HINDI umubra ang “angas” ng isang ‘appointee’ ni Pang. Rody Duterte matapos mabisto sa ginawang “pamboboso” sa loob ng eroplano na biyaheng Cebu gamit ang kanyang cellphone at bigyan ng mag-asawang sampal, err, masampahan ng kaso, sa piskalya ng Pasay.
Nag-ugat ang reklamo sa isang insidente noong Pebrero 12, 2024 sa isang PAL flight patungong Mactan Cebu International Airport (MCIA) at isinampa naman ang reklamo sa piskalya nitong Marso 19.
Sa salaysay ng biktima, na lingid sa kaalaman ng suspek ay isa rin palang abogado at mula rin sa isang prominenteng pamilya sa Cebu, nakatayo umano siya malapit sa kanyang silya dahil nag-aayos ng bagahe ang pasahero sa kanyang unahan ng mapansin niya ang kakaibang posisyon ng cellphone ni “Mr. Malibog.”
Aniya, napansin niyang nakapatong ang cellphone sa gilid ng upuan malapit sa ‘aisle’ at mistulang kinukunan ang loob ng kanyang suot na palda, pati na ang katabi niyang flight stewardess.
At dahil nananalaytay kay ‘Lady Lawyer’ ang dugo ni Gabriela Silang, agad nitong sinita ang “bigatin” (dahil mataba, ehek, mabilog ang pangangatawan) na appointee ni PDU30 na katulad ng dapat asahan ay todo naman ang pagtanggi sa kanyang ginawa.
‘Yun nga lang, dear readers, kung inakala nitong kapita-pitagang opisyal na itinalaga ni PDU30 bilang mataas na opisyal ng Department of Labor (DOLE) sa Region 7 na doon na nagtapos ang lahat, laking gulat niya nang pagdating nila sa MCIA ay mga airport security at pulis ang sumalubong sa kanya, ahahay!
At kung inakala rin ni Ms. Lady Lawyer na mabibigyan siya ng hustisya ng mga awtoridad partikular na nang mga kamote, err, matitikas na kagawad ng PNP, ‘she is also headed for disappointment,’ wika nga, yeheyy, ayy, huhuhu!
Paano ba naman, DILG undersecretary for peace and order, Oscar Valenzuela, “VIP treatment” pala tuwing lumalanding sa MCIA itong si ‘Hon. Labor Official’ kaya ang nangyari, mga pulis pa ang “nag-abugado” para sa kanya at kasamang “nakiusap” sa biktima na huwag na siyang magsampa ng reklamo!
Sa kabila rin ng paulit-ulit na paalala ng biktima sa mga pulis na itabi ang cellphone ni ‘Mr Predator’ hindi nila ito ginawa—aber, ‘ni hindi man lang nila binusisi ang laman ng cellphone upang makita ang “ebidensiya” ng mga malaswang pantasya sa kababaihan nitong kumag na ito.
Na ibang klase rin ang ‘fetish’ nitong ‘subordinate’ ni DOLE Secretary Benny Laguesma ay nakita mismo ng biktima nang pumayag ang suspek na ipakita sa kanya ang photo gallery ng kanyang cellphone kung saan ‘andun ang mga litrato at video ng mga katawan, hita at underwear ng kanyang mga naging biktima, wow, ayy, ngih!
Na sadyang “may-asim” at “angas” sa Cebu ang nasabing opisyal, DOJ Secretary Boying Remulla ay napatunayan ng biktima nang agarang ibasura ng piskal ang kanyang reklamo na paglabag sa ‘Anti-Voyeurism Act of 2009’ (RA 9995) at RA 11313 (Safe Spaces Act). Ang rason, Mr. Justice Secretary? “Lack of jurisdiction,” aguy!
“Mahina” rin umano ang kanyang reklamo dahil sa kawalan ng ebidensiya (ang cellphone ng suspek)—na hindi ginawan ng paraan ng PNP na ‘ma-secure’ upang makuha ang kailangang ebidensiya.
Aber, kung mismong ang sistema ng hustisya at mga tagapagpatupad nito ay nagsasabwatan upang pagkaitan ka ng katarungan—kasehoda isa kang abogado at miyembro ng korte—saan hihingi ng katarungan ang mga biktima ng pang-aabuso, aber?
Kunsabagay, ‘andyan pa naman ang New People’s Army, ngek!
Ngayon nga ay nakasampa na sa piskalya ng Pasay ang mga nasabing kaso. At sa kanyang pagkabuwisit, ehek, nakitang kabulukan ng pagpapatupad ng batas, sinampahan na rin ng biktima ng reklamo sa NAPOLCOM ang mga tolongges na pulis mula sa Cebu-PNP.
May bukod na ring reklamo sa CAAP at sa PAL management ang palabang abugada. At kung gugulong naman ang hustisya para sa kanya at marami pang naging biktima nitong “mabogli” na opisyal ng DOLE, abangan natin ang susunod na kabanata, hane?
Siyempre, ang mas mabilis na “solusyon” labor secretary Benny L at ES Lucas Bersamin? Eh, bakit hindi na lang sibakin sa kanyang puwesto ang damuhong ito?
Karapat dapat ba kasi sa gobyerno ng Bagong Pilipinas ang mga ganitong opisyal, aber?
Comments are closed.