Banner Before Header

Antipolo judge “binaston” ng SC

Topacio sa IBP: ‘Magsalita naman kayo!’

1,176
PINARUSAHAN ng Korte Suprema ang isang huwes sa Antipolo City, Rizal, sa pamamagitan ng multang P201,000 matapos “tulugan” ang isang petition sa kanyang sala na tumagal ng higit 7-taon.

Sa pahayag ng SC nitong Nobyembre 5, pinatawan bilang parusa si Branch 99, Antipolo RTC Judge Miguel Asuncion ng nasabing halaga sa kasong sobrang pagiging pabaya sa kanyang tungkulin (‘gross neglect of duty’).

Sa ponente ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting batay sa naging imbestigasyon ng ‘Judicial Integrity Board’ (JIB), kinatigan ng SC en banc ang reklamong isinampa ni Rolly Castillo, may-ari ng isang puwesto sa Cubao, Quezon City (stall owner) at kanyang mga kasamahan laban kay Asuncion.

Noong Abril 2016, naghain ng petisyon sina Castillo sa sala ni Asuncion na pansamantalang bawalan ang Princeville Construction and Development Corporation na paalisin sila sa kanilang mga puwesto sa New Cubao Central Market sa Cainta (petition for preliminary injunction na mas kilala bilang ‘TRO,’ temporary restraining order).

Bagaman naisampa noong Abril 2016, “natulog” lang sa sala ni Asuncion ang nasabing petisyon, dahilan upang pormal nang magreklamo sa SC sina Castillo noong 2021.

Umabot pa ng Abril 11, 2023, dalawang taon matapos siyang ireklamo sa SC, bago inaksyunan ni Asuncion ang petisyon. Hindi naman binanggit sa pahayag ng SC kung pinaburan o ibinasura ni Asuncion ang petisyon.

Hindi tinanggap ng SC ang katwiran ni Asuncion na sinisi pa sina Castillo sa kanilang pagsasampa ng sunod-sunod na apela sa kanyang korte upang mapabilis ang proseso. Aniya, naging sagabal pa nga ang mga petisyon  nina Castillo, dahilan upang lalo pang magtagal ang usapin.

Hindi rin tinanggap ng SC ang katwiran ni Asuncion na itinuro ang pagsabog ng COVID pandemic noong 2020 at 2021 at mga dagdag niyang trabaho matapos gawing ‘special court’ ang kanyang korte at maitalagang ‘Executive Judge’ ng Antipolo RTC.

Paalala ng SC, tungkulin ng mga korte na aksyunan ang mga petisyon sa loob ng 3-buwan, batay sa itinatalaga ng Saligang Batas at mga inilabas na regulasyon ng SC. Anang SC, walang paliwanag (inexcusable) ang ginawa ni Asuncion.

IBP pinagsasalita ni Topacio

Samantala, kinantiyawan ni Atty. Ferdinand Topacio ang ‘Integrated Bar of the Philippines’ (IBP) sa patuloy na pananahimik nito sa ginagawang pag-alipusta ng mga mambabatas sa mga abogado ng mga iniimbestigahana sa pagdinig ng ‘House Quadcomm’ at ng Senado.

Atty. Ferdie Topacio (photo courtesy of Kamuning Bakery Media Forum).

Sa 2-pahinang liham nitong Oktubre 23 kay IBP President/Board Chairman Antonio Pido, ipinunto ni Topacio ang umano’y paulit-ulit na panlilibak (‘shower with scorn’) ni Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez sa kanya at mga abogado ni Cassandra Li Ong, sa ginanap na pagdinig noong Setyembre 4.

Si Ong ay isa sa mga iniibestigahan ng Quadcomm hinggil sa isyu ng POGO.

Ayon kay Fernandez, hindi na dapat magtiwala si Ong kina Topacio dahil pinatatagal lang umano ng mga ito ang kanyang kaso upang “gatasan” siya ng pera (‘milking her for more money’).

Sa sumunod na pagdinig noong Setyembre 12, muli aniyang hinamak ni Fernandez ang mga abogado sa pagsasabing hindi na kailangan ngayon ng kanilang serbisyo dahil mayroon nang ‘Google’ at Internet.

Hindi rin siya aniya pinayagan ni Quadcomm overall chairman, Rep. Robert Ace Barbers, na makalapit kay Ong upang mabigyan ito ng ligal na payo sa kanyang mga karapatan.

Ganito rin aniya ang sitwasyon sa Senado kung saan nagtulong aniya sina Sen. Joel Villanueva at Sen Risa Hontiveros na palaging binabantaan ang mga abogado ni Ong.

Ipinaalala rin ni Topacio na “busabos” ang naging pagtrato (‘shabby treatment’) ng Quadcomm kay dating presidential spokesman, Atty. Harry Roque, na inisyuhan pa ng arrest warrant ng komite.

Himutok ni Topacio, sa lahat ng mga nabanggit na insidente, isang “nakabibinging katahimikan” (‘deafening silence’) ang naging tugon ng IBP.

Aniya pa, ang patuloy na pananahimik ng IBP sa pang-aabuso ng mga mambabatas ay nagpapatibay sa hinala ng ilang miyembro ng kanilang samahan na isa na lang ‘Old Boys Club’ ang IBP at mainam na lang para sa mga parangal (‘testimonials’) at Christmas party.

Comments are closed.