XIP nakapagdagdag ng P72.6-M koleksyon

MALAKI ang naitutulong ng mga scanning machine para mapabilis ang paglabas ng mga kargamento sa mga pantalan.

Sa totoo lang, numero unong sakit ng ulo ng mga ismagler ang mga X-Ray machine, lalo na ang mga nagpupuslit ng shabu at iba pang iligal na droga.

Marami na ang nakumpiskang droga dahil sa tulong ng X-Ray machine.

Ayon sa report ng Bureau of Customs-X-Ray Inspection Project (BoC-XIP), may 244,040 containers ang dumaan sa mga scanning units nito sa unang semestre ng taon.

Noong nakaraang taon, umabot lang ng 181,382 container vans ang dumaan sa mga X-ray machines mula Enero hanggang Hunyo.

Sa taong ito ang scanning operations ay nagresulta sa dagdag koleksyon na P72.6 milyong duties at taxes.

At bakit hindi, samantalang sumirit pala sa higit 135 porsiyento ang kapasidad ngayon ng XIP sa pagbusisi sa mga kargamento.

Ayon pa sa BoC, ang ”modernization of the scanning technology in the ports will not only improve border security and trade facilitation.”

Itataas pa nito ang buong “port operation’s resiliency and adaptability in times of operational disruption.”

Congrats sa mga taga-BoC-XIP “for a job well done.”

***

Mabuti na lang at alerto  ang mga taga-Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) .

Marami na naman sanang buhay ang masisira kung nakalusot ang may 13,824 ecstasy tablets.

Nagkakahalaga ng P23.5 milyon, ang mga “party drugs” ay galing ng Netherlands at Belgium.

Nakapaloob ang mga droga sa pitong pakete na natagpuan sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.

Ang shipment ay idineklarang naglalaman ng “coffee beans.”

Ang mga tableta ay nakatago sa mga laruan at wrapper ng coffee beans.

Dahil sa pagkakasakote ng mga ecstasy, inaasahang lalong pagbubutihin ng BoC-NAIA ang pagbusisi sa mga pakete galing sa labas ng bansa.

Isinalin na ng BoC sa pag-iingat ng PDEA ang mga “party drugs” para sa dagdag na profiling.

Determinado ang BoC, sa pamumuno ni Commissiöner Rey Leonardo Guerrero, at PDEA Chief Wilkins M. Villanueva, na pigilan ang pagpasok ng mga iligal na droga sa bansa.

Sa tingin ng marami mahirap ngayong ilusot ang mga kontrabando sa mga port of entry.

Nandyan ang mga “eagle-eyed” na taga-BoC, X-Ray machines at sniffing dogs.

****

Sobra talaga ang bagsik ng Covid-19.

Ilang prominenteng lider na ang nasawi dahil sa sakit na ito.

Ang pinakahuling kilalang mga tao na nagbuwis ng buhay ay sina dating Comelec Chairman Sixto Brillantes at dating Manila Mayor Alfredo S. Lim.

Ang mga kaanak nga ni Mayor Lim ay nagtataka kung paano nahawa ang dating mayor, senador, heneral, miyembro ng Gabinete at direktor ng National Bureau of Investigation.

Hindi nga raw lumalabas ng bahay at physically fit si Mayor Fred Lim bago dinapuan ng Covid-19.

Kaya tama ang gobyerno sa patuloy na pag-implement ng ibat-ibang quarantine protocols.

Ang problema lang ay talagang sakal na sakal ang ating ekonomiya.

Hindi makaporma ang mga negosyante at maging ang mga ordinaryong tao.

Hindi na alam ng gobyerno kung saan kukuha ng perang pang-ayuda sa mga mahihirap.

Ang masakit pa, may mga tao pang may ganang manloko sa taumbayan at bansa.

Nakakalungkot naman!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430-email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buing pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment