MAGANDANG balita, mga suki at mga botante ng Maynila: “Sure” na, wala nang atrasan pa ang muling pagbabalik ng totoong serbisyong Manilenyo sa 2025.
‘Yung kabilang kampo, mahihirapang makaulit ng termino sa Cityhall, ang dami kasing bagahe, kumbaga, walang maipagmamalaking serbisyo na kukumbinsi sa Manila voters na iboto uli sila.
Dagdag pa, galit ang lahat ng SK sa buong bansa, sa pagsibak sa chairmanship ni Manila ex-Officio Councilor SK Federation Juliana Rae ‘Yanyan’ Ibay, kaya paano mamahalin ang kabilang kampo na walang maipagmamalaking achievements?
Ano pala ang good news? ‘Yung anak ni Yorme Isko na si Joaquin, at dating STAR columnist at very popular vlogger, Mocha Uson, ay tatakbong mga konsehal ng Maynila!
At eto ang kanilang tiket — dating PBA player Bong “Mr. Excitement” Alvarez, actor-comedian at Manila District 6 Councilor Luciano “Lou” Veloso. Ang TV host na si Lei ‘Chi’ Atienza-Valdepeñas— anak ni ex-mayor Lito Atienza at kapatid ni Ali Atienza — ang vice mayor naman ni Yorme Isko.
Sa iba pang mga konsehales sa tiket ni Yorme ay pawang mga ‘incumbent’– District 1 Councilors Irma Alfonso-Juson; Jesus Fajardo Jr.; at, Erick Ian Nieva;
Councilor Darwin Sia, District 2; Councilor Timothy Oliver Zarcal, District 3;
Councilors Don Juan Bagatsing at Louise Marie Quintos-Tan, District 4; Councilors Roberto ‘Bobby’ Espiritu II, Jaybee Hizon at Raymundo ‘Mon’ Yupangco, District 5; at, Councilors Veloso at Elmer Par, District 6.
Iba pang tatakbong konsehal sa ilalim ng Aksyon Demokratiko –Bobby Hernane, at retired police Lieutenant Colonel Rosalino “Jhun” Ibay Jr. (Dist.1) Nico Evangelista, Rommel Miranda, Robbie Ong, Bolong Sy, at Edward Tan, (Dist. 2);
Chris Tagle, at Johnny “Rolin J” dela Cruz (Dist. 3); Kuya Francis “Dok” Almiron, Romeo Bagay, Eunice Castro, at Rino Tolentino (Dist. 4); Che Borromeo, Tol Mac Ignacio, at Zeb Laureano (Dist. 5);
Voltaire Castañeda, Kid Marasigan, Doc Mercado, at Christian Uy (Dist. 6).
Mga kandidatong kongresista ng Aksiyon Demokratiko — Carlo Lopez, Dist. 2; incumbent Councilor Joel “JTV” Villanueva, Dist. 4; former Congressman Amado Bagatsing, Dist. 5, at incumbent Councilor Luis ‘Joey’ Uy, District 6.
***
Sa tanong bakit babalik pa sa Maynila si Yorme, pwede naman sa Senado siya tumakbo?
Kasi, pinabayaan ng kabilang kampo ang Maynila, sabi nga ni Yorme Isko, “Hindi nila kinalinga, hindi nila minahal ang pinakamamahal po nating mamamayan ng Maynila.”
Maraming lumalapit kay Isko, dumadaing, nagsusumbong, nakikiusap, bumalik na siya sa Maynila, nawalan kasi ang Manilenyo ng “Ama” at ang humalili na dapat ay mabuting “Nanay” ay walang naipakitang malasakit.
Sa isang interbyu, sinabi ni Yorme Isko, narinig niya ang daing, ang maraming reklamo ng Manilenyo, at sino siya upang tumanggi na bumalik, lalo na at ang kahilingang muli siyang mag-mayor ay mula sa mahihirap na sektor ng lungsod.
Alam niya ang maging mahirap, alam niya ang hinanakit, ang mga problemang minu-minuto ay parang punyal na sumasaksak sa puso ng mga Manilenyong kapos na sa materyal na bagay, wala pang nararamdamang pagmamahal sa kanilang “Ina” ng Maynila.
Puro paninira lamang ang binabanggit ng kabilang kampo laban kay Yorme, kesyo wala raw itong palabra de honor, na si Isko ay “trapo.”
Yung wala isang salita si Yorme Kois, meron nga, at ito ang sabi niya: kung ang (dating) kapartido ay di nakatupad sa mga pangakong tulong at pagbabago sa Manilenyo, dun natatapos ang pagiging magkaibiĝan, magkapatid nila sa politika.
“Ang katapatan ko ay hindi sa kasama sa politika; sa tao, sa Manilenyo ang katapatan ko, sa kanila lamang ako maglilingkod, hindi sa politiko,” sabi ni Yorme Isko Moreno.
At ano kung magalit ang mga dating kapartido, eh ang kakampi naman niya ay ang tao — ang taong napagkaitan ng kalinga at pagmamahal ng ngayon ay mga nakaupo sa Cityhall.
Sa pagbabalik ni Yorme Isko sa Cityhall — at sigurado ito sa 2025 — maglilinis uli siya, muli, pababanguhin niya ang Maynila at ibabalik ang matinong serbisyo at ibayong kalidad ng maalwan, masaya at maningning na buhay ng Manilenyo.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).