‘Yang anak ng Jueteng!

ILANG presidente na ba, ilang hepe ng Philippine National Police (PNP) na ba ang nagretiro at naglunsad ng “all-out” war laban sa jueteng (illegal numbers game), may nangyari ba?

May isisilang na bagong Archbishop Oscar Cruz, kilalang anti-gambling crusader (sumalangit, nawa) pero, mananatili ang iligal na sugal, ang jueteng, masiao, saklang patay, bookies, ending at kung ano-ano pang sugal.

Si Jesus nga habang naghihingalo sa pagkapako sa krus, pinagsusugalan ng mga sundalong Romano ang kanyang damit at mga gamit, ayon sa Bibliya.

Ang tiyak: kahit ano pang krusada ang ilunsad laban sa illegal numbers game, pakunwaring kampanya lamang ang mangyayari at ibabalik ito nang mas malakas at buhay na buhay pa.

Dangan nga kasi, “laro” at “pampalipas oras” ng masa ang jueteng at iba pang ganitong uri ng sugal.

Bakit anila, kapag larong pangmayaman, ligal tulad ng government controlled Casino Filipino at iba pang larong may prangkisa ng Pagcor. Saan nga naman huhugot ng high standard of morality ang gobyerno (at maging ang Simbahan na tumatanggap ng perang abuloy mula sa Pagcor at Sweepstakes) kung ito mismo ang promotor ng sugal?

Kung okey nga naman ang sugal ng Pagcor, bakit ipagbabawal ang larong kalsada at perang barya-barya at pinagkukuhanan ng maraming hanapbuhay ng mga Juang-isang-kahig-isang-tuka?

Buwisan ang mga ilegal na sugal sa pamamagitan ng pagsasalegal dito. Kaysa kumapal ang bulsa ng mga nasa lokal na pamahalaan at pulisya.

Ang problema ay ayaw mismo ng mga nasa Kongreso, mga hepe ng pulisya, mga gobernador, mayor at lokal na opisyal na mawala ang jueteng at mga katulad nito na larong hampaslupa.

Saan kukuhanin ng mga lokal na opisyal ang mga gastusing hinihingi ng kanyang constituents na wala naman sa badyet?

May nanghingi ng gamot, abuloy sa patay, pamasahe, atbp.. at ano ang itutustos ni Hepe sa kanyang “extra-curricular activities”?

Kayo kaya ang lapitan ng maraming tao araw-araw na umaasang matutulungan sila sa kanilang pinansyal na pangangailangan? At kapag hindi mo napagbigyan ay masama ka nang pinuno? Dapat nang gawing legal ang jueteng at mga katulad ng illegal numbers game.

Isang malaking kaipokritohan ang pagsasabing kaya itong patayin o dahil sa magagawa ito kung may political will ang nasa pamahalaan.

Ang totoo’y walang political will ang lahat sapagkat bilyon-bilyong piso ang pakinabang mula sa “larong hampaslupa” at sabi nga ng isang kritiko, “kahit pa bumaba sa lupa si Kristo, mananatili ang sugal.”

Katunayan sa sabong at tupada, hindi ba “Kristo” (dahil nakadipa) ang tawag sa tagabato at tagasalo ng pusta sa mga sasabunging manok? Lahat tayo ay anak ng jueteng.

Si Gat Jose Rizal, ang ating dakilang bayani, noon ay nanalo ng malaking halaga sa jueteng noong ito ay “destiero” sa Dapitan at ang perang napanalunan ay itinustos niya sa kanyang libreng panggagamot sa mga kababayang mahihirap.

Gawing legal ang jueteng at iba pang ilegal na sugal. Itigil na ang pagiging ipokrito nating mga Pilipino!

***

Sa mga taga-Maynila, dapat nating tanggapin ang katotohanan: Manila is the gateway to the Philippines, Manila is the face and image of the Philippines, the Pearl of the Orient.

At banal na tungkulin natin na mga taga-Maynila na pangalagaan, panatilihin  ang marangal na pagkakilala sa Maynila; dapat nating bigyang paggalang ang Maynila, tulad ng paggalang na iginagawad ng ibang bansa sa siyudad.

***

Uulitin ng pitak na ito ang mga tanong: Bakit may mga tao na gumagawa ng paraan upang sila ay mai-apoint sa matataas na tungkulin sa “makakatas na puwesto sa maraming ahensya ng pamahalaan”?

Bakit nagpapatayan ang kahit magkakapatid, magkakamag-anak at matatalik na magkaibigan sa pag-aagawan sa puwesto sa pamahalaan?

Maliwanag na maliwanag ang katotohanan: Negosyo at walang tigil na kalayawan at bisyo ang talagang pakay nila na kunwari ay paglilingkod sa gobyerno.

Ngunit ang nakapagtataka’y iilan lamang ang mga taong ganito kagahaman sa kapangyarihan at milyon-milyon ang matatapat na opisyal at mga kawani sa pamahalaan.

Bakit nagagawa ng iilan na ito na manatili sa kapangyarihan at pagsasamantala sa salapi ng bayan?

***

Kung talagang seryoso ang sinumang nanunungkulan sa gobyerno sa kasalukuyan ay panahon na po marahil na magwalis-walis ang mga ito sa loob at labas ng kanilang tahanan.

Iyon po ang nakikitang solusyon ng inyong abang lingkod para magkaroon ng tahimik na kalooban si Juan Dela Cruz, ang mailagay sa basurahan at maitapon at masunog ang mga basura ng pamahalaan.

Graft and corruption, pandarambong, pang-aabuso sa poder, kapabayaan at kainutilan sa serbisyo publiko at marami pang iba — ang mga ito po ang mga problema.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment