lahat ng airport at seaport ng bansa.
Karaniwan nang dumarami ang kontrabando tuwing sumasapit ang tinatawag na “ber months” mula Setyembre hanggang sa pagdiriwang ng kapaskuhan tuwing Disyembre.
Marami sa bulto ng ganitong uri ng kontrabando mula sa mga bansa sa Asya.
Sinasamantala ng mga ismagler ang pagiging abala ng lahat, sa paniniwalang hindi na gaanong papansinin ng mga taga-Customs ang mahinang kalidad na produktong pararatingin sa Pilipinas.
Pinababantayan ding mabuti ni Ruiz ang maraming pag-aangkat na paputok at iba pang kauring fireworks at tinagubilinan ang kanyang mga opisyal at kawani na maging mahigpit sa pagbabantay laban sa mga ismagler.
Pinaalalahanan din ng komiayoner ang lahat sa BoC na ‘wag patutukso sa alok ng malaking suhol, at sa halip ay dakpin at kasuhan ang mga mag-aalok ng malalaking halaga ng salapi para lang makapagpalusot ng kontrabando.
Naniniwala si Comm. Yogi na susunding mabuti ang kanyang mga paalaala at mga tagubilin ng maraming matitinong opisyal at kawani ng BoC.
“Kailangan nating ibalik ang buong tiwala ng taumbayan sa Customs, kaya kailangang pagsikapan at tulungang maiayos ang baluktot na gawain ng iilan sa ating mga kasama.
“Isa pong malaking sakripisyo ang maglingkod sa bayan, at hindi po dapat na gamitin ang ating mga tungkulin sa pansariling kapakanan, at ang lagi nating isipin, inaasahan tayo ng gobyerno upang paging magandang huwaran ng mga tunay na maglilingkod sa bayan,” pagwawakas ni Ruiz.
***
Kailangan nang baguhin ang polisiya ng bansa sa masyadong “pagkiling” sa China — na hindi naman “kaibigan” ang pagturing sa atin.
Tama na kaibiganin natin ang China, tulad ng ibang bansa, pero ang pagkakaibigan ay nakasalig sa katapatan at maayos na pagbibigayan.
Hindi natin ito nakikita sa kasalukuyang relasyong Pilipinas at China.
Ano-ano ang mga katibayan at katotohanan?
Hindi pagkilala ng China sa hatol ng Aribtration Panel sa Hague na atin nga ang mga Isla sa Spratly at iba pang isla na sakop ng ating economic zone.
Katunayan, hindi lamang iisa, kundi, pinararami pa ang mga instalasyong pandagat at military na itinayo sa mga pulo ng Spratly na ngayon ay labis na ikinababahala ng US at lumilikha ng malaking tensiyon sa kanila.
Tama ang posisyon na makipagkaibigan tayo sa China sa ngayon sapagkat tanggap natin ang katotohanan, hindi natin makakaya ang harapang makipagsagupa sa digmaan sa higanteng armas, militar at ekonomiya ng China — ngayon ay kinikilala ng buong mundo na isang superpower.
Maging ang US na may pinakamalakas na puwersang militar at sandatang nukleyar ay atubili at andap na makipagkomprontasyon sa komunistang China.
Lalo na wala tayong kakayahang banggain ang lakas militar ng China na ano ang makakaya nating isagupa sa barko de giyera nila laban sa ating bangkang papel?
Iyan ang masaklap na katotohanan.
Tama ba ang postura ng kasalukuyang administrasyon na maging “maingat muna at mahinahon tayo” sa pakikitungo sa China, ito ay sa kabila ng lantarang “panlalamang” nito sa ating kabutihang loob?
***
Kaya ba naririto ang maraming Tsino ay upang kumuha ng maraming national security information upang madali tayong masakop kung dumating ang pagkakataong gawin ito?
Bukod dito, bunga ng malaya at walang problemang pagpasok ng maraming Chinese sa bansa, hindi malayong ipalagay na marami sa kanila ay nakapagdala ng nakamamatay na COVID-19 at iba pang virus.
Hindi natin iminumungkahi na magpakita ng tapang laban sa China na hindi natin makakayang mapanindigan.
Ngunit mahalaga na magpakita tayo ng malakas na pagtutol at pagkondena sa hindi parehas na trato ng pagkakaibigang ibinibigay natin sa bansang Tsina.
Bakit ba kahit kiyaw at magtaas ng boses ay hindi natin makakayang magawa?
‘Wag nating ipakita na wala tayong buto at gulugod at bayag kontra China, period!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).