Banner Before Header

Isko Moreno, “walang talo” sa Maynila

Mayor Lacuna, puwede nang ‘mag-empake’ sa City Hall

4,041
HINDI na mapipigilan ang muling pagbabalik ni Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso bilang alkalde ng Maynila, batay sa resulta ng mga lumabas nang mga ‘survey.’

Sa mga resulta, dapat nang mag-empake sa Manila City Hall ang kampo ni Mayor Honey Lacuna Pangan at magsiuwi na lang sa kanilang mga bahay ang iba pang mga kandidatong alkalde sa lungsod, kung ngayon gaganapin ang halalan matapos lumabas na hindi matatalo si Moreno.

Sa opisyal na listahan ng Commission on Elections (COMELEC), labing-isa ang kandidatong nakahandang maglingkod bilang alkalde ng Maynila, bukod kina Lacuna at Moreno.

Ang iba pang mga kandidato ay sina: Raymond Bagatsing, Jerry Sindo Garcia, Alvin Karingal, Sam Verzosa, Jopor Ocampo, Enrico Reyes, Michael Say, Mahra Tamondong, at Ervin Tan.

Samantala, pito ang kandidatong bise-alkalde na kinabibilangan nina:

Incumbent Vice Mayor Marvin “Yul Servo” Nieto (ka-tandem ni Lacuna); Chi Atienza (ka-tandem ni Moreno), Niño Anthony Magno (ka-tandem ni Versoza); Pablo ‘Chikee’ Ocampo (ka-tandem ni Bagatsing); Remy Oyales (ka-tandem ni Tamondong); Arvin Reyes (para sa grupong ‘Independent’); at Solomon Say (ka-tandem ng kanyang amang si Michael).

Agad umarangkada si Moreno sa inilabas na survey ng ‘Octa Research’ noong Hulyo kung saan humamig siya ng 86 porsiyento, kumpara sa 8 porsiyento lang ni Lacuna.

Sa survey pa rin ng OCTA na isinagawa sa pagitan ng Hulyo 8 at Hulyo 10, wala ring pag-asang talunin ni Lacuna si Moreno sa 6-distrito ng Maynila sakaling sila lang ang maglaban sa darating na halalan.

Sa resulta, iboboto si Moreno nang:

90 porsiyento sa District 1, kumpara sa 9 porsiyento kay Lacuna; 89 porsiyento kunpara sa 5 porsiyento sa District 2; 91 porsiyento kumpara sa 7 porsiyento sa District 3;

85 porsiyento kumpara sa 6 porsiyento sa District 4; 73 porsiyento laban sa 13 porsiyento sa District 5; at, 91 porsiyento laban sa 4 porsiyento sa District 6.

Sa inilabas namang resulta ng ‘Laylo Report’ nitong Oktubre, nakakuha lang ng higit 13 porsiyentong suporta si Lacuna kumpara sa 83 porsiyento na pabor kay Moreno. Nasa malayong 3.7 porsiyento naman si Versoza, na isa ring ‘celebrity’ katulad ni Moreno.

Sa isa pang bukod na survey noong Oktubre batay naman sa suporta ng mga kandidato sa 6-distrito ng Maynila, “nag-aagawan” sa ikalawang posisyon sina Lacuna at Versoza sa kanilang nakuhang 26 porsiyento at 25.4 porsiyento, ayon sa pagkakasunod, malayo sa 40 porsiyentong suporta ni Moreno.

Nasa malayong pang-apat na posisyon si Bagatsing (Partido Federal) sa suportang 6.6 porsiyento at nasa dulo naman si Tamondong ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) sa suportang 2 porsiyento.

Sa lumabas namang survey sa mismong hanay ng mga kawani sa Manila City Hall, napansin ang hindi magandang estilo ng liderato ni Lacuna matapos lumabas na kulelat sa pagtatangi ng mga kawani ng lungsod.

Sa survey na ginanap noong Oktubre 14 hanggang Oktubre 18, tinalo pa ni Verzosa si Lacuna sa suportang 6.1 porsiyento, kumpara sa 2 porsiyentong nakuha ni Lacuna.

Samantala, 83.9 porsiyento ng mga kawani ng City Hall ang naghihintay na sa pagbabalik ni Moreno, kandidato ngayon ng ‘Aksyon Demokratiko,’ habang 8 porsiyento naman sa mga tinanong ang patuloy na ‘sampid bakod’ (‘undecided’).

Matapos ang isang termino bilang mayor matapos ang 2019 ‘midterm election,’ nagdesisyon si Moreno na tumakbong presidente noong 2022 subalit natalo kay Pang. Ferdinand ‘BBM” Marcos Jr.

Nanalo naman si Lacuna bilang unang babaeng alkalde ng Maynila noon ding 2019 dahil sa pag-endorso sa kanya ni Moreno. Si Lacuna ang ka-tandem ni Moreno sa halalan noong 2019.

Batay pa rin sa mga resulta ng survey, walang epekto sa tsansang manalo ni Lacuna ang kanyang desisyon na sumapi sa ‘Lakas-CMD’ ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez upang mapalapit sa administrasyon.

Katulad din sa resulta noong 2019, inaasahang maisasama ni Moreno sa panalo ang kanyang ka-tandem na si Chi Atienza na mayroon din namang sariling balon ng suporta sa lungsod.

Si Chi ay anak ni dating Manila mayor Lito Atienza at nakababatang kapatid ni dating konsehal Ali Atienza.

Comments are closed.