KINASUHAN sa Estados Unidos ang ‘Pambansang Kamao’ na si Sen. Manny Pacquiao dahil umano sa ‘breach of contract’ o paglabag sa kontrata kung saan ipinapatigil din ang kanyang napipintong laban kay WBC (World Boxing Council) at IBF (International Boxing Federation) welterweight champion, Errol Spence, sa darating na Agosto 21, 2021.
Sa mga ulat ng mainstream media, ipinasosoli rin ng ‘Paradigm Sports’ ang halagang $3.3 milyon (higit P160 milyon) na umano’y naibigay na ng kumpanya kay Pacquiao bilang ‘advance payment.’
Nabatid na noong Pebrero 2020, matapos ang kanyang matagumpay na pakikipagbangasan ng mukha kay Keith Thurman kung saan nakuha ni Pacman ang korona nito bilang WBA (World Boxing Association) welterweight champion, pumirma umano ang ‘fighting senator’ ng ‘Pinas sa Paradigm Sports bilang promoter ng susunod nitong laban.
Wala namang nangyaring ano mang sagupaan sa mundo ng boxing noong isang taon dahil sa pandemya ng COVID-19.
Ayon pa rin sa mga ulat, inaayos na ng Paradigm Sports ang pakikipagsagupa ni Paquiao kay dating WBO (World Boxing Organization) welterweight champion, Mikey Garcia, subalit nagulat umano sila na “kausap” din pala umano ng kampo ni Pacquiao si Al Haymoon ng ‘Premier Boxing Champions’ na siya namang nag-ayos sa sagupaan nila ni Spence.
“Just when Paradigm was at the cusp of establishing itself as a major player in professional boxing, Pacquiao has left its reputation as a boxing representative in tatters” (kung kailan malapit nang mailagay ng Paradigm ang reputasyon nito bilang isang malaking pangalan sa boxing, iniwan na lang ito at sukat ni Pacquiao),” pahayag ng abogado ng Paradigm Sports na si Judd Burnstein. “Nalugi” at nasira rin umano ang kanilang reputasyon dahil sa ginawa ng mambabatas.
‘Tuloy ang laban!’
Sa pahayag naman sa mainstream media ng kampo ni Pacquiao nitong Hunyo 28, 2021, sinabi ng 8-division world champion na “tuloy” ang kanyang laban kay Spence.
Ayon pa sa pahayag, nakahanda si Pacquiao na harapin sa korte ang inihaing asunto laban sa kanya kung saan maghahain din sila ng kontra-demanda at hihingi ng danyos kung kailangan.
Ang sagupaang ‘Spence-Pacquiao’ ang pinamalaking balita ngayon sa buong mundo ng palakasan, partikular sa boxing. Gaganapin ang bakbakan sa Las Vegas.
Tuloy-tuloy naman ang ensayo ni Pacquiao sa kanyang sariling gym sa General Santos City, bago tutulak sa Estados Unidos upang doon tapusin ang kanyang training.