Yorme Isko: May awa ang Diyos, mananalo tayo!

SIMPLE, direkta, maliwanag ang mensahe sa taumbayan ang talumpating binigkas ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa kanyang State of the City Address (SOCA) nitong Hulyo 15, 2021.

Madarama ang kanyang sinseridad, wala nang patumpik-tumpik pa, sabi nga at inilahad ang naging tugon at solusyon ng pamahalaang lungsod sa dinaranas na krisis sa kabuhayan, kalusugan at buhay na dinala ng pandemyang COVID-19 sa buhay ng mamamayang Manilenyo.

Agad- agad sa loob lamang ng 52-araw ipinatayo ng alkalde ang isang COVID-19 field hospital na tumanggap ng mga pasyente nitong Hunyo at kasunod, upang mabilis na ma-testing ang mga hinihinalang tinamaan ng nakamamatay na virus; itinayo sa siyudad ang isang  molecular testing laboratory, at isang coronavirus vaccine storage facility sa Sta. Ana Hospital.

Mabilis na aksiyon para makasagip ng buhay at mabigyan ng serbisyong kalusugan ang kailangan ng mga Batang Maynila, kaya iyon agad ang ginawa ni Yorme Isko.

Ganyan ang dapat sa isang lider, mabilis mag-isip ng solusyon at mabilis ding umaksiyon para sa kapakanan ng mamamayan.

Salamat sa mabilis ding kilos ng City Council sa pamumuno ni Vice Mayor Dra. Honey Lacuna-Pangan na inaprubahan ang pondo sa pagbili ng 400,000 bakunang Sinovac mula sa China nitong Hunyo.

Pagdating na pagdating ng Sinovac, sa loob lamang ng apat na araw, nakapagbakuna ang Manila Health Office ng 200,000 unang doses sa maraming Batang Maynila.

Nandiyan na ang bakuna, bakit patatagalin pa; iturok na agad laban sa COVID-19.

“Hindi natin pinatagal sa storage facility, dahil hindi ito tutubong parang kabute,” sabi ni Yorme Isko.

Bakuna ang magliligtas sa buhay; hindi politika, ibig sabihin ng makisig na alkalde.

***

Hindi na kailangan pa ni Yorme Isko na hintayin ang gobyerno para sa ayuda; agad na kumilos siya upang hatiran ng ayudang salapi at pagkain ang mga barangay, lalo na ang lugar ng maraming maralitang Batang Maynila.

Pagkain sa mesa ang mahalaga, kaya iyon agad ang inisip at ginawa ni Isko.

Pondo para sa seniors, agad na inasikaso; tulong sa edukasyon, agad na may aksiyon; at, agad na nagkaloob ang pamahalaang lungsod ng 229 townhouse-style units sa kapos-palad na residente sa Tondo nito lang Hulyo.

Ipinamamadali ni Mayor Isko ang tatlong vertical housing projects – Tondominium 1, Tondominium 2, at Binondominium – para makumpleto at matapos sa katapusan ng Enero 2022.

Pangarap niya, noon pa, sabi ng alkalde na mawala na ang mga iskwater sa Maynila, at itong mga proyektong ito ang sagot sa problemang ito.

Naisip ni Mayor Isko, nagawang mabura ng Singapore ang iskwater, sisikapin din niyang magawa iyon sa Maynila.

“Mawawala na rin ang iskwater sa Maynila pagdating ng panahon,” sabi ni Yorme Isko na nagkaisip sa marumi at malangaw na lugar iskwater sa Tondo.

***

Kinailangang maging basurero siya noon para may makain, at nakaangat lamang sa buhay nang suwerteng maging artista sa telebisyon at pelikula at palarin sa politika.

Ngayon ay malaking tanong kung ano ang balak niya sa 2022: muli ba siyang tatakbo para sa ikalawang termino, o sundin ang malakas na panawagang siya ay tumakbong presidente?

Batay kasi sa maraming survey at paniniwala ng maraming political analyst, malinaw na ang magandang accomplishment niya sa Maynila ay magtutulak sa maraming botante na iboto siya sa panguluhan kung maisipan niyang tumakbo sa 2022 presidential elections.

Wala pang pormal na sagot si Mayor Isko sa eleksyon 2022, pero maliwanag ang kanyang mensahe sa publiko.

“Magsama-sama tayong lahat, … may awa ang Diyos. Mananalo tayo. Mananalo tayo.”

Tama si Mayor Isko: Lahat ay dapat iasa sa Diyos.

Kung Diyos ang kasama mo sa laban, paano nga matatalo?

***

Sinasadya ba ng pagkakataon: mismong araw ng huling SONA, noong Lunes, Hulyo 26, ni Pang. Duterte, sinungkit ni Hidilyn Diaz ang unang opisyal na Olympic gold medal ng Filipinas na matagal nating hinintay sa loob ng 97 na taon.

Sa pagkapanalo, unang sinabi ni Hidilyn, “Utang ko ang lahat sa ating Diyos! Siya ang nagbigay sa akin ng tatag, tapang at lakas!”

Kung wala ang biyayang tapang at lakas mula sa Diyos, walang ,maiuuwing Gintong Medalya si Hidilyn na ngayon ay isang malaking karangalan ng ating bansa at ng buong mamamayang Filipino.

Sa unang pagkakataon, tinugtog sa Tokyo Olympics 2020 ang ating Pambansang Awit.

Hindi na mabubura sa kasaysayan ang malaking tagumpay na ito ni Ms. Diaz sa kumpetisyong weight lifting sa Olimpiyada.

Hidilyn Diaz, isa ka nang kasaysayan ng bansa!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment