NAUWI sa trahedya at kasamang naglaho ang ambisyon ng isang alkalde na maging susunod na pangulo ng bansa matapos magpakamatay dahil sa reklamo ng ‘sexual harassment.’
Sa mga lumabas na ulat ng foreign media, sa isang mapunong lugar ng isang public park sa Seoul, kapitolyo ng South Korea, natagpuan ang bangkay ni Seoul mayor, Park Won-soon, 64, noong Biyernes, Hulyo 10, 2020.
Natagpuan din ang isang suicide note sa kanyang katawan kung saan humihingi ito ng paumanhin sa lahat. Bagaman, hindi niya binanggit ang akusasyon laban sa kanya.
Isang araw bago ito, naeskandalo ang buong South Korea matapos lumabas ang isang dating sekretarya ni Park upang magreklamo sa pulis.
Ibinulgar ng hindi pinangalanang sekretarya na higit 4 taon na siyang ‘hinaharass’ ng kanyang boss.
Si Park ay kasapi ng dominanteng Democratic Party na pinamumunuan ni Pang. Moon Jae-in.
Bilang mayor ng Seoul, itinuturing na ‘second most powerful man’ sa buong bansa si Park, kasunod ni Pang. Moon.
Una nahalal na alkalde ng Seoul si Park noong 2011 at muling nahalal ng dalawa pang beses.
Siya ang “minamanok” ng kanyang partido kapalit ni Pang. Moon sa halalan sa 2022.
Sa isang masaklap na dagok ng kapalaran, sumikat at nakilala si Park bilang tagapagtanggol ng karapatang pantao at sa pagtatanggol sa karapatan ng mga kababaihan katulad ng kampanya laban sa sexual harassment.
Inilibing si Park noong Lunes, Hulyo 13, 2020, sa isang state funeral kung saan hati ang emosyon ng mga Koreano dahil sa eskandalo at sa kanyang mga nagawa bilang alkalde ng Seoul.